Dapat matanggal na sa BoC ang mga tulisan na opisyal

October 13, 2019

DAPAT matanggal na ang mga tulisang opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC) na nakikipagsabwatan sa mga ismagler at mandarayang importer.

Pahirap sila sa gobyerno at mga maliliit na importer at broker.

Sa totoo lang, ang mga tiwaling lingkod-bayan na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapang abutin ng BoC ang buwanang collection target.

Walang mangyayaring technical smuggling kung hindi nagiging “bulag” ang mga taga-BoC sa mga ganitong bagay.

Nabubulag sila sa kislap ng paldo-paldong salapi.

Ang masakit, pahirap sila sa mga masunurin pero maliliit na negosyante at broker.

Pinapahirapan nila ang mga walang kakayahang lumaban sa kanila para lang makopo ang trabaho sa Aduana.

Ang tingin sa kanila sa pantalan ay mga ganid, buwaya at mahikero. Inuulit natin. Kailangang mawala na sa Aduana ang mga salot.

Sila ang balakid sa administrasyon ni Pangulong Rody Duterte at BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

Inuuna ang kanilang interest kaysa interest ng taumbayan.

Dapat ma-entrap ang mga ito para mabulok sila sa kulungan.

Kaya niyo bang  gawin yan,  Depcom Raniel Ramiro?

***

Mukhang nagising ang mga magsasaka dahil sa masyadong mababa ang presyo ng palay.

Ang hindi nila maintindihan ay hindi naman bumababa ang presyo ng bigas.

Ito’y kahit na maraming bigas sa merkado.

Ang ibang magsasaka nga ay gustong huwag munang magbenta ng kanilang aning palay.

Iyon nga lang  napipilitan silang ibenta ang ani dahil mababaon sila sa inutang na 5-6 sa mga usurero.  

Kawawa talaga ang mga magsasaka natin ngayon.

Karamihan sa kanila ay luhaan dahil sa lugi.

Galit sila sa mga taga-gobyerno na nagpapahirap sa kanila.

Ika nga nila, malapit na naman daw ang 2022 elections.

***

Parang teleseryeng nakaka-adik ang nangyayari ngayon sa bansa.

Wala nang pinag-uusapan kundi ang tungkol sa “ninja cops,” protesta ni Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo, sino ang papalit kay PNP Chief Oscar Albayalde, kung sino ang susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.

Dito mo makikita na aktibo ang mamamayan sa nangyayari sa kanilang kapaligiran.

Malaking bagay talaga ang pagsulpot ng mga makabagong teknolohiya.

Dahil nga sa social media, kahit sa mga probinsiya ay alam ng taumbayan ang nangyayari sa larangan ng politika, militar at pambansang pulisya.

Sa katunayan, pati nga ang pag-commute ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ay talagang inabangan ng taumbayan.

Saludo sila sa ginawa ni Panelo dahil naging sentro siya ng atensyon ng buong bansa.

Kung pag-uusapan ang publicity, number one talaga ang ginawa ni Secretary Panelo.

Maraming natawa, nagkamot ng ulo at napailing sa ginawa ni Panelo.

Biruin mo nakuha niya ang atensyon ng mga taga-diyaryo, radyo at telebisyon.

Hehehe.  (Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)