China girls for sale sa Watercube Club?

WALANG puknat ang ginagawang pagsalakay ng awtoridad sa mga establisimentong sinasabing front ng prostitusyon na ang kalimitang inilalako ay mga prostitute mula sa Vietnam at China.

Dahil dito, hindi pwedeng palagpasin ang natanggap nating ulat na may ganitong uri ng kalakaran din sa isang club na nasa Macapagal Boulevard, Pasay City.

Ang tinutukoy natin ay ang Watercube Club na nasa Hobbies of Asia na pag-aari ng isang Chinese national na tinukoy sa pangalang Nato.

At para sa patas na pamamahayag, gusto nating bigyang-diin na bukas po ang pitak na ito sa anumang sagot, reaksiyon at komento mula kay Nato at sa buong management ng Watercube Club. Kahit anong araw at oras ay maaari po kayong magbigay ng inyong panig, mga mam at sir!

Base sa natanggap nating sumbong, karamihan sa mga nagtatrabahong ‘guest relations officer’ (GRO) rito ay mga China girls.

Gusto nating malaman unang-una kung ang mga babae bang nagtatrabaho rito ay may sapat na working permit mula sa Bureau of Immigrations.

At kung may working permit sila, mayroon rin kaya silang health permit na mula naman sa Departmeng of Health at Pasay City Hall?

Una nating tatawagan ng atensiyon si Pasay City Mayor Imelda ‘Emi’ Calixto.

Bukod po kasi sa ‘health permit,’ dapat ay matukoy din kung anong klaseng business permits mayroon ang Watercube Club na ‘viral’ din sa social media ngayon dahil sa kakaibang ‘special offer’ na ibinibigay nito sa kanilang parokyano.

Hindi  malayong kung walang kaukulang ‘health permit’ ang mga kababaihang banyaga na nagtatrabaho rito ay posibleng tumaas na naman ang bilang ng mga kababayan nating nagkakasakit ng sexually transmitted disease (STD), venereal disease (VD), Human Immunodeficiency Virus (HIV) at AIDS.

Sa puntong ito ay mahalagang kumilos din ang Criminal Investigation and Detection Group, National Capital Region Police Office (NCRPO), Southern Police District at National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman kung totoo bang talamak ang prostitusyon sa naturang club.

Importante ring ‘ma-check’ ng ‘intel community’ kung ‘malinis’ din mula sa sindikato ng ‘international drug syndicate’ sa Watercube dahil karamihan sa mga parokyano rito ay mga Chinese at Korean nationals na may mga bitbit pang bodyguards na pulis mula mismo sa PNP.

Ang Watercube Club sa Hobbies of Asia ay halos katapat lamang ng ipinagmamalaki nating Dampa Seafood Restaurant.

Malaking hamon ang mga detalyeng ganito sa bagong upong NCRPO chief na si Brig. Gen. Debold Sinas na may mabigat ding ‘pressure’  sa balikat ngayon dahil ang pinalitan nitong ‘mistah’ mula sa PMA Hinirang Class of 1987 na si Maj. Gen. Guillermo Eleazar ay kilala sa pagiging ‘action man’ at ‘darling of the press.’

Bukod sa NCRPO, ipapasa rin natin ang detalyeng ito sa mga kaibigan natin sa NBI na sina Director Dante Gierran at Deputy Director Eric Distor na alam kong hindi palalagpasin ang mga ganitong uri ng impormasyon.

Sa kabuuan, apat na ‘prostitution den’ na ang sinalakay ng mga awtoridad sa Makati City at Paranaque City.

Bukod sa libong bilang na ‘Chinese sex workers’ na ‘na-rescue’ ng mga alagad ng batas, apat na Chinese nationals at isang abogadong Pinoy ang nadakip sa magkakahiwalay na ‘entrapment operation’ nang magtangka silang manuhol ng milyong pisong halaga kapalit ng kalayaan ng mga ‘sinagip’ na China at Vietnam girls.

Maraming pera ang mga nasa likod ng operasyon ng prostitution den sa Paranaque City at Makati City dahil bukod sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), karamihan sa mga ito ay sangkot din sa malawakang ‘money laundering’ at inaalam na rin natin ngayon kung ang perang ito ba ay nagagamit na ng sindikato sa droga o mga terorista mismo.

Dito sa Watercube Club, maaari raw ilabas ang mga China girls para sa panandaliang aliw sa halagang P8,000 hanggang P15,000.

Umaasa tayong bibigyang pansin ito ng PNP at NBI.