Congrats Commissioner Guerrero at mga taga-Bureau of Customs!

January 06, 2019

BINABATI natin ang mga taga-Bureau of Customs.

Nalampasan kasi ng naturang ahensiya ang kanilang  2018 revenue collection target.

Marami ang nagulat sa ginawa ng mga taga-BoC.

Marami kasing  nangyaring ‘di inaasahan bago matapos ang taon.

Nandiyan ang patuloy na negatibong reaksiyon ng tao sa napalusot na iligal na droga sa Aduana.

Nandiyan rin ang biglaang paglipat kay dating BoC Chief Sid Lapeña sa TESDA.

Sinalubong din ng iba’t ibang reaksyon ang pagkakatalaga kay dating AFP Chief of Staff Rey “Jagger” Guerrero bilang bagong Customs commissioner.

Pero ngayon, naipakita naman ni Guerrero ang kanyang abilidad hindi lang sa paglaban sa giyera kundi maging sa pagsugpo sa ismagling at pagpapataas ng koleskyon ng BoC.

Sa  naging magandang tax collection performance ng BoC, isa lang ang ibig sabihin nito.

Sa kabila ng maraming problema sa Aduana, hindi nagbago ang mga taga-BoC.

Nanatili silang tutok sa kani-kanilang trabaho.

Sa ating mga kaibigan sa BoC, muli,  congrats for a job well done!

* * *

Naniniwala tayo na tuluy-tuloy na ang magandang serbisyo diyan sa Aduana.

Ang masasabi lang natin sa mga importer, broker at kawani ng BoC, istrikto nga si Guerrero pero fair and just naman siya.

Sa tingin natin ay nakuha na ni BoC Chief Jagger Guerrero ang tiwala ng mga “nakatira” sa waterfront community.

Marunong siyang makinig sa mga constructive na komento.

Alam niya kasing marami pa rin kababayan natin ang may malasakit sa BoC.

Alam naman ni Sir Jagger kung ang isang tao ay gusto lang manira.

Ito ang mga sinosopla ni Guerrero.

Hindi puwedeng palampasin ang mga below the belt na banat.

Kailangang ituwid ang mga ito.

Tama ba, Sir Jagger?

* * *

Pagkatapos ng holidays, inaasahan magpu-full blast na ang pangangampanya ng mga kandidato.

Lalong iinit ang batuhan ng putik, lalo na sa mga lugar na may mga private army.

Ito ang mga bayan, syudad at probinsiya na dapat bantayan ng mga otoridad.

Ngayon pa lang ay dapat may mga nagbabantay ng pulis at sundalo sa mga “political hot spot.”

Mabuti na lang at sinabi ni Pangulong Rody Duterte na ‘di niya papayagang takutin ng mga warlord ang mga kalaban nilang politiko at botante.

Dapat sumunod ang mga otoridad sa kagustuhan ni PRRD.

Panahon na para wakasan ang paghahari-harian ng mga “teroristang politiko.”

Ikulong na ang mga yan!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumwag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)