Customs Intelligence & Investigation. Service, nakuryente!

January 09, 2019

MARAMING natutuwa dahil mabilis ang pagno-normalize ng sitwasyon sa Aduana.

Sa tingin nga nila,  “doing great” ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) sa pamumuno ni Commissioner Rey “Jagger” Guerrero. Pero, Sir Jagger, huwag po kayong magkamaling mag-relax.  Ibang klase ang “labanan” sa Aduana.

Sa Aduana,  hindi nakabaril at gusgusin ang mga kalaban.

Ang mga kalaban ay naka-kotse, naka-barong, mapera at maimpluwensya.

At hindi nauubusan ng bala na nakakasilaw at nakakabulag na pera.

Mabuti na lang at nasa mabuting kamay ang BoC kay Comm. Guerrero at Intelligence Group (IG), sa liderato ni Deputy Commissioner Gen. Raniel Ramiro.

Ang balita natin ay matindi sa intelligence work si DCI Ramiro.

Isang bihasang jungle fighter, si Ramiro, kasama si Guerrero, ay miyembro ng PMA Class 1984.

Malaki ang papel na ginagampanan ni DCI Ramiro para matigil na ang ismagling at iba pang kalokohan sa Aduana.

Ang nakalulungkot lang, ang CIIS na nasa ilalim ni Ramiro ay mukhang “nakuryente” ng kanilang “informer.”

Dangan kasi nagpa-hold na, nagpa-alert pa ng shipment na pinaghihinalaang bigas ang laman, na nagnegatibo naman.

Mas maganda siguro kung idinaan na lang muna sa X-Ray para hindi na naperhuwisyo ang importer at broker.

Ang balita natin daan-daang libong piso na maaari pang abutin ng milyong piso ang gastos ng kawawang importer.

Nakalulungkot naman.

Kung sabagay, nagbigay na daw ng instruction si Comm. Jagger kay DCI Ramiro na i-expidite ang proseso para matapos agad ang “kuryenteng” impormasyon na nakalap ng CIIS.

Sa mga kaibigan natin diyan sa CIIS, kaunting ingat mga pare para hindi kayo nakukuryente.

Malaking perhuwisyo ‘yan sa mga negosyante.

Ayaw ni Sec. Carlos Dominguez ng ganyan!

* * *

Panahon na siguro para ibalik sa buwan ng Nobyembre ang mga eleksyon sa bansa.

Malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang gastos ng mga politiko.

Kapag buwan kasi ng Mayo ang eleksyon, maraming dahilan ang mga botante para humingi ng tulong sa mga kandidato.

Nandiyan ang Holiday season, Valentine’s Day, school graduation, mga pista, Flores de Mayo, class reunion at field trip.

Hindi makakahindi ang mga kandidato sa mga nagso-solicit ng donasyon.

Kapag Nobyembre ang eleksyon, walang mga okasyon na magagamit ang mga botante para manghingi ng donasyon.

Ngayon nga eh,  hindi na alam ng ibang kakandidato sa Mayo kung saan magtatago.

Lahat yata ng mga taga-barangay ay naghahanap sa kanila.

Hindi para mag-good morning o good afternoon kundi para humingi ng pang-merienda.

Huhuhu...

* * *

Mukha yatang wala ng solusyon ang problema sa trapiko sa Metro Manila  at iba pang lugar sa bansa.

Sobra na ang dami ng sasakyan pero ‘di naman lumalawak ang mga daan.

Ang masakit, lalo pang sumisikip ang mga kalsada dahil sa magkakaibang dahilan.

Nandiyan ang mga vendor, basketball court, welding shop, barangay hall at iba pang obstruction.

Kaya dapat limitahan na ang bilang ng mga  sasakyang puwedeng bilhin ng isang pamilya.

Kung hindi natin gawin ito, lalong titindi ang traffic congestion sa bansa.

Maraming kokontra sa panukalang ito pero ito ang isa sa nakikita nating solusyon sa problema.

Ito naman ay pansamantala lamang habang inililipat natin sa mga probinsiya ang mga malalaking paaralan, ospital, pagawaan at iba pang negosyo.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/enail:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)