Commissioner Guerrero, ipahinto mo rin ang pag-isyu ng ‘hold order’

March 06, 2019

SA tingin ng marami ay “tahimik” ngayon ang Aduana.

Sa totoo lang, isa-isa na kasing ginagawan ng paraan ni Bureau of Customs Commissioner Rey “Jagger” Guerrero para i-address ang mga problema.

Ito ang mga problema ng congestion, red tape, korapsyon, katiwalian at iba pang sakit ng ulo ng mga importer at broker.

Huwag natin kalimutan na ang mga importer at broker ang pinanggagalingan ng perang pumapasok sa kaban ng BoC.

Kaya tama lang ang ginagawang pagsasaayos ng pamamalakad ng gobyerno sa Aduana.

Kamakailan nga ay nagtatag si Guerrero ng isang unit na tututok sa mga “alerted” na kargamento.

Ang itinatag na “alert clearing  house” ay upang i-boost ang trade facilitation at wakasan ang katiwalaan sa BoC.

Sinabi ni  Guerrero na ang bagong opisina ay naatasang bigyang solusyon ang “delays and ease the processing of alert orders through active monitoring of alerted shipments.”

Ito’y nagpapakita na sensitive si Guerrero sa “public opinion.”

Alam kasi ng publiko na sakit ng ulo ng mga negosyante ang mga alert order.

Kapag na-alert ang shipment ay made-delay ang paglabas nito sa pantalan.

Dagdag gastos ito sa mga negosyante at broker.

Malaki ang babayaran  nila sa arrastre operator at international shipping line.

Kaugnay ng mga pagsasaayos na ginagawa ni Guerrero,  bumaba na rin ang bilang ng mga kargamento na naalerto.

Mula 300 ay bumaba ito sa 94. Nangangahulugan lang na hindi na kayang paikutin ng ilang tiwaling opisyal dyan sa Aduana si Comm Jagger.

Hindi katulad dati, kaliwa’t-kanan ang pag-isyu ng alert order.

At niliwanag din ni Guerrero na hindi puwedeng magpalabas ng alert order ang bagong tatag na “clearing house.”

Ang may kapangyarihang mag-alerto ng kargamento ay ang office of the commissioner at ang mga district collector.

Dapat busisiin at ipahinto na rin ni commissioner ang pagho-hold sa kargamento. Kapag kasi na-hold ang kargamento, parang na-alert na rin ito dahil kailangan pang i-lift sa computer ang hold order.

Ito ang ginagawang kasangkapan ng ilang opisyal dyan sa BoC.

Kung sa tingin nila ay may-diperensya o duda sila sa laman, i-subject agad nila ang kargamento sa X-Ray  examination.

Ang problema kasi sa ilang kawani, kapag hindi nabigyan ng “tara” o may pinoprotektahang “player” eh, agad nilang hino-hold ang kargamento para maperhuwisyo ang broker at importer.

Ganyan ang istilo ng ilan lang namang opisyal dyan sa Aduana.

Pero sa tingin natin, sa ginagawa ni Commissioner  Guerrero ay magtatagal ito sa Aduana.

Huwag lang siyang mabiktima ng mga taong naglalaway sa kanyang puwesto.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@ yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)