Comprehensive master plan!

September 16, 2019

KUNG tutuusin, wala naman talagang problema sa hinihinging emergency power ng Pangulong Duterte.

Madaling ibigay ito ng Senado kung talagang ito ang sagot sa problema ng trapik sa Metro Manila, partikular sa EDSA.

Pero, ang problema kaya hanggang ngayon ay ayaw pumayag ng Senado na aprubahan ang emergency power ay wala namang maipakitang comprehensive master plan si Department of Transportation Secretary Arturo Tugade para matapos na ang problema ng trapiko sa Metro Manila, partikular sa EDSA.

Ang simple ng tanong ng mga senador…”nasaan ang master plan ninyo?”

Pero, hanggang ngayon ay walang maipakita si Tugade!

Palaging sinasabi ni Tugade na mayroon daw at hindi lang daw sila hinahayaang mag-present.

Anong hindi hinahayaang mag-present, nakailang punta na ba siya sa Senate hearing? Ilang pang-iisnab na ba ang ginawa niya.

Dapat maintindihan ni Tugade na hindi basta-bastang magagawa ng Senado ang hinihingi niyang emergency power para kay Pangulo kung walang konkretong laman ang kanyang emergency power.

Napakahalaga ng master plan sa isang emergency power.

Kailangang  himayin ito para maging maayos ang isang panukalang batas na ipapasa ng Senado.

Ipinagpipilitan ni Tugade na sa pamamagitan ng emergency power ay mapapabilis ang lahat ng mga proyekto at polisiya ng administrasyong Duterte para mabigyan ng solusyon ang problema ng trapiko sa Metro Manila nang walang sagabal sa batas o court injunction.

Pero, ang totoo ay hindi na kailangan ng emergency power nang maging pangulo si Duterte kung simula pa lamang sa pag-upo ni Digong ay kumilos na ang DOTr at tinutukan nang husto ang problema sa trapiko.

Kahit walang emergency power, sapat na ang kapangayarihan ng ehekutibo para bigyan solusyon at tuluyang maresolba ang problema sa trapiko lalo na sa EDSA.

Ngunit, ngayon naman biglang sasabihin ng DOTr na hindi nila mandato ang usapin sa trapiko.

Ano ba talaga ang nangyayari sa DOTr?

Kitang-kita na iwas-pusoy naman ngayon kahit napakalinaw sa kanilang mandato na meron silang pakialam sa problema sa trapiko.

At noong 2016 pa lang ay iniyayabang na ni Tugade na kayang solusyunan ng DOTr ang trapik.

Kaya nga, ang problema talaga ay si Tugade at hindi ang mga senador.

Matapos kasing walang maipakitang comprehensive master plan para sa problema ng trapiko, ngayon naman ay sasabihin niyang ipagpapatuloy nila ang dati nang programa at mga proyekto para masolusyunan ang trapiko sa Metro Manila.

‘Yon naman pala eh, bakit pa ipinagpipilitan ni Tugade ang emergency power ni Digong?!

Ang pinakamagandang gawin ni Tugade ay magbitiw na ito sa kanyang puwesto!

Sapat na ang tatlong taong panunungkulan nito bilang pinuno ng DOTr.

Ang tatlong taon ay napakahaba na para manatili pa si Tugade sa DOTr sa harap na walang tigil na problema ng trapiko sa bansa.