Home>Editorial>Opinion>“Diskarte” ni Cong. Alan Peter sa likod ng SEAG success

“Diskarte” ni Cong. Alan Peter sa likod ng SEAG success

HALOS mag-iisang taon na ang matagumpay na hosting ng Pinas sa 30th SEA Games na nagtala sa ating bansa sa mapa ng international sports.

Tatlong importanteng bagay ang ating nakamit sa palaro. Una na dito ang muli nating panalo sa SEAG matapos ang 14 taon. Ito ay resulta ng masigasig na determinasyon at pag-eensayo ng mga atletang Pinoy.

Pangalawa, nakapagpatayo tayo ng isang world-class sports facility sa New Clark City na maaari nating ipagmalaki sa buong mundo at naisaayos din ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at Philsports Arena sa Pasig na mas lalo pang magagamit sa training ng mga atleta at maaari pang maging destinasyon ng sports tourism sa bansa.

Higit sa lahat, nagkaisa ang mga Pinoy para suportahan ang ating mga atleta at maipakita sa mga dayuhan ang kultura at kaugalian ng ating bayan.

Mapapabilib ka sa ginawang aksyon ni dating Speaker Alan Cayetano, bilang pinuno ng PHISGOC na namahala sa SEAG.

Sa loob lamang ng maiksing panahon kinaya nito ang pag-organisa sa 56 na laro at 531 na events na ginanap sa 53 competition venues at sa 8 non-competition venues.

Nagawa itong lahat kahit bitin ang pondo para sa SEAG.

Ngunit dahil sa diskarte ni Cayetano bilang isang mambabatas at sports enthusiast, nakipag-ugnayan siya sa mga policy makers at pribadong sektor para matagumpay na maidaos ang naturang palaro.

Mistulang inisnab lamang ng mga nakaraang administrasyon ang pagbibigay halaga sa ating mga atleta kaya naman kaliwa’t-kanan ang mga reklamong naririnig natin tungkol sa kakulangan ng mga pasilidad na maaari nilang gamitin para sa pag-eensayo.

Kaya nga naisipan ng BCDA na itayo ang isang world-class sports facilty sa New Clark City upang magamit ng mga atleta sa kanilang pag-eensayo at ng ibang bansa na nagnanais magdaos ng international sports events dito.

Kabilang sa mga world-class sports facility na nasa loob ng New Clark City sports complex ay ang 20,000-seater na Athletics Stadium, Aquatics Center na may 10-lane Olympic competition pool, 8 lane training pool at ang diving pool na may seating capacity na aabot sa dalawang libo.

Siyempre, dito rin itinayo ang Athlete’s Village na kayang mag accommodate ng 1,800 na atleta. Sa katunayan, sa New Clark City na sana mag-eensayo ang ibang mga dayuhang atleta bilang paghahanda sa 2020 Tokyo Olympics ngunit hindi ito natuloy dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa totoo lang, kung nais talaga natin makahabol ng husto sa ibang bansa pagdating sa sports, aba’y kailangan mamuhunan ng gobyerno para makapagpatayo ng iba pang pasilidad upang mahikayat ang ating mga kababayan na magkainterest sa larangan ng palakasan.

Hindi na tayo dapat urong-sulong sa pagpapatayo ng mga pasilidad na maipagmamalaki ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Malaking hamon ngayon kung paano ipagpapatuloy ang ating sports development.

Una, kailangang magkaisa ang ating mga sports opisyal at tigilan na ang bangayan ng mga ito. Kailangan ding ipagpatuloy ng mga policy makers ang paglalaan ng pondo para sa paglinang ng sports development sa grassroots level lalo na sa mga kanayunan.

Kaya naman malaking tulong ang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na dalawang batas tungkol sa lalo pang paglago ng sports development sa bansa.

Isa na rito ang RA 11214 o ang Philippine Sports Training Center (PSTC) Act na naglalayon na makapagtayo ng isang state-of-the-art at highly-scientific sports complex na tatawaging Philippine Sports Training Center na pamamahalaan ng Philippine Sports Commission (PSC).

Isa pang nilagdaan ni Pang. Rody ang RA 11470 o ang National Academy of Sports (NAS) System Act na magtatatag ng National Academy of Sports na maglilinang naman sa talento ng mga estudyante sa larangan ng sports batay sa international standards.

Kaya naman ang ating panawagan sa mga sports officials, policy makers at pribadong sektor na sana ay gawin ninyong inspirasyon sa lalo pang pagpapalakas sa ating sports development ang tagumpay na nakamit ng mga atletang Pinoy sa nagdaang 30th SEA Games para lagi tayong ‘we win as one’.

Tama ba, Boss Joey Venancio?

Publication Source :    People's Tonight