Eleksyon sa Pandi dapat tutukan at ‘Unli-Seminar’ sa Board of Parole?

ILANG “kapatid” sa media sa Bulacan ang “nakiusap” sa atin kung maari raw kayang “pasadahan” natin ang mga nagiging kaganapan sa bayan ng Pandi, Bulacan, habang papalapit ang halalan.

Ang bayan ng Pandi, mga kabayan, ay isa sa mga ‘areas of concern’ ng PNP (‘yellow code’) dahil may ‘history’ na ito ng “matinding awayan” tuwing halalan. Translation? Kasama ang Pandi sa higit 900 ‘hot spots’ sa buong bansa na ayon sa PNP ay dapat nilang “bantayan.”

Partikular sa binanggit sa atin ay ang umano’y “pagbaha” ng kuwalta na umano’y ‘bribe money’ naman (‘vote-buying’) para sa hanay ng mga botanteng pumapayag “ibenta” ang kanilang boto—kasehodang tatlong taon (o higit) pa silang “mapeperwisyo” dahil sa masamang gawain na ito.

‘Yun nga lang, may alingasngas na galing sa “iligal” na mga transaksyon—iligal na droga at iligal na pagbebenta ng mga baril—ang pinagmumulan ng kuwaltang ito, kaya, susmariosep naman pala!

Sinasabing “malapit na kamag-anak” ng isang kandidato—at dati na ring naging mataas na lider ng Pandi—ang nasa likod ng lahat ng mga “maniobra” na ito kung saan “kasabwat” pa umano ang tatlong itlog, err, tatlong ‘local leaders’ mula naman sa Bgy. Real de Cacarong, Bgy. Cacarong Matanda at, Bgy. Mapulang Lupa.

Sa kabila naman ng mahigpit na tagubilin ni Chief PNP Oscar Albayalde at DILG secretary Ed Año, na HUWAG “sumawsaw” sa pulitika ang sino mang pulis at manatiling propesyunal sa paggampan ng kanilang trabaho, aba’y “protektado” umano ng isang PNP official ang nasabing grupo kaya “malakas ang loob,” sinabi mo pa, hindi ba, mga kabayan?

Para naman sa Comelec, alam nating masyado na itong abala sa dami ng ginagawang trabaho at mga sumusulpot na problema.

‘Yun nga lang, ang pagtitiyak ng isang malinis, maayos at parehas ang halalan ang pinakamahalaga sa kanilang mandato kaya, baka puwede ninyong “bantayan” ang mga nangyayari sa bayan ng Pandi, Dir. James Jimenez, please?!

At kung may alingasngas ng ‘narco money,’ eh, dapat lang na mag-imbestiga rin ang PDEA, tama ba, director general, Aaron Aquino?

Abangan!

***

Calling the attention of Parole and Probation Administration (PPA) administrator, Manuel Co, NCR director Perlita Silvederio at assistant regional director, Jenette S. Padua.

“Kailan” daw kaya “matatapos” ang mga ‘seminar’ para sa mga empleyado ninyo, partikular na sa mga ‘naka-assign’ sa Muntinlupa City?

Dangan kasi, isang kaibigan na nakakulong ang asawa sa Bilibid ang higit dalawang buwan na ngayon (mula pa noong Marso) ang wala nang ginawa kung hindi “magpabalik-balik” sa inyong tanggapan sa Muntinlupa subalit “nganga” pa rin dahil ang “nakatutok” sa kanyang asawa ay “palagi” (daw) “nasa seminar.”

Ang siste, kailangan lang pala na ‘ma-schedule for interview’ ng Board of Parole ang kanyang mister para sa aplikasyon nito for ‘clemency’ subalit, hindi magawan ng aksyon dahil nga “nasa seminar.”

Huh? Seminar? Ano bang mga seminar ng Board of Parole and Probation Administration ang ibinibigay sa mga tauhan nito na umaabot ng higit dalawang buwan?

May ganyan bang programa ang DoJ para sa mga ahensiya nito, Secretary Menardo Guevarra?

Ang masakit pa, nang minsang “matiyempuhan” nitong pobreng misis ang dapat mag-asikaso sa kaso ng mister niya, eh “huwag” daw siyang “magmadali” dahil hindi lang kaso ng kanyang mister ang inaasikaso nila.

Tama! At dahil hindi niya inaasikaso ang kanyang trabaho, hindi ba dapat, sibakin na lang ito sa puwesto? Sayang...

...lang kasi ang buwis na isinusuweldo sa mga ganitong empleyado ng gobyerno!

At heto, pa, mga kabayan. “Nilait” pa umano siya nang malaman na ‘life sentence’ ang hatol ng kanyang esposo dahil wala rin namang umanong mangyayari sa aplikasyon nito!

Kumbaga, dear readers, tamad na nga sa trabaho, tila “manhid” pa sa damdamin ng iba itong mga tauhan ni Admin. Manuel Co? Na para bang “siya/sila” ang “magdidikta” kung ano ang kahihinatnan ng aplikasyon ng isang bilanggo?
Aber, kung ganyan kasagwa ang asal at pananaw ng mga empleyado ng Board of Parole, hindi tayo magtataka na maging dahilan ito ng mga madudugong “riot” sa loob ng national penitentiary.

Dangan kasi, ‘pardon’ at ‘clemency’ na lang ang nagbibigay ng “hinahon” sa isang bilanggo at pagkatapos, sasabihan ang pamilya mo na “huwag nang mag-aksaya” ng panahon dahil “wala ka nang pag-asang makalaya,” eh, sino ang hindi “mabuburyong” at “magwawala,” aber?

Eh, sa ganitong mga “ogags” na empleyado ng Board of Parole and Pardon, “subukan” mo kaya, Admin. Manuel Co, na “sila” naman ang ipasok mo sa selda, hehehe!

Baka kasi kapag naranasan nila ang hirap ng buhay ng isang bilanggo, bumalik ang pagiging makatao nila at “tubuan” sila ng konsensiya at malasakit! Abangan!