Home>Editorial>Opinion>‘Di nyo ba naririnig…tinig ng bayan na galit?’

‘Di nyo ba naririnig…tinig ng bayan na galit?’

NAPAINIT na naman ulo ko ng reunion ng mga artistang sikat noon at mga artistang laos pa rin hanggang ngayon dahil inilabas na naman nila ang music video ng theme song sa Les Miserables na ginagamit bilang political statement.

Ito iyong tungkol sa pag-aaklas ng mga tao laban sa mga makapangyarihan dahil sa pang-aapi at pang-aalipin ng mga haring-uri.

Ang madiin na linya ng mga plastic na artista (sorry sa mangkok na plastic nadamay pa kayo) ay “di nyo ba naririnig…tinig ng bayan na galit…himig ito ng Pilipinong di na muli palulupig…

Alam na alam mong nag-iimbita ng rebolusyon at pag-aaklas laban sa gobyernong kasalukuyan.

Sa ikatlong taon pa lang ng Duterte administration inilabas na nila ito na sinundan ng “hindigpilipinas” na isang grupong nag-flop din sa takilya na pinalitan ngayon na #sampayan!

Flop din itong music video ng mga artistang nag-endorso ng mga natalong kandidato noong 2016.

Kapag iniisa-isa mo ang mga taong nasa music video, alam na alam mo kung ano ang kulay nila kahit pa nakaitim at nakaputi pa sila.

Halo-halong artista, singer, director at mga wala nang kinabukasan sa industriya ang nagsama-sama para sa isang layunin kuno na sagipin ang bayan laban sa sinasabi nilang “kadiliman.

Ang kaibahan lang ng revised video, prominente ang transmitter/tower ng ABS CBN. Hindi natin alam kung sinadya nila ito sa editing para magbigay ng sariling konotasyon dahil hindi na-renew ang prangkisa.

Halos mahulog ako sa kinauupuan ko sa mga linya nilang para nagmamahal sa bayan at handang ipaglaban ang mga mamamayan sa anumang kaapihan.

Sabi nga ng lolo kong tambay sa barberya, utot nyo!!!

Hindi naman namin nakakalimutan na ang mga nasa music video ay sila rin mismong mga taong walang kibo habang tinataniman ng bala ang mga bagahe ng OFWs na dumarating sa ating mga airports para kikilan noon.

Yes, sila rin iyong mga naka-de kuwatro pa habang minamasaker ang SAF 44 sa Mamasapano, sila rin mismong iyong mga pasipul-sipol lang habang ang mga kababayan natin sa Tacloban ay pinapatay ng bagyong Yolanda at pinababayaan ng paborito nilang gobyerno.

Noong kaliwa’t kanan ang shabu laboratory mula sa Tarlac hanggang sa Ayala, Alabang Village wala rin tayong narinig sa kanila. Kaya nga sampu singko ang mga gumagalang adik na kriminal na nanggagahasa at nanghoholdap ng mga pobre nating mga kababayan.

Sino ba naman ang hindi nakakaalam ng naibentong Disbursement Accelleration Program o DAP na illegal na kumuha ng P247 billion sa national budget noong panahon ng boss nila? Naglabas man lang ba sila ng pahayag laban dito?

Tanda rin natin na talamak ang carjacking, riding in tandem, drug trafficking, street crimes at mga akyat bahay noong patron pa nila ang Pangulo. Ano ginawa nila?

Kaya nga nilangaw ang lahat ng panawagan nilang pag-aaklas at palaging labing isa’t kalahati lang sila sa EDSA People Power monument dahil bistado na ng publiko na huwad ang pagmamahal nila sa bayan. Kung may fake news, mayroon ding mga fake patriots na gumagala ngayon sa social media.

Ngayon, maglalabas ulit kayo ng kanta para bolahin nyo na naman ang mga kababayan natin na nagmamalasakit kayo?

Sabi nga, kumita na yang ganyang gimik. Natalo na kayo noong 2016, mag-endorso na lang ulit kayo sa 2022 baka sakaling makapag-upo kayo ng gusto nyong pabaya na pangulo!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV