‘Diskarte’ ni Cong. Lord ‘wa epek; at “RFI” sa Aduana

October 22, 2019

“KUNG hindi makarating ang ‘Ninang,’ sa binyag, dalhin ang binyag sa Ninang!”

Tila ganito ang naisip na “diskarte” ni Marinduque congressman, Lord Allan Velasco, mga kabayan, para lang muling “magpapansin” sa pamilya ni PDU30, partikular na kay Davao City mayor, ‘Inday’ Sara Duterte.

Nalaman kasi ng mga miron na nang magpabinyag nang bonggang-bongga noong isang buwan si Velasco (Makati Shangrila ang ‘venue’) sa kanyang bunsong anak na babae—na ‘Sara’ rin ang pangalan— hindi nakarating ang magandang anak ni PDU30, bagaman dumalo naman sa okasyon ang Pangulo.

Pero, “iba” siyempre ang presensiya ni ‘Ninay Inday’ kaya para ‘feeling close’ ulit sa pamilya, nagpabinyag muli ang ‘House Speaker in waiting’ sa Archbishop’s Palace sa Davao City noong Oktubre 19, para “tiyak” na nga naman ang pagdating ni mayora.

Kantyaw naman ng mga miron, tila “kinakabahan” si Velasco na “nakakalimutan” na siya ng pamilya Duterte at ang “napagkasunduan” na ‘term sharing’ sa pagiging Speaker sa Kongreso sa pagitan nila ni Taguig representative at ngayon nga ay House Speaker Alan Peter Cayetano.

Hindi tayo magtataka kung umabot ng milyones ang nagastos ni Velasco sa dalawang beses na pabinyag para sa iisang sanggol sa loob ng dalawang buwan, dear readers.

Pero, ano nga ba naman ang ilang milyones para maulit ang okasyon at maipakita sa madla na “talagang close” sila ng kanyang “padrino” na si Mayor Inday Sara.

Kung sabagay, bagaman mayroon na silang ‘prior agreement’ ni Cayetano, hindi puwedeng alisin na “kabahan” si Cong. Lord matapos na mapatunayan ni Cayetano na karapat-dapat siyang maging Speaker dahil sa ipinakitang gilas nito sa unang dalawang buwan pa lamang ng kanyang pagkakaupo sa pwesto.

Dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kumpara sa mga pinalitan niyang mga lider ng Kamara batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia kung saan binigyan ng publiko na 62 porsiyento ‘trust rating’ ang asawa ni Rep. Lani Cayetano.

Ang trust rating ni Cayetano na 62 porsiyento at ‘approval rating’ na 64 porsiyento ay masasabing ‘record-breaking ratings’ sa isang institusyon na maraming kababayan natin ang palaging “tamang-hinala.”

Aber, mas mataas pa ang ratings ni Cayetano kumpara kay VP Leni Robredo. At ngayon lang nangyari ito, mga kabayan!

Sa naging resulta, “labs na labs” siyempre si Speaker Alan ng kanyang mga kapwa-mambabatas dahil ‘for the first time,’ wika nga, “bumango” sa publiko ang imahe ng Kamara de Representante.

Dahil sa mga pangyayaring ito, “sino” pa nga ba ang “nag-iisip” ng ‘term-sharing’ sa Kongreso, ahahay!

Eh, kahit nga ang Malakanyang, sa pamamagitan ni spokesman Sal Panelo, mistulang hindi na interesado sa ‘term-sharing’ hihihi!

Ani Panelo, ‘proposal’ lang naman ang ‘term-sharing’ para lang matapos na ang isyu kung “sino” ang “sasalubong” kay PDU30 bilang House Speaker sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso noong Hulyo.

At dahil nga panukala lang ni PDU30, sinabi pa ni Atty. Sal na “hahayaaan” na ni PDU30 ang mga kongresista na magpasya kung dapat pa bang ituloy—o hindi na—ang term sharing. ‘Yun lang, hihihi!

Para naman sa mga miron, “dapat” na umanong “tantanan” ni Velasco ang ‘style’ niyang sumipsip, agh, “magpalakas” sa mga Duterte. Mukhang wa epek na kasi, ahuhuhu!

Anila pa, sa magandang liderato na ipinapakita ni Speaker Alan, mas mainam para sa bansa at sa bayan, na gawin na lang niyang “huwaran” si Speaker Alan bilang isang lingkod-bayan.

Pansinin: Sa loob lamang ng dalawang buwan ay naipasa ng Kamara ang panukalang badyet para sa susunod na taon at naipasa rin ang mga iba pang mga mahahalagang panukalang batas na itinutulak ni PDU30.

Ang mga ganitong resulta ang napapansin ng publiko at hindi ‘yung mga maluluhong paraan para maipakita ang pagpapahalaga mo sa padrino mo. Tama ba, dear readers?

***

Kung umani ng kontrobersiya ang “pagpapalaya” ng Manila Prosecutors Office  sa mga suspek sa pagpaslang kay Batuan, Masbate vice mayor Charlie Yuson sa prinsipyo ng “RFI” (release for further investigation), marami rin sa pantalan ang nag-angat ng kilay—kahit ng kanilang mga paa dahil sa pagkabigla at pagtataka—matapos ding palayain noong Biyernes ng Intelligence Group ng Bureau of Customs (IG-BoC) ang dalawang retiradong empleyado nito.

Marami ang nagtataka, Ombudsman Samuel Martires at PACC chairman Dante Jimenez, kung paanong nakalaya ang dalawang kumag na sinasabing “dinakma” ng mga operatiba ng ISAFP (ang sabi naman ng iba ay mga operatiba ng Phil. Coast Guard) at binitbit sa tanggapan ng IG, kahit nakuhanan sila ng “bundles of money” na sinasabing “parating” naman ng mga smuggler para sa ilang opisyales ng BoC!

Hanggang sa ngayon ay “tikom-bibig” si Comm. Jagger at DCI Raniel Ramiro sa insidenteng ito mga kabayan at ayaw pa ring maglabas ng anomang pahayag at detalye dahil ‘under investigation’ pa rin umano ang insidente.

Tamang-hinala naman ng mga miron, mistulang ayaw ng BoC na “lumaki” pa ang “istorya” kaya walang inilalabas na detalye—hanggang ngayon— dahil daw kaya “totoo” ang tsismis” na matataas na opisyales ng Aduana ang sinasabing “pinag-aabutan” tuwing Biyernes ng mga suspek d’yan sa parking lot ng Port of Manila?

Pinansin kasi nila na sa isang insidente sa MICP ilang linggo na ang nakaraan, aba’y “diretso” sa piskalya para sampahan ng kasomg ‘robbery extortion’ ang isang hamak na ‘customs representative’ na “naaktuhan” na “nag-aabot” ng halagang P350 sa isa pa ring hamak na kawani ng Aduana.

Gusto naman nating maniwala, DoF secretary Sonny Dominguez, na walang alam sa insidente noong Biyernes si Comm. Jagger at maaaring “binulag” naman ng kanyang mga tauhan si DCI Raniel kaya nauwi sa “RFI” (release for further investigation) ang buong pangyayari.

Abangan!