Dagok sa kampanya ni Pangulong Duterte!

September 25, 2019

HINDI natin maiwan-iwan ang isyu ng mga customs broker dahil mahalaga ang papel na ginagampanan nila sa Aduana.

Aminado tayo na may mga naliligaw ng landas pero iilan lang yan.

Malaking tulong sila sa mga importador at sa Bureau of Customs (BoC).

Kabisado nila ang mga batas, patakaran at regulasyon sa import at export business.

Pinag-aralan nila ito sa unibersidad at kolehiyo at may lisensiya sila galing sa gobyerno.

Hindi sila ang mga pinabili lang ng suka at pagbalik ay mga eksperto na.

Nagsunog sila ng kilay sa loob ng ilang taon para maging lisensiyadong customs brokers.

Pero bakit maraming mandurugas sa pantalan?

May korapsyon pa rin kasi sa  pantalan hindi dahil sa mga broker.

May mga kalokohan sa Aduana dahil merong mga tiwali at korap na lingkod-bayan.

Malalakas ang loob ng mga manloloko sa pantalan dahil kaya nilang kumuha ng magagaling na abogado.

Ang iba naman sa kanila ay malalakas sa pamunuan ng BoC at ang karamihan ay may mga padrinong politiko na nakasandal sa administrasyon.

Hindi naman natin masisisi ang mga abogado dahil ginagawa lang nila ang kanilang trabaho.

Ang magagawa lang ng gobyerno ay maglagay ng mga incorruptible na opisyal at kawani sa pantalan.

May kasabìhan nga tayong mayroong ahas sa lahat ng gubat.

Ang kailangan lang ay paigtingin pa natin ang kampanya laban sa katiwalian at korapsyon.

Tama ba BoC Chied Rey Leonardo Guerrero at DepCom Raniel Ramiro?

***

Napapatunganga na lang ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, dahil sa mga dumaraming problema.

Nandiyan ang outbreak ng African Swine Fever (ASF), measles, polio at dengue.

Nandiyan din ang pababa nang pababang presyo ng palay na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Noon namang Martes ay  nagpatupad ng bigtime na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nabuhay din ang galit ng taumbayan sa “hazing” na nangyari sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City. Kasabay na naglaho ang pangarap ng mga magulang  ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa kanyang pagkamatay sa walang kakuwenta-kwentang dahilan.

Talaga bang hindi natin kayang patigilin ang hazing sa bansa?

Dapat ibalik na ang parusang bitay sa bansa.

At isama ang hazing sa  mga heinous crime, lalo na kapag namatay o nabalda ang biktima ng hazing.

Maraming problema sa bansa ngayon.

Tigilan na ang bangayan para sama-sama nating harapin ang mga problema.

***

Kapag na-postpone ang  October 2020 barangay at SK elections ay isang malaking dagok ito sa kampanya ni Pangulong Rody Duterte laban  sa graft and corruption.

Huwag natin kalimutan na maraming opisyal ng barangay ang sangkot sa mga iligal na gawain.

Sa totoo lang, kaya lumala ang traffic congestion dahil sa mga obstruction sa kalye.

Hindi naipatayo ang mga obstruction sa kalsada kung walang basbas ang mga opisyal ng barangay.

Niloloko na nila ang gobyerno pero bibigyan pa natin sila ng premyo sa pamamagitan ng pag-postpone sa eleksyon.

Pabayaan na nating tanggalin ng mga botante ang mga tiwali at walang kwentang opisyal ng barangay.

Huwag natin kunsintihin ang ginagawa ng mga walang silbing lingkod-bayan.

Ayaw ni Pangulong Duterte at DILG Sec. Eduardo Año ng ganyan!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )