Chairwoman Galang dinipensa ang itinayong barangay hall

October 09, 2019

DINIPENSA ni Barangay Chairwoman Minna Galang ng Barangay 235 Zone 22 ng Tondo 2nd District sa tinalakay nating ipinatayong barangay hall sa kanilang lugar na sumakop sa mahigit kalahati ng  lansangan na nasa loobang bahagi ng lugar.

Ipinadala ni Chairwoman Galang ang lahat ng dokumento na magpapatunay na dumaan sa legal na proseso ang pagpapatayo nila ng barangay hall sa bahagi ng lansangan ng Balintawak St. at ikinaila na plano niyang gawing tirahan at paupahan ang istraktura.

Naghain kasi ng reklamo ang tatlong Kagawad ng barangay sa tanggapan ng Manila Barangay Bureau na may kopya sa Engineering Office ng Manila City Hall dahil bukod sa umano’y planong gawing tirahan at paupahan ang istraktura, wala itong building permit at taliwas sa kampanya ni Mayor Isko Moreno na linisin sa lahat ng sagabal ang mga lansangan. Kinuswetiyon din nila kung saan galing ang pondong ipinagpatayo ng sinasabing barangay hall.

Sa kanyang liham kay Barangay Bureau OIC Romeo Bagay, binigyang diin ni Chairwoman Galang na nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Barangay, kabilang ang tatlong nagrereklamong Kagawad, noong Hulyo 12, 2018 na nagpapahintulot na magtayo ng panibago nilang barangay hall matapos na gibain ng MMDA ang dati nilang punong tanggapan sa kalye mismo ng Villaruel St. kanto ng Jose Abad Santos.

Inaprobahan din aniya ng Manila City Council ang kanilang resolusyon at mismong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) pa ang nagpondo sa ilalim ng General Appropriation Act of 2019.

Mismong si DPWH District Engineer Gerard Opulecia pa ang lumiham sa Kabesa upang hilingin na payagan ang contractor na ABF Construction & Construction Supply Company na ituloy ang proyektong pagtatayo ng barangay hall.na ibinatay sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A 8974.

Binuweltahan din ng Kabesa ang mga Kagawad na naghain ng reklamo sa pagsasabing may masamang hangarin at hindi magandang motibo ang mga nagreklamo na aniya ay may ambisyon na maging punong barangay.

Lumagda rin aniya ang ilang mga residente sa lugar na nagpapahintulot sa pagtatayo ng barangay hall na anila ay hindi naman sagabal at magsisilbi pang proteksiyon laban sa masasamang elemento sa kanilang lugar.

Scholarship sa mga artist

Bihira sa mga kabataan na may kaalaman sa sining ang naghahangad na kumuha ng ganitong kurso  lalo na’t sa makabagong teknolohiya ay iba’t-ibang uri na ng sining ang puwedeng malikha, bukod pa rito ang kakulangan ng suporta ng pambansang pamahalaan.

Kaya masasabing mapalad ang mga kabataang Navoteño na mahusay sa sining dahil may pagkakataon na silang makapag-aral ng libre sa ilalim ng nilagdaang kasunduan para sa ikatlong batch ng NavotaAs Art Scholarship Program.

May 10 kaagad na senior high at tatlo sa kolehiyong estudyanteng Navoteño ang tumanggap ng tulong pang-edukasyon mula sa pamahalaang lungsod matapos mapili bilang iskolar sa visual arts, music, dancing, theater arts, at creative writing.

Sinabi ni Mayor Toby Tiangco na sa ilalim ng art scholarship program, ang mga benepisyaryo ay mabibigyan ng P16,500 na transportation at food allowance pati na ng P20,000 workshop and training grant bawat academic year.

Dapat nga lang na ipasa ng mga iskolar ang lahat ng asignatura, panatilihin ang magandang asal at lumahok sa mga aktibidad ng pamahalaang lungsod, pati na sa mga workshop, tour, at programa na dinisenyo para mas mapalawak ang kanilang kaalaman at mapahusay ang kanilang talento sa sining na kanilang napili.

Chinese sex workers

Sa dami ng mga Chinese nationals ngayon na nagtatrabaho sa patok na patok na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), dumami rin ang prostitusyon den, partikular sa southern area ng Metro Manila, na pawang mga babaing Tsina ang nag-aalok ng panandaliang aliw.

Sa katunayan, ilang prostitusyon den na ang sinalakay ng NBI sa mga lungsod ng Makati at Paranaque na pawang mga babaing Tsina ang nasasagip habang mga POGO workers na mga Chinese national naman ang nahuhuli na nagsisilbing customer.

Pinakahuli nga rito ang nadakip ng mga tauhan ng Makati police na Chinese workers na kliyente ng sinasabing prostitution den sa Maxx Hotel na nagresulta sa pagkaka-rescue sa 35 Chinese women na sex workers at iniaalok sa pamamagitan ng online booking at tuluyang pagkakasara sa naturang hotel.

Ang nakapagtataka, sabi ng isang nahuling Chinese, marami raw pumupunta doon kabilang ang ilang pulis. Ang tanong, ano naman ang gagawin dun ng mga pulis gayung puro dayuhan lamang at walang Pinoy ang pinahihintulutan?  Sigurado na hindi galing sa Makati police ang nagtutungo sa establisimiento dahil sila nga ang humuli rito. Kung ano man ang pakay ng sinasabing mga pulis na nagtutungo sa prostitution den, your guest is as good as mine.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363