Dapat “maghunos-dili” si Comm. Greco

December 26, 2019

BAGO ang lahat, isa munang mainit na pagbati ng ‘Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon!’ sa ating lahat. Harinawang “siksik,” liglig” at “umaapaw” ang mga biyaya at pagpapala sa ating lahat sa pagpasok ng susunod na taon.

***

Dahil panahon ngayon ng Kapaskuhan, harinawang huwag bigyan ng negatibong kahulugan ni PACC commissioner, Greco Belgica, ang ating komento ngayon, bagkus, tingnan niya ito bilang isang ‘constructive criticism from a friend to another friend (dahil para sa atin, isa siyang “kaibigan” partikular sa mga nagsusulong ng mabuti at tapat na serbisyo publiko).

Ang tinutukoy natin ay ang ‘raid’ sa ‘168 Shopping Mall’ sa Divisoria noong Disyembre 23, dalawang araw bago ang Pasko, kung saan 10 ‘undocumented Chinese’ at ilang mga magtitinda ang hinuli at higit P4.5 bilyon halaga ng mga “palusot” na paninda ang nakumpiska.

Bagaman masasabing ‘accomplishment’ ng gobyerno, ang “hirit” naman ng mga miron, panibagong insidente ito ng “panghihiya” ng PACC sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno, katulad ng Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Immigration (BI).

Alam nating hindi panghihiya sa kanyang mga kapwa lingkod-bayan ang pakay ni Comm. Greco pero, ganun pa rin ang resulta, hindi ba, BoC commissioner, Jagger Guerrero at BI commissioner Bong Morente, aray ko po, hehehe!

Dangan nga kasi, “malinaw” na HINDI ginawa ng  BoC ang mandato nito—supilin ang smuggling at hindi rin ginawa ng BI ang mandato nito—tiyakin na walang mga ‘undocumented alien’ ang makakapasok sa bansa para dito na magtrabaho.

“Kung” ginawa kasi nila ito, paano ipapaliwanag ng BoC na aabot sa P4.5 bilyon ang nakumpiskang mga produkto at may mga ‘Chinese nationals’ na nahuli sa 168 Mall na nagtitinda na walang mga kaukulang papeles, aber?

Kaya nga sa nasabing raid kung saan kasama pa nga ni Comm. Greco ang mga opisyal ng BoC at BI, wala silang nagawa kung hindi “lunukin” na lang ang kanilang ‘pride,’ hehehe, ayy, huhuhu!

And yes, dear readers, hindi ito ang unang pagkakataon na “sinampal,” ehek, “sinopla,” ni Comm. Greco, ang BoC, aguy! Kung babalikan, kamakailan, ‘sanrekwang mga pulis at may “bitbit” pang baril si Comm. Greco nang “humangos” sa BoC—kasama ang media, siyempre!

Eh, wala naman pala siyang “dadakmain,” bagkus, ‘magpa-receive’ lang naman pala ng ‘subpoena,’ hehehe!

Komento tuloy ng mga miron, “pinababa” ni Comm. Greco ang ‘prestige’ ng PACC sa kanyang ginawa dahil ‘clerical job’ ang magpadala ng subpoena! Oo nga naman, hehehe!

Pansin pa ng ibang miron, hindi raw “asal-Kristiyano” ang aksyon ni Comm. Greco noong Disyembre 23 dahil “kung kailan Pasko,” saka pa siya ‘nag-raid’ dahilan para sa kulungan magpalipas ng selebrasyon ang kanyang mga hinuli, huhuhu!

Kumbaga, nagmistula siyang ‘The Grinch of Christmas’ na ang gusto sa buhay ay tiyakin na maging “malungkot” ang araw ng Pasko, hihihi!