Dapat tularan ng iba pang RD si NCRPO Chief Gen. Eleazar

June 12, 2019

PANAHON na para ipatupad ang pre-shipment inspection ng ating mga importasyon.

Kahit anong paghihigpit ang gawin ng gobyerno ay meron pa ring nakalulusot na kargamentong naglalaman ng kontrabando.

Hindi garantiya ang pre-shipment inspection para matigil ang ismagling sa bansa.

Pero malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang pagpasok ng mga kontrabando, lalo na ang iligal na droga at basura.

Kailangan talagang ma-inspect ang lahat ng importasyon natin bago pa man umalis ang mga ito sa exporting country.  

Ang kailangan ay isang mapagkakatiwalaang third party ang magsasagawa ng pre-shipment inspection sa country of origin ng mga inaangkat natin.

Ang mahirap kasi, baka magamit na naman ng mga ismagler ang nasabing scheme para magparating sa bansa ng mga kontrabando.

Hindi imposibleng mangyari ito dahil mapera at maimpluwensiya ang mga ismagler.

Kayang-kaya nilang “bulagin” ang mga taong dapat sana’y po-protekta sa kapakanan ng bansa.

***

Tama ang utos ni General Guillermo “Lorenzo” T. Eleazar sa kanyang mga opisyal at tauhan.

Si Eleazar ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang numero unong regional office ng Philippine National Police (PNP).

Sa kanyang order,  kailangang ipatupad ng mahigpit ang mga lokal na ordinansa, lalo na ang mga ordinansang nagbabawal sa mga estudyante na pumasok sa internet, video shops at billiard halls during school at curfew hours.

Sa halip na nag-aaral, maraming bata ang nakikitang naglalaro sa mga lugar na ito, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Sabi ni Eleazar: “This is part of our effort to fully enforce the law, but to see to it that our children will be there in their classrooms listening to their teachers during school hours instead of playing computer games and billiards or worst, drinking liquor or smoking.”

Dapat tularan ng ibang PNP regional commanders si Eleazar para hindi maligaw ng landas ang ating mga estudyante.

Alalahanin natin na dumarami na ang mga kabataang nasasangkot sa krimen hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Pati heinous crimes, kagaya ng rape at murder, ay sangkot na ang mga menor de edad.

Panahon na rin siguro na parusahan ang mga magulang ng mga batang kriminal.

May mga report ngang mismong mga magulang ang nag-uudyok sa mga anak na magnakaw para kumita.

Hindi ito katanggap-tanggap sa marami nating kababayan.

***

Malapit nang magsimula ang tag-ulan.
Magandang balita ito sa mga magsasaka pero masamang balita sa lahat,lalo na sa mga mahihirap.

Makapagtatanim na ang mga nagbubungkal ng lupa pero  nandiyan naman ang mga sakit na uso sa panahon ng tag-ulan.

Kaya nga nagbabala na ang Department of Health na puwedeng tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa taong ito.

Pinayuhan ni Health Secretary Francisco Duque 111 ang publiko na mag-ingat sa nakamamatay na dengue.

Sinabi ni Duque na laging tandaan ang “4s” sa kampanya laban sa dengue.

Ito ang “search and destroy mosquito breeding places, secure self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying only in dengue hot spot areas.”

Ang mahalaga ay linisin o alisin ang mga pinamumugaran ng mga lamok na infected ng dengue virus.

Kailangang huwag mawawalan ang mga health center ng mga gamot para sa dengue at iba pang sakit, kagaya ng ubo, diarrhea, sipon at rayuma.

Sa hirap kasi ng buhay, maraming may sakit ang walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong doktor o ospital.

Kaysa mapunta sa mga malalalim na bulsa ng mga magnanakaw sa gobyerno, ang pera ni Juan dela Cruz, ibili na lang ng gamot para sa mga mahihirap.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)