Crime against humanity vs Pangulong Duterte

KUNG mayroon mang crime against humanity na matatawag, iyon ay ang pagtaboy ng Myanmar/Burma sa mahigit isang milyong populasyon ng indigenous community na Rohingya.

Ayon sa mga ulat, mahigit tatlong libong Rohingyans na ang napatay, maraming kababaihan ang ginahasa, walang pinapatawad na kalupitan sa mga bata at matatanda magmula pa noong 2017.

Winawalis at pinagtatabuyan na parang mga daga ang mga Rohingyans  dahil ayaw silang kilalanin ng Myanmar bilang kanilang mamamayan. Kung nakakita na kayo ng mga insekto na nagtatakbuhan dahil sa fogging operations, ganoon ang dinaranas ng Rohingya people.

Ayaw ng Myanmar government ang kanilang mga pagmumukha kaya pinapalayas sila papuntang Bangladesh. Karamihan sa mga Rohingyan ay Muslims at Hindu. Sa ngayon, mga stateless people sila dahil ayaw silang kilalanin ng Myanmar at hindi naman sila inaangkin ng Bangladesh. Mabuti pa nga si Pangulong Duterte, nagpahayag na welcome sa kanya ang Rohingyans kung gustong magpaampon sa Pilipinas.

May mga ulat din na sinusunog nang buhay ang mga Rohingyans kapag ayaw lumayas sa Myanmar.

Tanong, kumusta na ang aksiyon ng International Criminal Court o ICC laban sa Myanmar leaders? Totoo, may pahayag ang ICC sa nangyayari sa Myanmar pero hindi katulad ng obsesyon nila kay Pangulong Duterte!

Kung ikukumpara ang mga namatay sa drug war na inilunsad ng Duterte administration, walang binatbat ang ginagawa ng Myanmar government. Una, sa drug war, sinasagip ang mga inosenteng mamamayan mula sa kamay ng mga kriminal na adik at tulak, pangalawa, nililinis ng gobyerno ang lipunan laban sa mga salot ng bayan.

Marami na rin tayong nakita na talagang nanlalaban ang mga drug addict at trafficker habang inaaresto kaya nga maraming pulis na rin ang napatay sa operasyon. Crime against humanity ba ang sagipin ang bansa sa kuko ng mga kriminal?

Sa Myanmar, walang ginagawa ang Rohingyans, natutulog lang, nagluluto lang, nakaupo lang tapos biglang pagbabarilin at wawalisin na parang mga kalat.

Bakit hindi magpokus doon ang ICC kung talagang nagmamalasakit sila sa “sangkatauhan?”

Ang problema sa ICC, nakikita ang butas ng karayom ngunit  daan-daanan lang ang butas ng palakol. Ang totoo, nagpapasalamat ang majority ng Philippine population sa ginawa ng Pangulong Duterte laban sa mga kriminal at mga sangkot sa droga.

Mahabang panahong hostage ng mga halimaw na ito ang mga inosenteng mamamayan pero ngayon lamang nakaramdam na may gobyernong gumagalaw para sila’y proteksiyunan.

Hindi ako magtataka kung bakit ang Amerika at ang iba pang bansa ay ayaw nang magpasakop sa ICC dahil nga hindi naman balanse ang kilos ng mga ito.

Subukan  lang ng ICC na arestuhin si Pangulong Duterte para malaman nila ang kanilang hinahanap. Baka dito lang sila makaranas na batuhin ng kamatis at itlog kapag nagkataon!

allanpunglo@gmail.com