Dapat tuluyan ng matapos ang port congestion

May 19, 2019

MABUTI naman kung  totoo ang balita  na unti-unti ng gumaganda ang operasyon sa mga pantalan ng Maynila.

Ito ay dahil sa natutugunan na daw ang pagsisikip ng mga kargamento sa mga pantalan.

Kung ganun, masasabi nating nagbubunga na nga siguro ang pagsisikap ng  concerned government agencies na mabigyang solusyon ang port congestion.

Ito ay ang Bureau of Customs (BoC), Philippine Ports Authority (PPA), Department of Transportation (DOTr) at Department of Trade and Industry (DTI).

Matatandaan na noong Marso ay nangako ang mga pribadong port operator na i-improve ang efficiency sa kani-kanilang facilities.

Ang pangako ng mga port operator ay nakapaloob sa pinirmahan nilang kasunduan sa BoC, PPA, DOTr at DTI.

Nakapaloob sa kasunduan ang decongestion  sa mga pantalan.  

Dahil sa puno ng mga walang laman na cöntainer vans ang mga pier, hindi makapagbaba ng mga shipment ang mga barko.

Naaantala tuloy ang delivery ng mga importasyon sa mga importer.
At dagdag gastos sa mga negosyante at broker.

Sa ilalim ng kasunduan, tatlumpong araw lang ang puwedeng itagal ng mga kargamento sa mga terminal.

Pagkatapos ng deadline, kailangang ilipat ang mga container van sa mga inland container yard ng mga pribadong port operator.

At ‘yan nga ang nangyayari ngayon.

Pero kailangan pa rin bantayn ng mga otoridad ang mga shipping line na hindi gumagawa ng paraan na matanggal o mailabas ng bansa ang kanilang mga empty container.

Marami ang umaasa na sana tuluyan ng matapos ang port congestion.

Hindi biro ang dulot na perhuwisyo nito sa operasyon ng mga pantalan.

At pati ekonomiya ay apektado ng port congestion.  

***

Kahit may nationwide smoking ban sa mga pampublikong lugar, marami pa rin ang nakikitang naninigarilyo sa mga lugar na ito.

Ito ay sa kabila ng katotohanang dumadami pa ang bilang ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo.

Sa tingin ng marami ay hindi naipatutupad na mabuti ang ban dahil sa kakulangan ng tao na nagpapatupad nito.

Mukhang walang epekto ang ibat-ibang babala ng gobyerno laban sa paninigarilyo.

Kaya tama lang na taasan pa ang presyo ng sigarilyo.

At bigyan ng gobyerno ng alternatibong hanapbuhay ang mga magsasakang nagtatanim ng tabako.

Hindi sila makukumbinsing tumigil magtanim ng tabako kung wala namang maibigay na pagkakakitaan nila.

Siyempre ayaw nilang magutom ang mga mahal nila sa buhay.

Dapat tulungan ang mga taong maaapektuhan kung tuluyan ng ipagbabawal ang paninigarilyo sa buong bansa.

Nasa posisyon si Pangulong Rody Duterte para tuluyan ng matuldukan ang paninigarilyo sa Pilipinas.

***

Pagkatapos ng eleksyon, dapat pangunahan ng mga nanalong lokal na opisyal sa paglilinis sa mga pampublikong paaralan.  

Meron na lang dalawang linggo para ayusin ang mga eskuwelahan na ito.

Sa Hunyo 3 na magsisimula ang klase sa mga public elementary at high school sa buong bansa.

Kailangang pangunahan ng mga nanalong alkalde, bise alkalde at mga konsehal ang paglilinis ng mga paaralan.

Siyempre kasama diyan ang mga punong barangay at iba pang opisyal at empleyado ng barangay.

Dapat ipakita ng mga local at barangay official na karapat-dapat silang tawaging lingkod-bayan.

Ang mahirap lang, baka hindi na mahagilap ang mga bagong halal na town officials.

Dapat ipakita nila na hindi nagkamali ang taumbayan sa pagboto sa kanila.

Baka hanggang pangako lang kasi ang mga iyan.

Mahiya naman sila!  

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong panagalan at tirahan.)