Chet Cuneta ayaw tantanan ng kalaban

November 20, 2018

MUKHANG hindi talaga tatantanan ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang 57-anyos na kapatid ni Mega Star Sharon Cuneta na si Cesar Joseph “Chet” Cuneta hangga’t hindi nadidiskuwalipika ang kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod ng Pasay.

Maugong kasi ang pangalan ni Chet lalu na nang kumalat ang balita na siya ang ini-endorso ni Davao City Mayor Sarah Duterte bilang susunod na alkalde ng Pasay City bukod sa malakas pa ang hatak ng kanyang kapatid, hindi lang sa mga kabataan kundi sa mga tagahanga ng mega star.

Una rito’y may isang taga-Unang Distrito ng lungsod ang kumuwestiyon sa kandidatura ni Chet dahil hindi raw siya kuwalipikadong tumakbo bilang alkalde bunga ng pagkabigong bumoto ng dalawang sunod na taon.

Kaagad naman itong nasagot ni Chet na dating commercial pilot kaya’t hindi nakaboto at ng kanyang running mate na si dating konsehal Richard Advincula  na nagpatunay na na-reactivate na ang voter’s registration ng kapatid ng mega star bago pa man maghain ng kandidatura.

Ngayon naman, umugong ang balita na may panibago raw disqualification case na ihahain laban kay Chet Cuneta dahil natuklasan na peke umano ang kanyang iprinisintang lease contract sa kanyang inuupahang bahay sa lungsod.

Inaabangan ngayon ng kampo ni Chet at Advincula kung may maghahain nga ng panibagong disqualification case dahil handa silang salagin ito at patunayang walang katotohanan ang kumakalat na akusasyon.

Wala namang pinatutungkulan ang kampo nina Chet at Advincula kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat sa isyu bagama’t aminado sila na posibleng may malakas na impluwensiya ang nasa likod ng naturang paninira.

Tatlo ang inaasahang mahigpit na magtutunggali sa nalalapit na halalan sa lungsod ng Pasay kabilang ang dalawa pang sina Congresswoman Emy Calixto Rubiano na papalit sa kanyang kapatid na si  Mayor Antonino Calixto at ang dating city prosecutor na is Edward Togonon.

Anuman ang mga isyu sa kandidatura ng tatlo, ang kagustuhan pa rin ng mga botante sa Pasay ang mangingibabaw kung sino ang nais nilang susunod na mamuno sa lungsod.
Hamon kay Gen. Anduyan.

Magsisilbing hamon sa bagong upong district director ng Northern Police District (NPD) ang talamak na video karera sa maraming lugar sa Caloocan City, lalo na sa area ng North Caloocan na ginagawang libangan ng napakaraming drug addict.

Isa kasi sa dahilan ng pagbili at paggamit ng iligal na droga ng mga nahuhumaling sa video karera ay ang pagsinghot ng shabu upang manatili silang gising para sa magdamagang paglalaro.

Alam naman ito ng pulisya dahil sa tuwing magkakaroon ng raid ang awtoridad sa mga hinihinalang drug den sa North Caloocan, hindi nawawala ang pagkakaroon ng video karera.

Sa katunayan, ilang makina na nga ang nakumpiska ng mga tauhan ni Chief Insp. Jonathan Olvena, hepe ng Intelligence Unit ng Caloocan police, na karamihan ay nakuha sa mga raid sa drug den.

Ang problema nga lang, dahil karamihan sa mga nagkalat na video karera sa North Caloocan ay pag-aari ng iba’t-ibang personalidad, kabilang na raw ang ilang pulis, baka mahirapan ang district director na maparalisa ng tuluyan ang iligal na operasyon nito sa lungsod.
Rehab graduates.

Isa ang 44-anyos na si Edison Tomines sa mga nakaranas ng masamang epektong dulot ng paggamit na droga kaya nang sumailalim siya sa rehabilitasyon, ibinahagi niya ang kanyang karanasan at hinikayat ang iba pang drug addict na iwasan na ang masamanag bisyo.

Si Tomines and isa sa anim na nagtapos noong nakaraang linggo sa Bidahan na isang community-based treatment and rehabilitation program ng Navotas City. Sa anim na nagtapos, tatlo ang sumailalim sa counseling at tatlo ang nakakumpleto ng 18-buwang rehab na isinagawa ng Navotas-Anti Drug Abuse Council (NADAC) katuwang ang Narcotics Anonymous kaya’t inalis na ang kanilang pangalan sa watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

Ayon kay NADAC chairperson Mayor John Rey Tiangco, ang mga nagtapos ang magandang halimbawa na may maayos at payapang buhay pagkatapos ng treatment at rehabilitation mula sa paggamit ng iligal na droga.

Sabi ng alkalde, handa na ang mga nagtapos na maging produktibong mamamayan dahil natuto na sila ng proper grooming, healthy lifestyle, paano pahalagahan ang sarili at mga mahal sa buhay, at makamit ang pagbabagong hinahangad.

Isang halimbawa ito na may pag-asa pa sa buhay ang mga lulong sa droga kung mahihikayat silang sumailalim sa counseling at rehab sa halip na ituring na salot sa lipunan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.