DPWH nagpapabaya?

NAGPAPABAYA ba ang Department of Public Works and Highways kaya hanggang ngayon ay nananatiling sira ang kalsada sa Maynila na binutas ng isang overloaded na trak ilang buwan na ang nakakalipas?

Aba eh Hunyo pa nang maganap ang insidente sa may panulukan ng Roxas Boulevard at Remedios St. pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naibabalik sa dati ang kalsada.

Gabahay ang laki ng butas at nagsisilbi itong panganib sa mga pedestrian at motorista kahit pa hinarangan ito ng mga plastic barrier mula sa Metro Manila Development Authority.

Makikita sa butas ang isang malapad na daluyan ng tubig at hindi natin batid kung ito ay isang kanal o natakpan na ilog. Pero nakasisiguro tayo na may panibagong aksidente na magaganap kapag hindi ito agad inaksyunan ng DPWH.

Ang huli nating balita ay sinampahan ng kaso ang trucking company na sangkot sa insidente at pinagbabayad ito sa nasirang kalsada.

Hihintayin ba ng DPWH na matapos ang kaso at makapagbayad ang trucking company bago ayusin ang mapanganib na butas? Ilang taon ang bibilangin kung ganito ang sistema.

Milya-milyang highway at isang katerbang mga tulay ang pinagagawa ng gobyerno sa DPWH sa kasalukuyan bilang pagtugon sa Build Build Build program ni pangulong Duterte.

Isang kapirasong butas lang sa Roxas Boulevard ang pinag-uusapan natin Sec. Mark Villar. Baka naman pwede mo itong pagtuunan ng pansin.

**

Pinag-uusapan na lang din naman natin ang Roxas Boulevard, pinuhin na natin itong pagpuputol ng mga puno dyan sa kalye na ‘yan.

Marahil ay bahagi ito ng programa ni Manila Mayor Isko Moreno upang pagandahin ang kanyang Lungsod.

Pero idol, kailangan bang sa araw at sa kasagsagan ng trapik gawin ang pagpuputol ng mga puno na dahilan kung bakit lalung bumabagal ang pag-usad ng mga sasakyan?

Ilang araw na rin ang nasabing pag-trim ng mga puno sa Roxas Boulevard kaya ganito na rin katagal ang pagdurusa ng mga motorista sa pinatinding trapik sa nasabing pangunahing kalsada.

Sa kabila nito, pinasasalamatan pa rin natin ang ‘rockstar’ mayor na nagiging inspirasyon ng maraming lungsod upang ipatupad ang pagbabago sa kani-kanilang lugar.

Sana lang ay maisipan ng in-charge sa pagpuputol ng puno na pwede namang sa oras na hindi na makakaabala sa publiko na bugbog-sarado na sa perwisyo.

Bat’ ‘di kaya subukan ng Manila City government na gawin ang trimming sa hating-gabi hanggang madaling araw. Kung sa bagay, sa ganitong oras din naman sila nagdidilig ng mga halaman sa Roxas Boulevard.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com