Diskarte ng Bureau of Customs X-Ray Division matulis

SADYANG napakagagaling ng mga tao diyan sa X-Ray Division ng Manila International Container Port (MICP) ng  Bureau of Customs sa pamumuno ni Commissioner Ret.Gen. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Isang broker ang nakapagkwento sa atin na nitong nagdaang linggo dumating ang kanyang container na may lamang mga “general merchandise.”  Walong uri ng mga pangtindang gadget sa cellphone ang sabi ng broker ang laman ng kanyang lata.

At nang dumaan sa X-Ray Division ang kanyang container nai-hold ito, dahil sa dalawang kakaibang image ang nakakita ng mga bata mo Commissioner sa division na pinangungunahan ng isang may initial na AC.

Kinalabasan may napasamang dalawang rolyo pala ng liha sa loob ng container, at agad pina-alam ng X-Ray Division sa broker na may paglabag ito, dahil hindi kasama sa listahan ang dalawang rolyo ng liha.
Mabigat dito, nang pakiusapan ni broker ang mga tauhan mo Mr. commissioner diyan sa X-Ray Division agad nagpresyo ang mga ito na kailangan tubusin sa halagang P100K para wala ng abala para sa broker.
Kung ikaw naman ang broker maglalabas ka ba ng isang daang libong piso para lamang sa dalawang rolyo ng liha? Maari naman talagang pwede sumuka ng P100K ang broker dahil ang halaga ng container ay ilagay na lang natin sa mga dalawang manok o dalawang milyong piso.

Pero nagbayad na siya ng kaukulang taxes at duties para dito, ang sabi ng broker sa atin. Para saan ang P100K para sa dalawang rolyo ng liha? Hindi ba tama na ang binayad na taxes at duties para sa laman ng container? Napakalaki namang buwis ang P100k para sa dalawang rolyo ng liha.

Paki-alaman mo nga Mr. Jagger ang ganitong modus diyan sa X-Ray baka biglang magsipagyaman ang mga taga-riyan kung ganito ng ganito ang style nila.

Tuwing Biyernes pa rin daw ang biyakan ng “for the boys” mo sir, o baka pati sa opisina mo ay lumalapag ang ganito kalaking khalaga ng kwarta?
For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com