Character change vs climate change

September 23, 2019

MARAMI na tayong nakitang destraksiyon saan mang panig ng mundo dahil sa sinasabing climate change.

Nasa sekondarya na ako nang una kong marinig ang pagkasira ng ozone layer. Napagbintangan pa nga ang spray net na noong mga taong 1980s ay kinababaliwan ng mga kababaihan.

Iyong nabutas daw na ozone layer ang sinasabing dahilan ng pag-init ng mundo o kaya naman ay dahilan ng extreme na paglamig ng klima sa maraming bansa. Ang mga katubigan, lalo na ang mga ilog dito sa atin ay hindi na matukoy kung ilog ba talaga o giant canal.

Ang mga karagatan, lalo na iyong malapit sa kabihasnan, ay mistula na ring malaking kanal na humahalik sa lupa.

Maraming lugar sa buong mundo ang hindi mo aakalaing babahain makalipas ang ilang dekada. Ang Middle East ay nagisnan na nating lahat na mainit at bihirang dalawin ng ulan dahil nga disyerto. Pero nakita natin sa maraming pagkakataon na binaha na  rin ang Saudi at ang Dubai dahil sa bagyo.

Ang mga first world na tulad ng Germany at UK ay binaha na rin kaya hindi na masyadong sumasama ang loob ng mga Pinoy na nasa 3rd world country.

Maraming mga unusual sa ating paligid mula sa pagtuyo ng ilog, pagkalusaw ng yelo sa Antartica, pagguho ng mga bundok, pagputok ng mga bulkan at pagkawasak ng maraming kagubatan.

Mapalad pa ang mga early age ko dahil inabot ko pa ang malinaw na Tullahan River na tumatagos sa maraming parte ng Metro Manila. Sa ilog na iyon na tagos sa Sta. Barbara sa Novaliches ay napakinabangan ko pa ng mga ilang taon bago naging “malaking kanal” at “poso negro.” By the way, happy fiesta pala sa mga taga-Sta. Barbara ngayong araw na ito, Sept 24.

Sa ilog na iyon ay nakakapamingwit kami ng hito, dalag at karpa. Doon na rin kami tumatalbos ng kangkong at doon na rin kami naliligo. Sa gilid ng ilog na iyon, mayroon kaming balon na kinukuhanan natin ng inumin.

Habang kami’y naliligo, ang mga mga nanay naman ay naglalaba sa pampang.

May gubat din na kadikit ang ilog na iyon kaya doon na rin kami nangunguha ng caimito, bayabas, aratelis at mangga, depende sa panahon. Sa ilog at gubat na iyon na rin kami naglalaro.

Kapag panahon ng salagubang o kaya’y gagamba, doon na rin kami magkikita-kita sa gubat, pagalingan sa paghahanap. Kapag buwenas, nakakapamingwit pa kami ng mga palakang bukid na aking inaadobo o prito.

Nakukumpleto namin ang mga araw nang walang gadgets na kailangan. Malinis pa ang hangin at payapa ang ilog. Hindi na ito inabot ng aking mga anak at lalong wala ng idea ang aking bagong apo kung gaano kasaya ang aming kabataan.

Nagulat na lang ako isang umaga, halos matuyot na ang parte ng Tullahan River, ang kagubatan na aming playground ay subdivision na pala, iyong dating tumutubong kangkong at inaagos na water lily na pinagtataguan pa namin kapag naliligo ay nawala na. Mga patay na hayup at sangkatutak na basura na ang inaagos ngayon.

Iisipin mo rin kung bakit nagkanoon, pareho rin naman ang mga taong isinilang noon at ngayon, kumpleto sa human anatomy at pareho lang ng komposisyon ng mga bahagi ng katawan.

Ang pagkakaiba lang talaga, iyong mga tao noong una, mas may malasakit sa kanyang paligid kaya malinis ang hangin at napapakinabangan ang mga katubigan.

Ngayon, ang walang isip at walang malay na climate change ang ating pinagbubuntunan ng sisi. Hindi natin malaman kung anong sagot sa climate change na ito bago pa maubos ang ating mga natural na yaman ng paligid.

Kahit ano pang technology ang maibento at kahit sangkatutak pang climate change summit ang ganapin saan mang parte ng mundo, hindi tayo magtatagumpay sa pagsagip sa ating kalikasan.

Ang totoong kailangan ng tao na panlaban sa climate change ay character change. Baguhin na natin ang ating ugali sa maraming aspeto ng pagmamahal sa kalikasan kung gusto nating may ilog at kagubatan pang magigisnan ang ating mga bagong kabataan.
allanpunglo@gmail.com