Dating BOC official, “sabit” sa NAIA extortion?

BAGO ang lahat, sinserong pakikiramay muna kay veteran journalist, Jojo Robles, sa kanyang pagpanaw dahil sa karamdaman. Isa na namang “haligi” ng malayang pamamahayag sa bansa ang nawala. Farewell, Boss Jojo. Your brand of journalism will surely be missed!

***

“Pinagpiyestahan” sa ‘social media’ ang pagsuko kahapon ni Peter Joemel Advincula, na siyang “umako” bilang si alias ‘Bikoy’ sa serye ng ‘Narco videos’ kung saan garapalan ang ginawang paninira sa pangalan at reputasyon ni PDU30, kanyang pamilya at ilang mga malalapit sa kanya, katulad ni senator-elect, Christopher ‘Bong’ Go.

Aniya pa, ang “Tribong Dilawan” ng mga Aquino sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes at mga kasamahan niya sa Liberal Party (LP) ang nasa likod ng naturang video.

Ang tanong naman natin, “totoo” na ba, Joemel, ang mga sinasabi mo ngayon?

Kung babalikan kasi, mga kabayan, ‘sandamakmak na ang mga kaso ng panloloko nitong si Advincula kaya nga nang “lumutang” siya sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang “aminin” na siya si alias Bikoy, lalo pang nawalan ng kredibilidad ang nasabing video.

Kumbaga, “hustler” na itong si Advincula na sa tamang presyo, ay gagawin at sasabihin ang ‘script’ ng mga nagbayad sa kanya.

Kaya nga sang-ayon tayo sa komento ni kasamang Charlie Manalo na “huwag basta magpadala” (maniwala) sa mga “pagbubulgar” ngayon ni si Advincula.

Ayon pa rin kay Chief PNP Oscar Albayalde, ang mga “narinig” ng publiko kahapon ay “bersyon” (ngayon) ni Advincula na dapat niyang patunayan sa pamamagitan ng mga ebidensiya.

Kumbaga, hindi tulad ng ibang opisyal ng gobyerno na ngayon ay natutuwa sa “pagbaligtad” nitong si Joemel, talagang “mentalidad” ng isang magaling na pulis at imbestigador ang pinairal ni Gen. Albayalde na hindi puwedeng makuha sa “drama.’

Malaki ang tama ni Chief PNP Oca sa kanyang sinabi kaya…mabuhay ka, bosing!

Sakali namang “totoo” na nga ang mga “katsang” nitong si Advincula, eh, ano pa ang hinihintay ng gobyerno?

Bakit hindi pa kasuhan ng ‘subversion’ at ‘inciting to sedition’ ang mga nabanggit—kasama na ang LAHAT ng mga grupo at indibidwal na walang ginawa kung hindi “purihin” ang nasabing video, kasama ang kanilang panawagan na magkaroon ng imbestigasyon?

Tandaan sana natin na ang sedisyon at subersyon ay isang malaking sabwatan na may iisang direksyon—ang guluhin at pabagsakin ang isang lehitimong gobyerno.

Kung hindi agarang kikilos ang DOJ at DILG sa isyung ito, huwag na tayong magtaka kung pagkalipas lang ng ilang araw, may iba na namang mga plano para hindi magkaroon ng istabilidad ang ating bansa.

Translation? Time to teach these groups and people about the rule of law and to remind everyone that those who wantonly abuse our democracy would have to pay the price—whoever they may be. Am I right, DOJ secretary Menardo Guevarra and DILG secretary Ed Año?

Abangan!

***

Sa inilabas na ‘press release’ kahapon ng Bureau of Customs (BOC), dalawang pekeng ‘customs broker’ ang inaresto sa isang ‘restaurant’ sa Quezon City ng pinagsanib na puwersa ng NBI-Special Action Office (NBI-SAU) at BOC Intelligence Group.

Sa ulat, may natanggap na reklamo ang tanggapan ni DCI Raniel Ramiro hinggil sa mga suspek (na hindi ibinulgar ang mga pangalan) hinggil sa umano’y “pangingikil” ng P500,000 para lang “mapabilis” ang “paglalabas” sa NAIA collection district ng isang kargamento ng mga ‘gun parts’ nan aka-consign naman sa ‘Shacka Guns and Ammo,’ isang ligal na kumpanya.

Hmm. May “kinalaman” kaya ang sinasabi ng ating ‘source’ sa IG sa “pagkakasangkot” ng isang dating mataas na opisyal ng BOC sa kabulastugang ito kaya hindi muna ibinulgar ang pangalan ng mga “dinakma” ng NBI at IG? Dahil sila ang “susi” para “madampot” din itong si ex-BOC official?

Ito kayang opisyal na ito noong panahon ni PGMA ang tinutukoy ni NBI-SAU chief, Atty. Atty. Emeterio Dongallo, na “other personalities who may have participation in the alleged extortion.”

Abangan ang susunod na kabanata!