Home>Editorial>Opinion>Easy trip RFID installation bubuksan sa Navotas

Easy trip RFID installation bubuksan sa Navotas

Hindi talaga maalis sa ugaling Pinoy ang ura-urada kung kumilos o yung kung kelan malapit na ang deadline para sa isang obligasyon ay tsaka nagkukumahog.

Tulad na lang nitong pagkakabit ng RFID stickers sa mga sasakyang tatahak sa mga may bayad na expressway na matagal ng ini-aanunsiyo sa telebisyon, radyo, pahayagan at maging sa social media pero ngayong malapit na ang deadline na napalawig pa nga hanggang Disyembre 1 ay tsaka nagkukumahog ang mga may-ari ng mga sasakyan.

Buti na lang, nagpasiya ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na makipag-partner sa ilang mga lokal na pamahalaan na mag-aalok ng paglalagay ng Easytrip RFID stickers at isa na rito ang Navotas City government na magsisimulang mag-alok ng drive-thru installation sa Nobyembre 24 mula 9 a.m. hanggang alas 5 p.m. na gaganapin sa Navotas Bus Terminal

Aabot pa nga sa 500 stickers para sa Class 1 na sasakyan na dadaan sa NLEX, SCTEX, CAVITEX, CALAX AT C5 Link Expressway ang maikakabit dito habang tig-25 naman sa Class 2 at 3 na sasakyan kaya ang mga mauuna o maagap lang talaga ang makakabitan.

Nagpasalamat naman si Mayor Toby Tiangco sa naging pasiya ng MPTC na makipag-partner sa Navotas City lalo na’t maraming mga motorista ang nagkukumahog ngayon para makabitan ng sticker bago pa ang deadline sa Disyembre 1.

Nanawagan pa nga si Mayor Tiangco sa mga nagnanais na makabitan ng stickers na samantalahin ang drive-thru RFID installation sa kanilang lungsod lalu na’t sinusuportahan niya ito hindi lang upang maging maluwag sa daloy ng trapiko ang mga expressway kundi maging ligtas ang marami sa banta ng COVID-19.

Sa mga interesado, i-download lang ang Easytrip Subscription form at punuan ang mga katanungan para isusumite na lang nila sa mga namamahala sa pagkakabit ng sticker kapag nagtungo na sila sa Navotas Bus Terminal.

Nakatakda namang isara sa daloy ng trapiko sa Nobyembre 24 ang southbound lane ng C4 Road at R10 mula Navotas Bus Terminal hanggang Old Fishport Road mula 8 a.m. hanggang 6 p.m. upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magkakabit na magamit ang lansangan.

Ayon pa kay Mayor Tiangco, nakikipag-ugnayan na rin sila sa San Miguel Corp. (SMC) para naman sa pagkakabit ng Autosweep RFID sticker na magagamit naman ng mga tumatahak sa SLEX, NAIAX, SKYWAY, STAR TOLLWAY, MCX at TIPLEX at ia-anunsiyo kaagad nila ito sa oras na magkasundo na.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight