Department of Disaster Resilience dapat nang gawin

Hindi ganun ka-happy ang new year ng ilan nating kababayang naapektuhan ng Bagyong Usman. Kung marami ang nadismaya sa atin dahil hindi masyadong nagliwanag ang langit gawa ng mga paputok dahil inulan ang bisperas ng 2019, mas marami tayong kababayan ang nalagay sa peligro dahil sa bagyo.

Ayon sa tala ng pamahalaan, aabot na sa 126 na katao ang nasawi dahil sa hagupit ni Usman. Wala pa sa numerong ito ang bilang ng mga nasugatan o hanggang sa ngayon ay pinaghahanap pa.

Aabot naman sa halos apat na bilyon ang pinsalang natamo sa agriculture at infrastructure. 126,000 na pamilya naman ang naitalang naapektuhan ng bagyo.

Marami tuloy ang nagtatanong kung sapat ba ang paghahandang ginagawa ng pamahalaan pagdating sa mga sakuna.

Sa aking opinyon, sapat ang ating paghahanda pero may room for improvement pa.

Dito papasok ang mahalagang papel ng isang Department of Disaster Resilience.

Sa ngayon kasi, meron lamang tayong National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC. Isa itong konseho kung saan nakaupo ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya gaya ng DILG, DSWD, DENR, DND atbp.

Sa isinulat nating House Bill 8165, bubuo tayo ng isang independent na departamento na tututok lamang sa disaster preparedness, mitigation, at response.

Ang DDR ang siyang magiging pangunahing ahensya sa preparation, implementation, monitoring, at evaluation ng disaster at climate change resiliency plans, programs, projects, at activities.

Ito ang magbibigkis sa lahat ng plano ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan pagdating sa sakuna para masiguro ang whole of government approach. Sa madaling sabi, ito lamang ang ahensya na magbibigay kumpas sa kung ano ang dapat gawin ng bawat opisina ng gobyerno pagdating ng bagyo, lindol atbp.

Dahil marami rin ang mga NGOs at private organizations na may ginagawa tungkol sa disaster preparedness and response, magiging mandato rin ng DDR ang pagharmonize sa kanilang mga efforts para masigurong tugma ang galaw ng private at public sectors.

Sa ilalim din ng panukala natin, gagawa tayo ng Climate and Disaster Research, Education, and Training Institute para masigurong patuloy ang pag-aaral ng bansa sa iba’t ibang sakuna. Magiging katuwang natin dito ang mga state universities and colleges.

Minsan, may mga lokal na pamahalaan na aktibo pagdating sa disaster response. Kaya para tularan ang kanilang best practices, bibigyan natin ng incentive ang mga ito para pamarisan ng ibang LGUs.

Ililipat naman natin ang PAGASA sa DDR mula sa DOST para masigurong napapakinabangan ng marami ang mga pagsusuri ng mga sayantipiko.

May mga reports kasi tayong natanggap na marami ang nabigla sa lakas ng Bagyong Usman dahil kahit Signal #1 lang ang kanilang lugar, hindi nila inakala na sobrang dami ng tubig ang ibabagsak ng ulan.

Magtatatag tayo ng Preventive, Mitigation, and Preparedness Fund na siyang pwedeng itulong sa mga 3rd to 6th class na probinsya at munisipyo sa kanilang mga programa para labanan ang epekto ng mga sakuna.

Mahirap labanan ang pwersa ng kalikasan. Pero sa ganitong klase ng mekanismo, mas masisiguro natin na mababawasan natin ang masamang epekto nito.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)