‘Civil Code violations’ ng Meralco dapat silipin

BAGO ang lahat, isa munang mainit at malakas na pagbati ng ‘Happy Birthday!’ sa ating kaibigan na si Phil. Army Major JC Cabading, na nagdiwang pala ng kanyang kaarawan kahapon. ‘Keep safe always!’

Tahimik na parang mga ‘3 Wise Monkeys’ ang ating gobyerno— Palasyo, ERC at Senado— sa patuloy na pangongotong, ehek, panggogoyo, ayy sus, pang-aabuso, nitong Madyikero Electric, nyeh, Meralco Electric Company (MERALCO).

Yun bang, basta Meralco ang nasa ‘limelight,’ mistulang ‘see no evil, speak no evil at hear no evil’ hehehe, ayy, huhuhu!

Dalawang beses nang nagpatawag ng Meralco press coference, ayy, ano ba naman, committee hearing, hinggil sa Meralco, itong Senate Committee on Energy sa pangunguna ni Sen. Sherwin Gatchalian at sabihin pa, ang lahat ng pagkakataon ay muling naibigay sa kumpanyang ito nina MVP at Lopez, upang igiit na “tama,” “sakto” at “matuwid” ang ginawa nilang paniningil ng kuryente, partikular sa panahon ng lockdown.

Pero dahil masyado namang garapal sa panig ng komite ni Sen. Sherwin at ERC chair, Agnes Devanadera, kung basta na lang tatanggapin ang palusot ng Meralco, “napilit” din, kahit paano, ang Meralco na “aminin” na “nagkulang” sila sa paliwanag sa kanilang higit 6 milyon ‘residential customers’ kung paano nangyari na dumoble, naging triple ang kanilang konsumo ng kuryente sa gitna ng pandemya— kung saan “patay” lahat ang negosyo dahil sa lockdown.

Yes, kabayan, “hiyang-hiya” naman ang Meralco na sa “paliwanag” sila nagkulang, hehehe!

Translation para sa mga konsumer? “Bayaran” ninyo lahat ng sinisingil namin sa inyo,’ whether you like it or not dahil may ‘profit margin’ kami na dapat protektahan, kahit sa panahon ng pandemya, yeheyy!’

Aber, sa sandamakmak na nagreklamo sa singil ng Meralco sa panahon ng lockdown, hindi ba bukod sa ‘personalised explanation’ sa kanilang mga naghihirap na kostumer— na panukala naman ni Sen. Sherwin na “dapat” gawin ng Meralco— kahit ba “singkong duling,” mga kabayan, ibinalik ba sa atin ng Meralco?

***

Sa ganang atin, napakaganda ng paliwanag ng ‘Matuwid na Singil sa Kuryente’ (MSK) consumer group kung bakit kagulat-gulat at kagimbal-gimbal ang ginawang paninngil ng Meralco:

Ang hindi nakonsumong kuryente ng kanilang mga ‘industrial/commercial costumers’ (shopping malls, mga pabrika, etc.), ay nakonsumo ng mga residential clients ng oligarkiyang ito — at binayaran natin ng halos tatlong beses ang presyo!

Translation? Ang P0.82/kWh na singil ng Meralco sa mga industrial/commercial customers nito, binayaran natin ng P2.98/kWh, na singil nila sa kanilang mga residential customers, aba’y… “ganid” yata ang tawag dito, tama ba, mga kabayan?

At dahil higit nang dalawang taon sa poder sa ERC si chairperson Agnes Devanadera, eh, mahirap namang isipin na hanggang ngayon, “napapaikot” pa rin siya nitong Meraclo at hindi niya nakikita ang mapang-abusong pamamalakad sa Meralco at iba pang mga kumpanya ng mga oligarko sa ating ‘Power Sector?’
Hindi naman kasi tayo naniniwala na “bopols” at “clueless” hanggang ngayon itong si madam Agnes na isa pa namang abugado.

Dahil kung totoo ang “tamang-hinala” na ito ng mga miron, eh, what are you still doing there at the ERC, Atty.

Agnes? May be you would want to vacate the chair, madam chairman?

Subalit, hindi pa naman marahil huli ang lahat, hindi ba mga kabayan? Ano namang malay natin, eh, baka biglang “tubuan” ng “konsensiya” at “talino” itong ERC at si Sen. Sherwin, hindi ba, dear readers?

Kaya nga uulitin natin ang naisulat na natin, hinggil sa posibleng paglabag nitong Meralco sa RA 386 (Civl Code of the Philippines), kung saan nasusulat (basa!):

ARTICLE 19. Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, and observe honesty and good faith.

ARTICLE 20. Every person who, contrary to law, wilfully or negligently causes damage to another, shall indemnify the latter for the same.

ARTICLE 21. Any person who wilfully causes loss or injury to another in a manner that is contrary to morals, good customs or public policy shall compensate the latter for the damage.

ARTICLE 22. Every person who through an act of performance by another, or any other means, acquires or comes into possession of something at the expense of the latter without just or legal ground, shall return the same to him.

Oh, ayan, Atty. Agnes at Sen. Sherwin. Baka gusto ninyong “pag-aralan” ang mga probisyon na yan ng Civil Code? At kung “swak” dyan ang Milagro Electric, ahahay, Manila Electric, eh, bakit hindi ninyo sampahan ng kaso, aber?

Tutal,”umamin” naman ang Meralco na may “pagkukulang” ito, hindi ba? Ano yan, palagi na lang bang “I am sorry” at pagkatapos ay “wala na” at puwede pa silang umabusong muli sa kanilang paniningil kahit nasa gitna tayo ng pandemya?

Sakali ngang “swak” sa paglabag sa Civil Code ang Meralco, bakit hindi rin ito gawing batayan upang utusan ang Meralco para sa agarang refund ngayong Hulyo, aber?
Abangan!