Home>Editorial>Opinion>Dissociative amnesia ng lipunan sa trahedya ni Bonifacio

Dissociative amnesia ng lipunan sa trahedya ni Bonifacio

IPINAGDIRIWANG sa Nobyembre 30, 2020 ang ika-157th kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Basta sinabing Bonifacio, ang unang pumapasok sa isipan ay ang Kataastaasan Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK , at ang pagpunit ng cedula ng mga Katipunero sa Balintawak na tanda ng kanilang paghihimagsik sa Espanya na mahigit 300 daan taon nagsamantala at binusabos ang mga ninuno natin gamit ang espada at krus

Maliban dito, walang malinaw na pagkatuto, lalo na ng mga bagong henerasyon , sa nakakagimbal na trahedya na sinapit ni Gat Andres, ng kanyang asawa at dalawang kapatid, at mga kasama niya noon Mayo 10,1897 sa kamay ng mga kapwa Pilipino sa Cavite. Walang detalye nito sa mga aklat sa Araling Panlipunan.

Inamin ni Ambeth Ocampo sa Bones of Contention(2001), na siya’y naluha habang inaaral niya ang mga ebidensya ng panggahasa, pagtataksil, pandaraya at sadyang pagpatay kay Bonifacio ng kapwa Pilipino. Ang hirap tanggapin ang katotohanan na imbes magkaisa sa paglaban sa Kastila, nagawa ito ng kapwa Pilipino sa Supremo ng KKK.

Tikom ang bibig ng ating lipunan sa mga sumusunod: ang panggagahasa ni Koronel Agapito Banzon sa asawa ni Andres Bonifacio , si Gregoria De Jesus, na 21 anos pa lang noon; ang dayaan sa halalan sa Tejeros Convention , kung saan mas marami ang mga binilang na boto kesa sa mga taong bumoto , na nagsilbing mitsa ng buhay ni Gat Andres; ang pagtataksil ng mga nag- imbita kay Bonifacio na nagpunta sa Cavite para mamagitan sa hidwaan ng pangkat Magdalo at Magdiwang na puro mga Caviteno lang; ang fake news laban kay Gat Andres na siya’y nagnakaw ng pera ng KKK; ang paglabag sa karapatan pantao nila Bonifacio, na nagtamo ng sugat sa leeg at ibang parte ng katawan noon dinakip sila , na hindi man lang pinagamot habang nakapiit at nililitis; at ang nilutong hatol ng isang Junta na binuo ng mga Magdalo at Magdiwang na inutos ang kamatayan nila Bonifacio dahil daw sa pagtataksil sa inang bayan. Ginawang lehitimo ang nakakapangilabot na sadyang pagpatay kay Bonifacio.

Ang “dissociative amnesia” ay isang “disorder” na nararanasan ng isang tao pagkaraang humarap sa isang trahedya o kasindak sindak at malungkot na pangyayari sa buhay. Dahil sa sobrang hapdi at pait ng trahedya, sinasarhan ng kanyang pag-iisip ang kanyang ala-ala ng pangyayari sapagkat hindi niya matanggap ang katotohanan. Ang kondisyong ito ay napanood ko sa mga bida sa Innocent Defendant at King plus 2 hearts ( mga Kdrama). Hindi permanente ang kondisyong ito , at kung may sapat na talk therapy , gumagaling ang tao at natututuhan niyang tanggapin ang katotohanan.

Noon panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas, dalawang batas ang ipinasa na nagluklok kay Gat Andres bilang pambansang bayani kapantay ni Rizal.

Una rito ang Act 2760 (isinabatas noon Pebrero 23, 1918) na pinag-utos ang pagpagawa ng mga bantayog ni Bonifacio. Dahil dito , inumpisahan ang pagtatayo ng monumento ni Bonifacio sa Caloocan noon 1929 sa isang palatuntunan na ang panauhing pandangal ay si Gng Aurora Quezon, kabiyak ni Manuel L. Quezon na presidente ng Senado ng panahong iyon. Natapos ito noon 1933. Ginastusan ito ng P125,000 ( sa ngayon ito ay magkakahalaga ng P38.5 milion) na dinesenyo at nilikha ng Pambansang Artista sa Sining na si Guillermo E Tolentino. Isa itong obelisk na may tindig na 13.7 metro o 45 ft na nakatayo sa 200 sq. m. na lote. Ang mga imahen ng 20 taong nakapalibot sa obelisk ni Bonifacio ay yari sa bronse na tinubog pa sa Italya. Pinamamalas ng mga imahen ang mga eksena ng paniniil, hindi pagkakapantay-pantay at matinding paghihirap ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila. Ang tore ay yari sa granite na mula pa sa Alemanya. May tatlong baitang ang monumento mula sa kinatatayuan ni Bonifacio bilang tanda ng tatlong daan taon pananakop ng mga Kastila. Isa ito sa pinakamainam na monumento sa buong mundo.

Ikalawa ang Act 2946 (isinabatas noon Pebrero 16, 1921) na ginawang piyesta opisyal sa Pilipinas ang kaarawan ni Gat Andres.

Ang dalawang batas na ito ay malutong na sampal sa tinatawag na Presidente daw ng Unang Republika , na kailan man ay hindi gumawa ng hakbang upang disiplinahin ang mga sundalo na lumapastangan sa Lakambini ng KKK at ng Cavite Brigade na sadyang pumatay kay Heneral Antonio Luna at Koronel Paco Roman sa Cabanatuan.

Sinabi ni Ambeth Ocampo na hindi inuulit ng kasaysayan ang sarili nito ,bagkus tayo mismong mga Pilipino ang umuulit ng ating mga pagkakamali. Ang taong walang memorya ay tuliro sapagkat hindi niya kilala ang sarili at ang mga tao sa kanyang paligid na may kaugnayan sa kanya. Ito ang pader na humaharang sa kanya upang makabuo ng magandang kinabukasan. Napakahalaga na sikapin ng DepEd at National Historical Commission of the Philippines na alisin ang hiya sa mga aklat na ginagamit sa edukasyon at isali ang madilim na bahagi ng ating kasaysayan at ng maglaho ang dissociative amnesia ng ating lipunan sa trahedya ni Bonifacio at ng magkaroon ng saysay ang monumento niya na tanda ng kabutihan at kasamaan ng ating lahi.