Dapat sibakin ng TV network ang 2 noontime hosts na gumon sa Ecstasy!

BIBIGYANG pabuya ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagkakapaslang kay Steve John Pasion na pinakamalaking supplier ng ecstasy sa Pilipinas.

Si Pasion, 31-anyos, ay napatay sa ikinasang buy- bust operation sa parking area ng isang condominium sa Bgy. 310, Sta. Cruz, Manila noong nakalipas na Lunes ng gabi.

Ayon kay PDEA-Special Enforcement Service acting director Levi Ortiz, ‘franchise owner’ si Pasion ng kilalang Chinese restaurant, ngunit ito rin ang itinuturing na isa sa ‘bigtime party drugs supplier’ na karamihang parokyano ay mga modelo at kilalang artista sa bansa.

Sinabi naman ni PDEA-National Capital Region (NCR) Director Joel Plaza, ang condominium ni Pasion sa Sta. Cruz ang ginagawang storage o imbakan ng kanyang mga supply na droga.

Tinangkang lumaban ni Pasion sa mga awtoridad kaya napilitan siyang paputukan ng mga operatiba ng PDEA at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Naaresto rin sa nasabing operasyon ang 25-anyos na girlfriend ni Pasion na si Sophia Mercado.

Nasamsam ng mga awtoridad ang 50 gramo ng hinihinalang shabu at 15 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit P300,000. Nakuha rin sa operasyon ang isang baril at 13 bala at nang halughuling ang loob ng condo unit ni Pasion, nakuha roon ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6 million at liquid ecstasy na nagkakahalaga ng P75,000.  

Sa campaign sortie ng PDP Laban sa Isabela kamakalawa ng gabi, sinabi ng Pangulong Duterte na nag-report na sa kanya si PDEA chief Secretary Aaron Aquino at ibinalita ang pagkakapatay kay Pasion.

“Kagabi nag-usap kami ni Aaron Aquino tapos sabi nya, ‘Sir, namatay na yung number one distributor ng ecstasy.’ Sabi ko, ‘Announce mo, 1 million five,’ kasi tatlo yata ang patay (I spoke with Aaron Aquino last night. He told me that the number one distributor of ecstasy was killed. I told him to announce that I am giving P1.5 million because I think three died there),” sabi pa ni Duterte.

Ang pag-neutralize kay Pasion ay resulta ng follow up operation na isinagawa ng PDEA bunsod ng naunang pag-aresto sa mga part-time models na sina Billy Joe Kakilala, Ronnie Toribio at event organizer na si Abby Forteza Oban. Ininguso ni Toribio si Pasion bilang supplier ng kanilang droga.

Nakuhanan naman sila ng 100 piraso ng ecstasy tablets, 750 ml ng suspected liquid ecstasy, 20 gramo ng shabu at isang gramo ng cocaine.

Nang siyasatin naman ng PDEA agents ang laman ng cellular phones ni Pasion doon nila nakumpirma na regular na parokyano ng suspect ang dalawang noontime show hosts.

Iyong isa umano sa kanila ay naka-order pa kay Pasion ng 200 tableta ng ecstasy na hindi pa madetermina ng mga awtoridad kung pambenta ba ito ng noontime show host o ginagamit para ipamigay sa tuwing sasalang sa ‘sex orgy.’

Sinabi ni Gen. Aquino na matagal nang nasa radar ng kanilang ‘intelligence gathering’ ang dalawang noontime show hosts, ngunit dito lamang uli nila nakumpirma na gumagamit ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot dahil na rin sa mga impormasyong nakuha sa mobile phone ni Pasion.

Bukod sa dalawang noontime show hosts, isang bilyonaryong real estate developer ang nabatid ding regular na customer ni Pasion, base na rin sa mga mensaheng nakuha sa mobile phone ng suspect.

Habang isinusulat ito’y nagpapatuloy ang ‘case build up’ ng mga awtoridad laban sa dalawang artista.

Ayaw kong sunugin ang follow up ng PDEA sa kasong ito, pero dahil inihayag na nila na mga noontime show hosts ang kanilang pinatutungkulan, dagdagan ko na lang ng kaunting ‘clue’ kung sino ang mga ito.

Si babae ay sobrang ganda na hindi mo akalaing gagamit ng ganitong uri ng droga. Si lalaki naman ay matagal na talagang nasa radar ng mga awtoridad dahil ang drogang ‘ecstasy,’ ay ginagamit din niyang pang-‘come on’ sa mga kaibigang lalaki na gusto niyang maka-’party.’

Sa puntong ito, maraming hamon ang dapat ihayag ng publiko. 

Una, dapat siguro maging ‘firm’ din ang pamahalaan. Kung papangalanan nila ang mga ‘narco politicians’ na sangkot sa ipinagbabawal na gamot, dapat ay gawin din nila ito sa mga artistang lulong sa droga.

Tulad ng mga pulitiko, malaki ang papel na ginagampanan ng mga artista sa ating kababayan. Bilang artista, madalas silang hinahangaan at ginagaya ng ating mga kabataan. At dahil araw-araw natin silang nakikita sa telebisyon, anong ‘moral ascendancy’ pa kaya ang puwede nilang ibigay sa mamamayang Pilipino -- hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa mga show nila sa abroad.

Ikalawa, dapat siguro’y magkaroon din ng matibay at matatag na paninindigan ang television network na kinapapalooban ng dalawang noontime show hosts.

Tulad ng sinabi kong moral ascendancy, tungkulin ng network na linisin ang kanilang hanay, lalo na ang kanilang talent na artista dahil bahagi ito ng kanilang responsibilidad bilang isa rin sa pinakamalaking broadcast media company sa Pilipinas.

Dapat gawin nila ito, Kapatid  man sila, Kapuso o Kapamilya.