Home>Editorial>Opinion>#duterte resign: dating gawi, mga dating sawi

#duterte resign: dating gawi, mga dating sawi

MAY mga nagtutulak na naman ng resignation ni Pangulong Duterte.

May mga online petition at kung sinu-sinong walang magawa sa buhay ang nakikisama sa panawagan para sa pagbibitiw ng Pangulo.

Ang dahilan nila, mismanaged daw ang pandemic kaya ang kaso natin ay malapit na sa isang milyon.

Nagsalita na naman ang mga magagaling. Sana pumunta kayo sa Canada, sa Amerika, sa Brazil, sa Italy at iba pang European countries para hilingin nyo rin ang resignation ng mga lider doon dahil milyun-milyon ang kaso at daang libo ang namamatay.

Ang problema sa mga taong ito, ang gusto nilang solusyon ay isang panibagong problema.

Akala nyo ba, kung mag-resign ngayon si Pangulong Duterte ay parang alikabok na lilipad sa hangin ang COVID cases at biglang zero case tayo? Or baka naman masyado kayong nagmamadali na maging Presidente na si VP Leni kaya gusto nyong pagbitiwin ang Pangulo?

Tanong, sa isang palatak ba ni Leni, balik normal na tayo kung magbitiw ang Pangulo?

Ganoon lang kadali sa inyo tingnan ang pagbibitiw ng isang sitting President, lalo na’t ganito kalaki ang problema ng ating bansa. Yes, maraming nawalan ng trabaho, tama kayo bagsak ang ekonomiya, tama rin kayo mabagal ang dating ng bakuna.

Nasa kontrol ba ng mga nakaupong lider ng bansa ang mga ito? Hindi kasing dali ng pagiging madaldal nyo ang pamahalaan ang isang bansang katulad natin na maraming nagmamagaling.

Kunsabagay, sila-sila na naman yang nagpapa-resign sa Presidente, dating gawi, mga dating sawi.

Sa isang banda lkung titingnan mo ang profile ng mga nagpapa-resign sa Pangulo, sila iyong mga wala pang nagagawa para sa bayan kung hindi ngumawngaw.

Baka nga mas madaling solusyon ay mag-migrate na lamang sa ibang bansa ang mga taong ito. Tumingin nga kayo sa salamin, baka kapitbahay nyo lang gusto na kayong paalisin sa komunidad nyo dahil sa ginagawa nyong panggugulo.

Kunsabagay, ang mga tao rin na ito ang palaging naghahanap sa Pangulo kapag hindi nila makita sa Malacanang briefing. Sila rin iyong naghihinala na may malubhang karamdaman si Duterte kaya hindi nakita ng dalawa hanggang tatlong araw.

Makalipas lang ang ilang araw, nagpakita ulit ang Pangulo na mas malakas pa sa kabayo. Iyong mga nagpakulo ng #nasaanangpangulo, iba na naman ang kanilang gusto, #duterteresign! “Buhay ka naman pala e, mag-resign ka na lang!” sabi siguro nila.

Hindi ba’t mga balisawsawin?

Mga tolongges talaga, hinahanap tapos nang hindi totoo ang balitang malubha or namatay na si Duterte, resign na lang!

Ewan ko sa inyo, hindi ko na alam kung ano ng itatawag sa mga inaasal nyong mga nagpapanggap na nagmamahal sa bayan.

Magwalis na nga lang kayo sa bakuran nyo at maglinis ng inyong mga bahay para may magawa naman kayong mabuti!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV