Department of OFW

PABOR tayo sa planong pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers para matugunan nang tuluyan ang pangangailangan ng mga kababayan nating nais magtrabaho sa labas ng bansa.

Tama ang plano ng Pangulong Duterte sa pagsasabing napapanahon ito upang matigil na ang masasamang karanasan na sinasapit ng ilang OFWs sa kamay ng kanilang banyagang amo – gayundin sa mga illegal recruiter sa bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, isa sa pinagmumulan kung bakit napupunta sa ‘maling amo’ ang ilang OFWs ay dahil na rin sa kanilang mga ‘recruiter.’

Iyong iba naman ay patuloy pa ring nabibiktima ng illegal recruiters.

Sa ilalim ng planong pagpapatatag ng bagong departamento, nais ng Pangulo na magkaroon ng Philippine-based recruitment agencies na sasailalim sa istriktong regulasyon ng pamahalaan.

“Kaya apurahin ko ‘yang Department of OFW. Bawal na ang recruitment sa abroad… sa labas. So, under the supervision of government at walang horrendous charges. By December… buong Pilipinas ‘to,” ani Duterte sa kaniyang talumpati kamakailan.

Nagbabala  ang Pangulo sa mga iligal at abusadong recruiter na bilang na umano ang mga araw ng mga ito, dahil hindi na sila papayagang mag -operate nang walang direktang supervision mula sa gobyerno.

Hinikayat naman ni Duterte ang mga nagnanais na magtrabaho sa abroad na makiisa sa serbisyo ng mga legal recruiter.

Ang Senate Bill 202 o tinatawag na ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019 ay isinusulong na ngayon ni Senador Bong Go.

“The President wants OFWs to avoid illegal recruiters. Many of their victims have approached us. This has to stop,” saad ng bagitong senador.

Sa ngayon ay kailangan pa ng mga OFW na pumunta sa iba’t ibang mga ahensya upang kumuha ng mga kailangang dokumento at ipakita ang iba pang concern kagaya ng employment at technical education.

Sakaling maipasa bilang batas ang naturang panukala, ang functions ng Philippine Overseas Employment Agency, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, Commission on the Filipinos Overseas, at ng International Labor Affairs Bureau ay ililipat sa naturang departamento.

“They shouldn’t be passed around from one agency to the next. They don’t have to go through confusing government processes. One department will answer all of their needs,” saad ni Go.

Dagdag pa ni Go, sakop din ng naturang panukalang batas ang pagpapatayo ng “OFW Malasakit Centers” sa lahat ng lalawigan at mga lungsod.

Nagbigay instruksyon na si Pangulong Duterte kay Labor Secretary Silvestre Bello III na makipag-ugnayan sa mga mambabatas at asikasuhin agad ang mga requirement para sa pagpapatayo ng naturang OFW department na nais niyang matapos sa Disyembre.

Maglalaan din umano ang Pangulo ng budget upang magkaroon ng ospital para sa mga OFW.

Sumaklolo si Senadora Cynthia Villar

Samantala, apat na OFWs, isa sa kanila ang survivor ng Marawi siege, ang nakaranas ng pagmamalupit sa ibayong dagat.

Buti kamo at nakasaklolo agad si Senadora Cynthia Villar sa pagbibigay ng ‘livelihood assistance’ sa kanila, gayundin ang pamamahagi ng ‘start up kit’ para sa itatayo nilang sari-sari store.

“Despite the many cases of maltreatment abroad, nakakalungkot na marami pa rin sa ating mga kababayan ang sumusugal na pumunta sa ibang bansa para lamang magkaroon ng pagkakakitaan,” ani Villar.

Kabilang sa tumanggap ng tulong ang 27-anyos na Marawi siege evacuee na nagtungo sa Metro Manila at nakipagsapalaran sa Kuwait bilang household service worker  subalit ginahasa, minaltrato at tinutukan pa ng baril ng kanyang amo.

Isa pa sa nabigyan ng tulong ang 31-anyos na ina mula sa San Fernando, Pampanga na ni-rape ng anak ng kanyang amo at pinagpupukpok ng martilyo sa Saudi Arabia.

Tumanggap din ng livelihood assistance at tulong pinansyal ang 31-anyos na single mother sa Libertad, Pasay na nagsilbing household service worker sa Dammam, Saudi Arabia na ikinulong ng amo sa loob ng 10 araw at hindi pinakain.

Ang huling recepient ng kawalanghiyaan ay sa isang 38-anyos na ina mula sa Biñan, Laguna na ibinenta ng employer sa iba’t ibang pamilya sa Kuwait at minaltrato.

Umaasa tayong bukod sa pagbabantay sa illegal recruiter, bahagi ng magiging tungkulin ng Department of OFW ang pagbibigay pangangalaga rin sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa abroad.

Mula sa tulong pinansiyal, medical, dapat ay may malinis ding ‘retirement package’ sa mga OFW na tumanda na sa abroad.