Dapat maging parehas ang Merlaco !

HINDI ko na dapat isulat ito kasi masyadong personal.

Ngunit alam ko na milyung-milyong consumers ng Meralco ang makaka-relate sa artikulo nating ito sa buong Mega-Manila.

Aaminin ko, ngayong Lunes lang talaga tayo nagbukas ng mga ‘billings’ sa bahay kasi para sa akin, ayaw ko munang isipin ang mga mga buwanang bayarin dahil mas ‘priority’ ko ang gastusin sa pagkain at pangangailangan sa bahay at sa mga tauhan ko sa aming munting negosyo sa Batangas.

Pero pagbukas ko sa aking Meralco bill, nagulat tayo sa nakalagay na ‘total amount due!’

Kabuuang P15,911.41 po ang isang bill natin na ang ‘billing period’ ay April 15, 2020 hanggang May 14, 2020. Ang isang bill ko naman na may ‘billing period’ mula March 15, 2020 hanggang April 14, 2020 ay nagkakahalaga ng P5,451.67.

Hindi natin inaasahan na pati tayo ay makararanas sa tinatawag na ‘bill shock.’ Nang maglabasan kasi ang reklamo laban sa Meralco, ang tingin natin noong una ay ‘isolated case’ lamang ito.

Pero nang tayo na mismo ang makatanggap ng mataas na singil sa kuryente, pakiramdam ko’y maraming mali ang dapat itama lalo’t 22 lungsod at walong munisipyo ang pinagsisilbihan ng dambuhalang kompanya.

Isang kaibigan natin na  malapit sa Meralco ang nagpaliwanag sa inyong lingkod na magkasinghaba o magkasingtaas daw kasi ang bar ng ‘monthly electricity consumption chart’ natin noong May 2019 ‘consumption’ ngayong May 2020.

At dahil walang ‘meter reading’ na nangyari, ito ang ginawang basehan ng Meralco!

‘Unfair’ ito para sa akin dahil noong nagdaang taon ay nandirito pa sa Pilipinas ang dalawang anak ko.

Pero nasa abroad na po sila ngayon.

Ang aking panganay ay isang engineer at ang aking bunso ay doon din nag-aaral kasama ng aking asawa na isang nurse.

Aalog-alog po kami sa bahay ngayon. Ang mga kasama ko ay isang kasambahay at isang houseboy kaya hindi makatarungang ibatay ang bill sa konsumo ng kuryente noong nakaraang taon sa kasalukuyang taon.

Totoo kapag nasa bahay ang mga bata ay malakas silang kumonsumo ng kuryente dahil bukod sa computer at telebisyon ay malakas silang gumamit ng ‘aircon’ sa kani-kanilang silid.

Pero ngayong wala ang mga ‘bata,‘ sigurado tayong mababa dapat ang bill natin sa kuryente.

Sa puntong ito, bigla ko tuloy naalala ang sumbong ng isang may-ari ng computer shop na siningil ng malaki, gayung sarado ang ‘puwesto’ nito ngayong may enhanced community quarantine (ECQ).

Tama ang ginawang kautusan ni Energy Regulatory Commission (ERC) chair Agnes Devanadera na magkaroon muna ng ‘actual reading’ sa metro o kuntador sa bawat tahanan bago maningil ang Meralco.

Ang nakapangangamba  ay paano pa mai-correct ng Meralco ang mga ipinadala nilang bill ngayon?

Sa susunod na Meralco bill ba ay maitatama na nila ang singilin o tuluy-tuloy na ito at hahayaan na lang nilang maging ‘parehas’ ang singilin sa mga susunod na buwan?

Pano ang magiging sistema ng bayaran ngayon? Oo puwede ang hulugan o ‘staggered payment,’ pero paano ibabawas ang mali nilang ‘computation?’

Marami pang katanungan ang dapat ipaliwanag ng Meralco!

Sana po, sa panahon ngayong may pandemikong problema sa COVID-19 kung saan ay marami ang naghihirap nating kababayan, ay maging parehas lamang sila sa pagsingil sa kuryente.

Upang kahit papano’y makabawas ito sa intindihin pa ng mga kababayan nating Pilipino!