COMELEC dapat lumevel up

February 18, 2019

UNA, binabati ko ang COMELEC sa isang matagumpay na plebisito na ginanap sa ilang bahagi ng Mindanao para pagpasyahan ang Bangsamoro Organic Law. Kalahati lamang ang trabaho naming mambabatas ang pagsulat at pagpasa sa BOL para mapalakas ang Autonomous Region in Muslim Mindanao. Maisasakatuparan lamang ang mithiin ng kada letra ng batas matapos ang isang matagumpay na plebisito.

Gaya ng isang halalan, ang mga mamamayan ang direktang nagpapasya sa kapalaran ng BOL kung sa tingin ba nila ay makakabuti ito sa kanila.

At gaya ng isang halalan, ang COMELEC din ang ahensyang punong-abala sa aktibidad na ito.

Maituturing natin na mapayapa at maayos ang ginanap na plebisito base sa mga reports na natanggap natin. Makakabuti nga na nagkaroon muna ng plebisito sa Mindanao upang magsilbing dry-run sa COMELEC at iba pang ahensya na tututok sa parating naman na local at national elections.

Isa sa pinapatupad na ng COMELEC ang paninita sa mga campaign materials na hindi sumunod sa tamang sukat at yung mga nakakabit sa mga ipinagbabawal na mga lugar. Sa Malabon na lang, kahit na sa Marso  pa ang opisyal na simula ng  kampanya sa lokal na level ay nagkalat na ang mga tarpaulin at marami dito ay sa kawad pa ng kuryente nakasabit. Baka maging sanhi  pa ito ng sunog -- palapit pa naman ag Fire Prevention Month.

Para sa mga  kandidatong nakitang may paglabag sa posting policies, naglabas ng listahan ang COMELEC para  aksyunan ito ng  kampo ng kandidato. Ang mahirap dito, marami sa mga  paglabag sa  posting policies ay  ginawa ng mga  volunteers o di kaya ay  supporters ng kandidato.

Kung maisusuhestyon ko  lang,  baka pwedeng bigyan ng incentive ng COMELEC ang mga taong magbabaklas sa mga iligal na campaign materials.  Sigurado ako na hindi na kakailanganin pa ng COMELEC ng shame campaign o magtawag pa ng mga volunteers  para  tulungan ang ahensya sa pagtatama sa mga violations na ito.

Isa sa  mga polisiya na nangangailangan ng malawakang atensyon ang pagpapatupad ng  gun ban  dahil  madalas nang nakakabit sa isyu na ito ang takutan at karahasan tuwing kampanya at election.

Sa resolusyon ng COMELEC sa  aplikasyon ng gun exemption, naghigpit talaga ang COMELEC sa proseso lalo na sa mga personalidad na kailangan ng security personnel. Dapat ay empleyado ng isang private security agency ang bodyguard para masigurong may sapat na training ito. Layunin ng polisiya na ito na iwasan ang paglago ng private army groups.

Pero hamon sa COMELEC at PNP na siguruhing ang mga karapat dapat lang ang magkaroon ng gun exemption. Tanong ng ilan, bakit nakakagamit pa rin ng baril ang masasamang elemento sa gitna ng election period?  Nitong linggo nga, isang negosyante ang pinagbabaril sa gitna ng edsa habang tirik pa ang araw.

Matagal tagal pa ang itatakbo ng election period at base sa mga nakaraang election,  mas umiinit ang sitwasyon habang papalapit ang eleksyon. Kaya ngayon pa lang, dapat  naka full alert na ang COMELEC at lahat ng  ahensyang may tungkulin sa mapaya at maayos na halalan.