Desperado na ba si Senador JV?

October 08, 2018

Malaki ang problema ni Senador JV Ejercito.

Una, mababa ang rating ni JV sa lahat ng mga pre-electoral surveys. Nasa 11 to 17 na ang kanyang ranking kumpara sa kapatid niyang si Jinggoy Estrada na palaging nasa top 6 to 7. Masyadong mababa ito para sa isang incumbent.

Pangalawa, kalaban na ang tingin niya kay Jinggoy na ilan taong nakakulong dahil sa pamumulitika ng nakaraang administrasyon.

Ang mas matinding problema ngayon ni JV ay ang mistulang pagtrato na niya kay Manila Mayor Erap Estrada bilang kalaban na rin tulad ni Jinggoy. May mga pahayag si JV sa kanyang mga interview na kakalas na siya sa partido ng kanyang ama na PMP para lumipat sa NPC.

Iyong pagkalas sa partido ay normal na proseso sa ating bansa pero ang paglapastangan sa ama ay hindi pangkaraniwan.

Sabi ni JV, noong 2013 ay wala namang naitulong sa kanya si Mayor Erap. Pakiramdam ni JV, siya lang ang nagpanalo sa kanyang sarili.

Huwag na nating pag-usapan ang pinansiyal o pisikal na suporta ni Mayor Erap, doon na lang tayo sa reyalidad. Sa tingin kaya ni JV, kung anak siya ng pangkaraniwang tao ay mananalo kaya siyang alkalde ng San Juan?

Lalo na sa pagiging senador na kailangan ng national awarenes at national following. Akala pala niya ay nanalo siya dahil sa kanyang gupit!

Hindi dapat kalimutan ni JV na bitbit niya ang pangalan at dugo ni Erap kaya siya nakarating kung nasaan man siya ngayon. Mababa na nga ang rating niya, baka lalo pa itong maapektuhan dahil sa mga sinasabi niya laban kay Mayor Erap?

Kung sino man ang nagpapayo o media handler ni JV, kailangan sigurong tanggalan na niya ng trabaho dahil kapansin-pansin na wala na siyang magandang sinasabi. At sa dami ng isyu ngayon, mas pinili pa talaga niyang sumbatan si Mayor Erap at kutyain si Jinggoy na bad taste sa ating mga Pilipino.

Habang idinidiin ni JV sa isyu ng pagkakakulong si Jinggoy, hindi naman ito kumikibo at hindi nagsasalita ng laban sa kanya. Big brother talaga ang dating ni Jinggoy na mapagpasensiya.

Cool lang si Jinggoy at marunong magkontrol ng kanyang mga sinasabi, lalo na sa publiko. Kung ibang kuya ‘yan, baka kinutusan na si JV!

Si Mayor Erap naman ay kilala na nating hindi marunong magsalita ng masama laban sa kanino man, lalo na sa kanyang mga anak. Ito ang malaking problema ni JV, iyong tatay niyang ginawan ng masama ng lahat ng mga kaibigan pero wala pa rin sa bokabularyo ang pagganti.

Kung ako kay JV, magpalit na siya ng strategy kung gusto niyang makabangon sa mga political survey at huwag niyang pagdiskitahan ang mataas na rating ni Jinggoy.
allanpunglo@gmail.com