Dental health unit sa bawat barangay

ISINUSULONG ni Senador Sonny Angara ang panukala para sa pagtatatag ng ‘dental unit’ sa bawat ‘rural health area’ ng Department of Health (DoH).

Layunin nito na mabigyan ng maayos na ‘dental care’ ang lahat ng Pinoy. Patunay na hindi sagabal sa pag-aalaga sa ngipin ang kawalan ng budget.

“Marami sa ating kababayan na ayaw magpatingin sa dentista dahil lang sa takot nila na kailangan magbayad ng napakamahal na halaga. Dahil dito, malaking bahagi ng ating populasyon ay may mga sirang ngipin na hindi napapaayos,” saad ni Angara.

Sa impormasyon, 92% ng populasyon ang nakararanas ng dental problem at 78% ang may gum diseases.

Sa pag-aaral noong 2015, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga naka-pustiso sa Asya.

Noong 2016, sinabi ng Philippine Prosthodontic Society na aabot sa pitong milyong Pinoy ang hindi nakapagpasuri sa dentista dahil sa inaakalang mataas ang gastusin.

Nasa 80% naman ng populasyon ang sinasabing may dental problem noong 2018.

“Clearly, this is a problem, which if not addressed, would lead to minor inconveniences such as losing sleep and more serious consequences including loss of productivity. We want to avoid situations where someone with dental problems miss time from work or school and end up failing their grades or are fired from their jobs,” dagdag ni Angara.

Sa ilalim ng Senate Bill 962, nais ni Angara na magkaroon ng dental unit sa bawat rural health area.

Magkakaroon ng public health dentist at trained barangay health worker ang bawat dental unit sa panokalang ito ng masipag na senador.

Ipinaalala pa ni Angara na signatory ang Pilipinas sa Alma-Ata Declaration of 1978 na nagmamandato sa mga gobyerno na bumalangkas ng  national policies, strategies at plans of actions para sa  primary health care.

“Nearly four decades have passed since the country signed the declaration and through the years the Philippines’ primary health care system has grown and has made some modest gains. Several gaps however remain, including the lack of an institutional means of promoting and ensuring the dental health of every Filipino,” diin pa ng senador.

Sa ganang akin, maganda ang panukalang ito ni Angara.

Marahil hindi masyadong napapansin ng karamihan ang problema sa pangangalaga ng ngipin at bibig.

Napapanahong pag-usapan ito at pagtuunang pansin ng pamahalaan.

Dapat, bata pa lang, marunong nang mangalaga ng ngipin ang ating kabataan – mayaman man sila o mahirap.

Ang magandang ngipin ay nagbibigay kumpiyansa sa bawat nilalang. At kapag maganda at mataas ang kumpiyansa ng ating kababayan, magaang sa bawat isa ang kumilos araw-araw. Mula eskuwela, trabaho, opisina, palengke at sa loob ng pamamahay mismo.

Ika ‘nga, a nice tooth gives a happy smile!

At siyempre, kapag happy smile, happy life!