Home>Editorial>Opinion>COVID attitude

COVID attitude

MAY mga kakilala akong inaabot na pagka-praning sa tuwing magbabasa o makakapanood ng balita, lalo na tungkol sa bilang ng COVID cases sa ating bansa.

Pakiramdam nila, kinukulam sila sa tuwing mababalitaan ang patuloy na pagdami ng kaso ng mga tinatamaan ng virus.

Hindi na nga sila lumalabas ng kanilang bahay, nakikisali pa sa mga taong paranoid sa pagbibilang ng mga COVID cases.

Saan daw ba nanggagaling ang numerong umaabot sa pinakamataas na 15,000 plus noong nakaraang linggo. Lalo pa silang tinatamaan ng anxiety kapag nababalitaan may kakilala silang tinamaan ng COVID, may kaibigan silang namatay sa COVID, may mga kaibigan iyong kakilala nila na isinugod sa ospital dahil sa COVID.

Magbabasa ng mga balita about COVID, makikibalita sa mga kakilala tungkol sa COVID, tapos bigla na lang silang aatekihin ng anxiety. Tapos biglang magtetxt sa iyo at kukumustahin iyong kakilala mong na-COVID pero hindi naman niya kaibigan at lalong hindi rin niya kakilala.

Ganoon na ang buhay nila, umikot na sila sa pagbabantay ng numero ng COVID na akala mo’y nakabantay sa national canvassing sa Presidential election. Ilang saglit pa, magtetext sa iyo, hindi na raw sila makakain, medyo parang wala silang panlasa, tapos, hindi na raw nila maamoy kahit ang katabi nilang matagal na hindi naliligo o ang cologne na isinaboy sa leeg. Hindi ba’t praning?

Sa sumunod na araw, sasabihin na naman nila sa iyo, hindi sila makatulog, parang dilat daw sila magdamag sabay sasabihin, gusto nilang magpa-swab pagkatapos ikakandado ultimong bintana ng banyo!

Sino ba naman ang hindi apektado ng COVID na ito? Lahat naman tayo ay nasa loob ng sirkulo ng takot at walang kapanatagan. Ang tanong, kung kaya sanang gamutin ng gutom, puyat at takot ang virus, aba’y, tara na, sasamahan ko na sila!

Iyong iba, hindi sa virus matotodas, malamang sa nerbiyos at pagkapraning! Ang tanong, tama ba ang ganitong paranoid attitude? Ang sagot ay mali.

Isipin nyo, limitado na nga ng galaw mo, hindi mo makain ang gusto mo, wala kang makitang mga kaibigan, hindi mo mapuntahan ang mga dati mong pinupuntahan, hindi pa makapokus sa iyong trabaho, tapos tinatakot mo pa ang iyong sarili. Aba’y kung makaligtas ka nga sa COVID, pero mababaliw ka naman, wala rin!

Ang magandang attitude dito ay tama lamang na maging maingat at sumunod sa mga health protocols pero huwag mo namang sakmalin ng takot ang iyong sarili dahil hindi iyon ang solusyon sa problema.

Puwede namang life must go on na nag-iingat. Marami kang puwedeng gawin para mapasaya at ma-relax mo ang iyong sarili. Pagkagising mo sa umaga ay magkape ka habang nakikinig ng musikang magpapasaya sa iyo. Huwag balita please! Hanapin mo iyong mga lumang photo album nyo at balikan mo iyong pictures nyo noong mukha ka pang palaka or butiki.

Magwalis ka sa paligid ng bahay nyo o iyong mga dapat iretoke sa bahay gaya ng sirang alulod o butas na bubong, ay ayusin mo. Magtanim ka, magluto ka, magbasa ka ng mga gusto mo, manood ka ng mga luma or bagong pelikula, makipagbolahan ka sa social media at manood ka ng comedy kahit saan, huwag ka lang tatawa mag-isa kahit drama pinapanood mo baka kasi lukaret sign na yan ng kapraningan mo.

Maraming puwedeng gawin, magsulat ka ng mga magagandang nangyari sa buhay mo kaysa binabantayan mo ang numero ng COVID na akala mo’y score sa labanan ng basketball.

Kapag hindi kayo tumigil ng kapraningan nyo, pagkatapos ng pandemic, mas mukha pa kayong matanda sa mga lolo’t lola nyo!

Cool, relax and be happy dahil mas maraming magagandang bagay sa paligid ang magpapasaya sa iyo.

Stay healthy and stay safe pero happy. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV