Dapat may maparusahan sa ‘Oplan Isnabero’

December 07, 2018

AKTIBO na naman ang Oplan Isnabero laban sa taxi drivers.

Ganito ang kampanya ng LTFRB, LTO, Highway Patrol at MMDA laban sa mga pihikang tsuper sa tuwing ganitong Holiday Season.

Ang ipinagtataka naman natin, sa hirap ng buhay ngayon ng  taxi drivers at idagdag mo pa ang dumaming kalaban nilang Grab cars ay nagagawa pa rin nilang maging mapili ng mga pasahero.

Kaya nga maraming cab drivers ngayon ang umaangal dahil bumagsak ng 50% ang kanilang kita magmula nang payagan ng gobyerno ang Grab cars.

Dahil naging kultura ng ibang taxi drivers ang pagiging barumbado at mapili sa kanilang mga pasahero kaya nagsulputan ang kanilang kakumpetensiya.

Ang tanong, sa kabila nito at kahit matindi ang kampanya laban sa mga isnabero, bakit marami pa rin ang gumagawa nito?

Ang sagot, wala pa kasing nasasampulan ang gobyerno na pinakakanselang prangkisa at lisensiya dahil sa ganitong pagkakasala.

Kailangang makita ng mga isnabero na ito na may napaparusahang mga tsuper at operators para maging halimbawa sa lahat ng mga binigyan ng prang-kisa.

Huwag nating kalilimutan na ang prangkisa at lisensiya sa pagmamaneho ay hindi karapatan bagkus ay pribiliheyo lamang na ipinagkakaloob ng estado kaya puwede itong bawiin kapag lantaran ang paglabag.

Ugali na ng mga driver ang mapili sa kanilang mga pasahero kapag matindi ang trapik at maulan. Ngayong panahon ng     Kapaskuhan, mas dapat maging aktibo ang  government marshalls na magpanggap na pasahero para masakote ang mga ganitong tsuper!

* * *

Bumaba na sa 6% ang inflation rate para sa buwan ng Nobyembre mula sa 6.7% nitong September at Oktober.

Ang inflation rate ay ang bilis ng pagtaas ng presyo ng prime commodities na nakakaapekto sa marami nating mga kababayan.

Malaking bagay ang sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng mga bilihin at ang mga anti-inflation drive na gjnagawa ng Duterte administration.

Magandang regalo ngayong Holiday Season ang serye ng rollback sa petroleum products at ang pagbaba ng inflation rate.

Umaasa tayong tuluy-tuloy na ito hanggang matapos ang 2018 para totoong masagana ang pagsalubong natin sa Bagong Taon.

allanpunglo@gmail.com