Dapat bang tanggalin ang ECQ?

April 06, 2020

Para maiwasan ang pagsisikip ng mga pantalan o port congestion, patuloy na nagtutulungan ang  mga ahensya ng gobyerno at arrastre operator ng dalawang malalaking puweto sa Maynila.

Ang mga ahensya ng gobyerno ay ang Bureau of Customs (BoC), Philippine Ports Authority (PPA) Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Transportation (DOTr).

Ang mga arrastre operators naman ay ang International Container Port Inc. (ICTSI) at Asian Terminal Inc. (ATI).

Mahalagang ma-decongest ang pantalan para mapabilis ang paglalabas ng mga kargamentong naglalaman ng pagkain at kagamitang gamit sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).

Ang mga taga-BoC ay "under strict orders" ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na bilisan ang pagpapalabas ng mga nasabing kargamento.

Pati face masks, kasama ang thermal scanners at personal protective equipment (PPE), ay galing abroad.

Matatandaan na umapela ang DOTr at PPA sa mga shipper at consignee na alisin na ang mga overstaying cargo sa mga pantalan.

Tumalima  naman ang mga shipper at consignee sa panawagan nina DOTr  Sec.  Arthur Tugade at PPA Gen. Manager Jay Daniel Santiago.

"The utilization of the ports is now approximately 75 percent. The PPA is happy about this. There's now effort on shippers and consignees to withdraw their cargoes. This helps in decongesting the ports," sabi ni Tugade.

Ayon pa kay Tugade, "ipinapakita lang nito na kung mag-babayanihan (ay) may progreso."

Amen!

***

Malaki talaga ang nagagawa ng social media, lalo na kapag may krisis.

Ngayon ay alam na ng buong bansa kung sinu-sino ang mga alkaldeng "super" generous sa kanilang mga  constituent.

Kitang-kita ang dami ng ibinibigay ng ilang alkalde sa mga kababayan nila.

Inggit naman ang mga residenteng naaabutan lang dalawang kilong bigas, na kung minsan ay tila pagkain ng aso o pusa.

Ang ibang food pack naman ay may kasamang dalawang sardinas at dalawang chicken mami.

Ang maganda, naipaparating kaagad kay Pangulong Duterte ang karaingan at problema ng taumbayan.

Dito takot ang mga lokal at barangay na opisyal.

Sa pamamagitan ng social media ay nabubulgar ang mga ginagawang katarantatudan sa mga barangay, bayan at syudad.

Kailangan lang mag-isip ng maige bago mag-post ng mga bagay na hindi nakakatulong sa bayan.

Iwasang magpost ng mga below the belt na komentaryo.

Tama ba kami, Justice Secretary Menardo Guevarra?

***

Ilang araw na lang ay matatapos na ang isang buwang enhanced community quarantine sa Luzon.

Talaga namang nahihirapan ang gobyerno na desisyunan kung aalisin o palalawigin pa ang quarantine.

Kung palalawigin ang enhanced community quarantine o ECQ,  ekonomiya ang tatamaan ng husto.

Kung aalisin naman na ang ECQ , baka  lalong lumala ang (COVID-19) sa bansa.

Mahirap desisyunan ang problemang ito, lalo na't perhuwisyo ang dulot ng sakit.

Mabuti sana kung may lunas na ang salot na sakit.

Kahit anong desisyon ang gawin ng gobyerno, marami ang maapektuhan.

May mga suhestiyon nga na dapat gradual ang gawing pag-aalis ng ECQ.

Kailangan unahing i-lift ang mga nasa manufacturing at factory business para makapagtrabaho na  ang maliliit na manggagawa.

Samantalahin rin ang pagkakataon para matapos ang mga kalsadang inaayos ng DPWH pati na ang konstruksiyon ng skyway.

Sa ganitong paraan, maraming manggagawa ang maiibsan kahit papaano ang kanilang paghihirap.

Huwag na munang buksan ang mga mall. At dapat kapag binuksan na ang mga ito, iklian lang ang oras ng kanilang operasyon. Sa ibang bansa nga, alas-singko pa lang ng hapon sarado na ang mga mall.

Tandaan natin, hindi nakikita ang Coronavirus kaya hindi mo alam kung paano mo ito mapupuksa.

Isa pa,  mabilis kumalat at dumami.

Iba talaga ang virus na ito.

Hindi natin alam kung man-made ba ang (COVID-19)?

Basta ang alam natin, mahirap kalaban ang kaaway na ito.

(Para sa ibyibg komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)