COVID-19 vs TB

MAGKAKAIBA tayo ng pagtingin sa pagtaas ng bilang ng mga infected ng COVID-19. Mula pagkabata, inaral ko na ang positibong pagtingin sa maraming aspeto ng buhay.

At sa tingin ko, namaster ko ang ganitong karakter na nagbibigay sa akin ng mas maayos na pakiramdam. Hindi kayo maniniwala, sa edad kong 52 and counting, wala ako kahit isang puting buhok.

Kung ikukumpara sa mga kaibigan kong kaedad ko o mas bata pa sa akin, mukha na silang may pabrika ng uban at daming dinaramdam sa katawan. At baka hindi rin kayo maniwala, hindi pa ako gumagamit ng kahit anong reading glasses dahil nakakabasa pa ako ng normal.

Sa ngayon, wala pa rin ang akong iniinom na kahit anong maintenance medicine at nakakatakbo pa naman ng hanggang 5 to 7 kilometers sa halos araw-araw.

Sa tingin ko, iyong vibrant positivity na bumalot sa aking isip, katawan at pagkatao ang nagbibigay ng lahat ng ito.

Ibigay kong halimbawa ang patuloy na pagtaas ng bilang ng apektado ng COVID-19. Marami sa atin, takot at matinding pagkaalarma ang pagtingin sa mahigit 41K cases. Sa bahagi ko, mas natutuwa akong tumataas ang bilang ng kaso dahil ang ibig sabihin lang nito, natukoy na ang mga infected.

Kung natukoy na ang ganito karaming kaso, tiyak na sila'y na-isolate na at ginagamot. Nangangahulugan lang na mas malabo na silang makapanghawa dahil mas maaalagaan na sila.

Imagine life kung ang 41K cases na 'yan ay hindi natukoy at hindi na-isolate, mas lalong nakakatakot iyon dahil gagala sila sa publiko, hindi po ba?

Mas lalo kang matuwa kung idagdag mo pa sa isip mo ang mahigit 11K recoveries. Ibig sabihin, may pag-asa ang lahat ng infected.

Paano naman ang mga namatay sa COVID? Bakit mo iisipin iyon gayong lahat naman tayo ay mamamatay, sa ayaw at sa gusto mo, may sakit ka man o wala? Naisip mo rin ba na mas alarming pa ang tuberculosis o TB sa ating bansa na mayroong 2.5 million ang kaso?

At sinasabi ng World Health Organization, ang death ratio sa TB ay 26.3% sa bawat 100,000 population dito sa atin na 6th leading cause ng kamatayan ng ating kababayan.

Kaya nga kapag pinagsabong mo  ang COVID-19 vs TB, magmumukhang kutong lupa ang virus na ito dahil ilalampaso siya ng tuberculosis.

Kaya nga sa halip na ma-stress tayo sa pagdami ng kaso ng COVID, ang gawin natin ay magpalakas tayo ng ating mga katawan, sumunod sa mga health protocols na parang umiiwas din tayo sa TB.

Ipagpasalamat natin ang mga aksiyon ng gobyerno dahil hindi naman nag-collapse ang ating health system kumpara sa Ecuador na iniiwanan na lang sa bangketa at kung saan-saan ang kanilang bangkay.

Kumpara rin sa America na may mahigit dalawang milyong kaso, maayos pa na nakokontrol ng gobyerno ang paglubha ng sitwasyon.

Kung sa kabila ng mga positibong bagay na nangyayari sa bayan mo ay negatibo ang iyong pagtingin, mas ikakamatay mo ang stress, anxiety at paranoia. Sabi nga, count your blessings instead of misfortunes.
Be negative in COVID pero be positive in life.

allanpunglo@gmail.com