Home>Editorial>Opinion>Droga sa bagong barrio sa Caloocan City, talamak pa rin

Droga sa bagong barrio sa Caloocan City, talamak pa rin

KAMAKAILAN ay binasag ng mga kalalakihan ang salamin ng kotse ng anak na babae ni Malabon City Public Information Office (PIO) chief Bong Padua sa kanto ng Tirad Pass at Gen. Tinio Street, Barangay 134 sa Caloocan City.

Ang dahilan, nasagi ng kotseng minamaneho ng dalaga ang isang nakaparadang motorsiklo sa tapat ng isang bilyaran dahil iniwasan niya ang panggigitgit ng isang humaharurot na tricycle na mabilis na nag-overtake sa kanyang tabi.

Dahil nasa kanto, ipinasiya ng dalaga na iparada muna ang kotse sa maayos na lugar at sa pag-aakala ng driver ng motorsiklo na tatakbuhan ng driver ang nasagi niyang motorsiklo, hinabol niya, kasama ang iba pang kabarkada ang kotse na pumaparada na sa gilid ng daan at pinalibutan bago binasag ang salamin.

Nanginig sa takot ang dalaga kaya’t hindi muna siya bumaba ng sasakyan sa pangamba na baka kung ano ang masamang gawin sa kanya ng grupo ng kalalakihan at sa kabutihang palad, may nagresponde kaagad na mga pulis sa lugar at doon lamang nakababa ng sasakyan ang dalaga.

Upang maging maayos ang usapan, dinala sila sa Caloocan Police Traffic Enforcement Unit at dito na napuntahan ni Bong Padua ang anak habang lumutang na rin ang tunay na may-ari ng nasaging motorsiklo na isang alyas “Arman” na siyang “amo” daw ng driver ng motorsiklo na nasagi ng dalaga.

Para hindi na humaba pa ang usapan, nagpasiya si Bong Padua na bayaran na lang ang nasira sa motorsiklo bagama’t hindi na napag-usapan kung bakit nabasag ang salamin ng kotse ng anak hanggang matuklasan niya sa kuha ng close circuit television (CCTV) sa lugar na ang driver pala ng motorsiklo ang bumasag sa salamin ng kotse.

Sa nakalap na impormasyon ni Bong, nagiging tambayan ng mga drug addict ang kanto ng Gen. Tinio at Tirad Pass Street at sa isang bilyaran sila nagtitipon-tipon mula dis-oras ng gabi hanggang madaling araw kaya’t ipinasara na ni Mayor Oca Malapitan ang naturang bilyaran.

Ang problema, hanggang ngayon daw ay doon pa rin tumatambay ang mga kalalakihan kaya’t posible raw na may nangyayaring kababalaghan dito, lalo na’t bantad ang Bagong Barrio sa talamak na bentahan ng shabu.

Kung hindi siguro kayang aksiyunan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police na pinamumunuan nina P/Capt. Joel Guimpatan at P/Capt. Deo Cabildo para alamin ang hiwagang nagaganap sa kanto ng Gen. Tinio at Tirad Pass Streets sa Bgy. 134, baka puwedeng umeksena muna rito sina District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Maj. Ramon Aquiatan, Jr. at District Special Operation Unit (DSOU) chief P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao para lang magkaalaman na kung bakit nagtitipon-tipon ang mga kalalakihan sa lugar.

Siguro naman, alam na ng kinauukulan kung ano ang nagaganap na hiwaga rito.

Pagkahumaling sa E-Sabong

Swak na nga ba sa ilang tiwaling awtoridad ang electronic sabong kaya’t kahit sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19 ay namamayagpag pa rin ito?

Dati-rati, sa mga ilegal na tupadahan lang pumapatong ang mga tiwaling opisyal kaya’t may mga ganitong uri ng sugal sa iba’t-ibang distrito sa Kamaynilaan na kahit bantad sa mata ng publiko o kahit pa nga sa tabi ng mga pampublikong paaralan ay hindi naipapasara.

May mga ilegal pa ngang tupadahan na mismong opisyal ng lokal na pamahalaan o barangay chairman ang pasimuno o silang namamahala nito at dahil malaki ang kanilang nagiging ambag sa kanilang lugar mula sa kita ng ilegal na tupadahan, patuloy silang ibinoboto ng mga residente.

Pero ngayong may pandemya, tablado sa kapulisan ang mga ilegal na tupadahan kaya’t kabi-kabila ang ginagawang panghuhuli sa mga naglalakas-loob pa ring magsabong sa iba’t-ibang lugar sa Kamaynilaan.

Yun nga lang mukhang hindi pansin ng kapulisan ang pamamayagpag ng e-sabong, lalo na ung mga nagaganap sa mga pribadong lugar pero napapanood ng live ng mga sabungero na may access lamang sa website ng ilegal na e-sabong.

Tuwing araw ng Sabado at Linggo, may nahuhuling ilegal na tupadahan sa iba-ibang lugar sa Metro Manila pero kahit yata minsan ay walang nalansag na sindikato ng ilegal na e-sabong.

Kaya tuloy marami ang naghihinala na posibleng plantsado na ng sindikato ng e-sabong ang intelihensiya para hindi maperhuwisyo ang kanilang operasyon.

Text ng Readers

Pinuna ng isang texter ang permanenteng kubol ng barangay sa kanto ng Almeda at Quiricada Street kaya’t ang dalawa sanang linya ng lansangan ay isahan na lang dahil sa ginagawa rin daw itong terminal ng tricycle at paradahan ng sasakyan.

Madalas daw sa lugar ang ilang pulis sa Bambang Detachment pero mukhang hindi napupuna ang grabeng obstruction sa lugar. Sana raw ay ipursige muli ni Yorme Isko ang road clearing operation para lumuwag muli ang lansangan.

Isa namang reader na huling numero ay 9392 ang inireklamo ang isang local traffic enforcer ang laging nag-aabang ng motoristang lalabag sa batas sa kahabaan ng Alfonso Mendoza St. na extension ng Quezon Boulevard, malapit sa Dapitan pero hindi naman daw tinutuluyan dahil naghihintay na mag-offer ng lagay ang motorista.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.

Publication Source :    People's Tonight