Home>Editorial>Opinion>‘Deployment policy’ dapat nang baguhin

‘Deployment policy’ dapat nang baguhin

SA MALAKING pagsabog na nangyari sa Beirut, Lebanon, noong Martes, nagulat tayo sa balita na may mga Pinoy OFWs na kasama sa mga nabiktima, ayon na rin sa ating Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon pa sa ulat, 2 OFWs ang kasama sa higit 80-katao na namatay sa pagsabog at 6 na iba pang kasama sa higit namang 4,000 na nasaktan.

Ayon pa rin sa DFA, may higit 30,000 OFWs sa Lebanon kung saan ang karamihan ay mga residente ng Beirut.

“Nagulat” tayo, dear readers, dahil alam ba ninyo na hamak na mas “mayaman” ang ‘Pinas kumpara sa Lebanon na ilang dekada na ngayong biktima ng karahasan dala ng giyera sa pagitan ng Israel at mga Arabo sapul pa noong 1948 at sa walang humpay na pakikialam ng mga imperyalistang bansa, partikular na ang ‘Tadong Unidos?

Kamakailan din, habang nakikinig tayo sa programa nitong ating “idol” na si Erwin Tulfo sa Radyo Pilipinas, nalaman natin na higit 200 OFWs ang nagpapasaklolo sa gobyerno dahil mga wala na rin silang mga trabaho bunga naman ng matinding epekto nitong COVID-19.

Ang mga nagpapatulong kay idol Erwin ay ‘andun naman sa bansang Azerbaijan, isang bansa sa Gitnang Asya (Central Asia) at dating bahagi ng USSR.

Muli, mga kabayan, “mas mayaman” ang ‘Pinas sa Azerbaijan kung saan wala rin tayong kahit na konsulado (consulate) kaya kahit si idol Erwin pa ang “maglupasay,” hindi agad matutulungan ang ating mga ‘stranded’ na kababayan doon.

Sa ganitong mga pangyayari ay naisip tuloy natin na may malaking “problema” sa ating ‘deployment policy’ sa ating mga manggagawa, hindi ba, mga kabayan?

Bakit kasi pinapayagan ng DOLE/OWWA ang ganitong mga kontrata para sa ating mga ‘highly-skilled labor force’ samantalang ang pupuntahan namang lugar ay mas mahirap pa sa Pinas?

At wala tayong kahit na konsulado para agad mabigyan ng tulong sakaling kailangan nila.

Is it not there is something wrong about this, Mr. President at Labor secretary Bebot Bello?

Eh, sa mga lugar nga na mayroon tayong mga embahada at konsulado katulad sa Middle East, hindi na nga maasikaso ang ating mga OFWs, sa mga lugar pa kaya na wala? At sa mga lugar pa na masasabing mas mayaman pa tayo?

Ngayong buong mundo ay nasa krisis dahil sa pandemya ng COVID-19, mas nararapat na bigyan ng atensyon ng DOLE at OWWA ang kapakanan ng ating mga kababayan sa ibang lupain.

Huwag na natin silang dalhin sa mga lugar na mas malaki ang tsansa na mapahamak sila.

O talagang… “pera-pera” na lang talaga ang “labanan” ngayon d’yan sa DOLE at OWWA kung labor deployment ang pag-uusapan?

Ano sa tingin mo, kasamang Rolly Francia? “Ngiti” naman d’yan, hehehe!

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight