‘Composed’ ang NBI!

MISMONG si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi nitong Biyernes ng gabi na wala siyang kinalaman sa ginawang pagpapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Pasig City Mayor Vico Sotto.

Sinabi pa ng Pangulo na hindi niya pinakikialaman ang anumang trabaho ng NBI dahil karamihan sa mga namumuno at tauhan nito ay mga abogado.

Ibig sabihin nito, hindi niya kinakastigo ang pamunuan ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor, hindi katulad ng ginawang pagsibak ni Digong kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Emmanuel Luna nang hilingin sa kagawaran na ang dapat imbestigahan ay si Vice-President Leni Robredo dahil sa pagso-solicit nito bilang tulong sa mga biktima ng COVID-19.

Nagalit ang Presidente kay Luna at agad itong sinibak sa puwesto, ngunit sa NBI ay wala siyang ibinigay na kahit katiting na puna.

"Yung kay Mayor Vico, isang beses lang ako nagsalita, yung nagproclaim ako ng [state of] emergency. Sabi ko, 'wag ito, wag yan, Pagkatapos nito, wala na, nandito lang ako. Wala akong pakialam sa operation ng NBI, kung anong gusto nila. Karamihan diyan mga abogado yan," sabi pa ng Pangulo.

Sa first weekly report na ipinadala ng Pangulong Duterte sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso, nakasaad sa section 4(g) ang: “Authorizes the President to ensure that all LGU’s are acting within the letter and spirit of all the rules, regulations and directives issued by the National Government pursuant to RA No. 11469, including the implementation of the community quarantine.”

“The NBI is investigating and filing charges against local government officials who willfully disregard, contravene, or violate national guidelines on community quarantine set by IATF-EID.” sabi pa sa ulat ng Pangulo.

Ibig sabihin, hindi lamang Department of Interior and Local Government (DILG) ang maaaring mag-imbestiga sa mga local officials, kundi mandato rin ito ng NBI.

Naunang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi sini-single out ng NBI si Mayor Sotto dahil marami pang elected officials ang ipinatatawag ng kagawaran, kabilang na si Senador Koko Pimentel nang samahan ang manganganak na asawa  sa St. Lukes Global sa Taguig City kahit na ‘under-home quarantine’ ang senador dahil sa pagiging COVID-19 positive.

Sinabi sa atin ni Distor na bukod kina Koko at Vico at ilan pang alkalde, ipinatatawag na rin sina Bgy. Captain Rodolfo Palma ng Bgy. Pag-asa, Quezon City dahil sa Kadamay rally na nangyari sa Vertis North Subidivision, at si Bgy. Captain Emiliano Ramos ng Bgy. Talon Uno, Las Pinas City.

Naiintindihan natin ang sentimyento ng mga ‘symphatizer’ ni Sotto. Naniniwala rin tayong maayos ang ginagawa nito para tulungan at saklolokhan ang mga kababayan sa Pasig sa gitna ng pamiminsala ng COVID-19.

Pero sana naman ay bigyan muna ng pagkakataon na magsagawa ng imbestigasyon ang NBI dahil bahagi ito ng tinatawag na ‘due process.’ Maaring hindi na sakop ng ‘Bayanihan to Heal As One Act’ ang ginawa ni Vico kaugnay sa pagbibigay pahintulot sa mga tricycle na pumasada sa kalsada sa kabila ng mahigpit na kautusan ng Malakanyang.

Pero mahalagang ‘proseso’ ang imbestigasyon upang malaman kung may nilabag ba talaga si Sotto o wala.

At bago magalit sa akin ang mga tagasuporta ni Vico, gusto kong linawin na ako mismo ay humahanga sa anak ni Bossing Vic. Pasasaan ba’y maliliwanagan din ang mga taga-NBI sa ginawang ito ng batang pulitiko.

Hindi naman kasi talaga tama na gumawa ng sariling kumpas at batas ang isang local officials kung may ganitong uri ng krisis.

Isipin n’yo na lang na kung hindi nagpasaway si Vico sa kautusan ng Malakanyang at maraming local officials ang sumunod sa kanya, hindi ba’t malaking kaguluhan ito?

Sa ganitong uri ng pagsubok, dapat po, iisang direksiyon lang ang pagsagwan natin sa isang bangka.

Kung paiba-iba ng direksiyon ang ating pagsagwan, walang ibang pupuntahan ang inaalon na bangka kundi ang lumubog na lamang.

Sa kabilang dako, bukod sa pag-iimbestiga sa mga napapaulat na ‘umaabusong local officials,’ kabi-kabila ang ginawang operasyon ng NBI laban sa mga ‘hoarders’ at mapagsamantalang negosyante na nagtitinda ng mga overpriced na ‘essential products,’ lalo na iyong mga gamit pang-hospital at pangkalusugan.

Ang NBI anti-cybercrime division na pinamumunuan ni Victor Lorenzo ay tuloy din sa pag-trace sa ilang indibiduwal na nasa likod ng mga nagpapakalat ng fake news na nagdudulot ng kalituhan sa publiko at possible pang makahikayat sa lahat na magkagulo ang bayan dahil sa kagutuman likha ng COVID-19.

Sa mga susunod na araw, ayon kay OIC Distor, ay tuluyan maaaresto at masasampahan  ng kaukulang kaso ang mga taong nasa likod ng fake news, habang walang humpay pa rin ang ginagawa nilang operasyon laban sa mga hoarders.

May inihahanda na rin silang imbestigasyon hinggil naman sa napapaulat na ilang korapsiyon sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan.

Mula’t mula ay hindi sanay ang NBI sa anumang publicity at kahit ‘nabugbog’ sila sa social media kamakalawa, nananatiling ‘composed’ ang mga ito para maipaliwanag nang maayos sa publiko ang dahilan ng kanilang mga hakbang na hindi kailanman mahahaluhan ng pulitika.

May sariling hotline na rin ang NBI na puwedeng tawagan ng taumbayan upang pagsumbungan laban sa corruption sa pamamahagi ng ayuda, sa ‘food distribution’ at ‘quarantine protocol violations.’

Maaari silang magsumbong at tumawag sa telepono 0966-4723056 (Globe); 0961-7349450 (Smart); 0975-153-9146 (Regional) at 02-852-40237 (Landline).