Dalawang mungkahi para kay VP Leni

November 09, 2019

SA pagtanggap ni Vice President Leni Gerona Robredo ng pagkakahirang sa kanya bilang Co-Chairperson ng Inter Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, ang pitak na  ito ay nagsisilbing bukas na liham na naglalaman ng  dalawang mungkahi  para sa kanya at sa mga kasapi ng  IACAID upang magtagumpay sila sa kanilang misyon.

Una, magalang natin minumungkahi ang pagbuo ng isang Task Force para habulin ang pera ng mga drug lord at makumpiska ang mga ito at magamit ang pera sa edukasyon at kalusugan ng taong bayan.  Maghanap na si VP Leni ng mga  magaling sa IT at Auditing  at Forensic Accounting para  matuklas ang mga kumpanya at tao na nagtatago ng perang kinita mula sa iligal na droga upang makumbinsi ang  Court of Appeals na kumpiskahin  ang mga ito. Kung hindi ito gagawin, ang pera  ng mga drug lord ay  patuloy na gagamiting panuhol sa   kawatang pulis,  pusakal na mga piskal,  tulisang Customs, bandidong  NBI at kurap na  hukom para makapagpatuloy ang pamamayagpag ng sindikato.  Mam VP  Leni, “Follow the money” ika nga.

Pangalawa, ang pamahalaan ay sumunod sa Nelson Mandela Rules of 2015. Umpisahan ito sa  pagpapatayo ng dagdag na bilangguan at piitan. Ayon kay Nelson Mandela, “ it is said that no one truly knows a nation until one has been inside its jails. A nation should not be judged by how it treats its highest citizens, but its lowest ones.”

Ang  Pilipinas ngayon ang may pinakamasahol na mga bilangguan sa buong mundo (Narag, July 23,2018) at may tinatayang 605%  jail congestion rate na nakakalula ang taas kung ikukumpara sa Haiti na ang jail congestion rate ay 320%. Nung 2016 142,168 na ang mga nakakulong. Ayon sa World Prison Brief, ang bilang ay umabot na sa 188,278 nuong May 31, 2018.  Ang paglobong ito ay bunga ng kampanya laban sa iligal na droga. Hindi makaugaga ang mga Hukuman sa sobrang dami ng mga kasong bibistahan nila. Sasan-sasan ang  kapal ng mga case folder ng mahigit 50  kasong nakakalendaryong litisin araw-araw ng Korte.  Tapos  kulang pa tayo ng mga  Hukom, piskal at PAO kaya lalong nagtatagal ang paglilitis.

Ang kaya lang ng mga bilangguan sa Pilipinas na tanggaping preso ay 40,610 na kasya sa 7 bilangguan ng BuCor at 926 na piitan sa ilalim ng BJMP. Ang COA na mismo ang nagsabi noon pang 2016 na siksikan na ang mga bilangguan ng Pilipinas at hindi na tayo nakakasunod sa United Nations  Minimum Standard Rules for the Treatment of Prisoners o Nelson  Mandela Rules of 2015.

Hindi naman ginawan ng remedyo ng administrasyon ang problema dahil sa paniniwalang mainam ang ganitong sitwasyon para magsilbing panakot ang masahol na bilangguan para hindi gumawa ng krimen ang sinuman.

Nelson Mandela Rules ay may tatlong layunin: itaguyod ang pagkakaroon ng makataong kondisyon o katayuan ng mga bilangguan,  mapalaganap ang kamalayan na ang mga nakakulong  ay patuloy pa rin na bahagi ng lipunan ng isang bansa, at pahalagahan ang trabaho ng mga prison staff bilang isang importanteng serbisyong panlipunan.

Nakakalimutan ng Administrasyong Duterte na  hindi pagpaparusa ang pangunahing layunin ng pagpapakulong sa isang lumabag sa batas bagkus ito ay ang rehabilitasyon at  reporma ng kaisipan ng bilanggo at  ng magbago ang kanyang pananaw sa buhay  upang maging handa siyang bumalik sa lipunan bilang isang miyembro nito na masunurin sa batas pagkaraan niyang pagdusahan ang sentensiya.

Dahil kulang na kulang sa ispasyo o lugar, hindi pa napapatunayan sa hukuman na nagkasala ang isang akusado, nagdurusa na siya sa loob ng piitan ng BJMP. Napakalupit at hindi na makatao  ang kondisyon ng mga piitan. Balita namin ay kung walang P10 libo, sa sahig matutulog ang isang detainee. Shifting pa nga sa pagtulog dahil di kasya sa selda na 100 ang nakakulong subalit ang kaya lang talagang ilulan nito ay 10. Kulang sa bentilasyon ang selda kaya’t masangsang ang amoy ng pawis ng mga nagsisiksikang mga detainee. Sakit sa balat at baga ay hindi malayong makuha dito. Puwera pa ang lisa at kuto na namamayagpag sa dami ng mga ulong dikit-dikit sa pagtulog sa gabi. Mahaba araw-araw ang pila sa  CR para magbawas, umihi at maligo,  at kulang din ang pagkain.  

Malayong malayo ang sitwasyong  ito sa dapat na kondisyon ng bilangguan sa Nelson Mandela Rules. Mayroon dapat 4.7 cubic meters na ispasyo ang bawat bilanggo, may sariling kama, sapat na bentilasyon ang selda, may sapat na pagkain at tubig, may oras para mag-ehersisyo at magpa-araw para sa Bitamina A, at magkaroon ng pagkakataon kumunsulta sa doktor at makadalo sa iba’t ibang programang  pang ispiritwal, edukasyon, at kalusugan para sa rehabilitasyon at repormasyon ng bilanggo.  

Ang nagaganap ngayon sa loob ng mga  bilangguan at piitan ng Pilipinas  ay lantarang paglabag ng Pamahalaan sa Artikulo III Section 19 ng Bill of Rights ng 1987 Constitution na pinagbabawal ang “cruel, degrading or inhuman punishment” at ang paggamit ng “ substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions.”

Kailangan repasuhin ang Good Conduct Time Act at ang Release on Recognizance Act of 2012 upang makatulong na mabawasan ang bilang ng mga nakapiit sa Bucor at BJMP.

Kung ang dalawang mungkahing ito ay hindi mabibigyan ng  tamang pansin at kaukulang hakbang, patuloy na magiging tanyag ang Pilipinas  sa pagkakaroon ng sistema ng hustiya-kriminal na  sobra, malupit at hindi makatao magparusa; bigong bigo ang sistema na mabago ang kaisipan at pananaw ng  188,278 na nakulong na gagawa ulit ng krimen paglabas sa bilangguan.

At dahil dito, patuloy tayong lahat na nasa panganib na mabiktima ulit ng mga ex-convict/detainee na lalong tumindi ang galit sa lipunang walang malasakit sa kanila.