Home>Editorial>Opinion>Empleyado sa DoLE, babawasan pa?

Empleyado sa DoLE, babawasan pa?

ISA sa mga departamento ng gobyerno na may mahalagang papel at “nagpapakitang gilas” ngayong may pandemya ay ang Department of Labor and Employment (DoLE) ni Sec. Silvestre ‘Bebot’ Bello III.

Sa katunayan, kahit ang sektor ng media ay kasama sa mga tinulungan at natulungan ng DoLE sa kasagsagan ng ‘lockdown’ sa pagitan ng Marso at Hunyo ngayong taon.

Palibhasa nga at dati ring “aktibista” kaya naman sinasabing sadyang may “pusong makamasa” at “makamanggagawa” si Sec. Bello, katangian kung bakit siya rin ang (dating) lider ng ‘government panel’ sa nadiskaril na ‘peace talk’ ng GRP at Communist Party of the Philippines.

Kaya nga, ayaw nating paniwalaan ang sumbong ng ilang miron sa DoLE na “ikinasa” na (translation: inaprubahan) ni Sec. Bebot ang malawakang sibakan sa hanay ng mga ‘JO’ (job order) sa DoLE kung saan aabot umano sa higit 60 katao—at kanilang pamilya—ang “nganga” at “luhaan” bago sumapit ang araw ng Pasko.

Anila pa, isang umano’y “Assec“ na superlakas bumulong” kay Sec. Bebot ang mistulang nagpanukala na sibakin na ang mga JO epektibo ngayong Disyembre—kasehodang maging malungkot at madilim ang Pasko ng kanilang mga pamilya.

Eh, baka naman kasi ‘finish contract’ na sila? Kaya kung “endo” na, talagang aalisin na nga sila.

‘Yun nga lang, imposible namang walang badyet na natira para sa kanilang suweldo?

Pangsuweldo para sa loob ng isang buwan upang kahit paano ay hindi magdildil sa asin ngayong Pasko ang mga manggagawa ng DoLE, wala na nga ba?

Masdan kasi ang ibang departamento katulad ng DSWD at DTI na halos mahulog sa silya ang ating mga senador nang mabatid na bilyun-bilyon pa pala ang hindi naipamumudmod na pera para sa Social Amelioration Program (SAP-DSWD) at ayuda sa mga ‘micro, small and medium enterprises (SMEs-DTI) samantalang malapit nang matapos ang Bayanihan Law (2) sa susunod na buwan.

At nasaan raw kaya ang “puso” nitong si “Assec”—at ni Sec. Bebot—na kayang “sikmurain” na “gutumin” ang pamilya ng kanilang mga gustong tanggalan ng marangal na trabaho—sa panahon pa naman ng pandemya at sa pagsapit ng Pasko.

***

Ang espekulasyon pa ng mga miron, “nakarating” (daw) kaya kay Sec. Bebot ang katotohanan na samantalang “minandato” ng DoLE na “dapat” bigyan ng ‘shuttle service’ ang kanilang mga empleyado, hindi naman ito naipatupad sa DoLE, mismo!

Subalit, dahil gusto nilang manatili sa trabaho, aba’y “tiis” sa peligro ang mga JO ng DoLE para lang tuloy-tuloy ang kanilang pagseserbisyo sa publiko. At kasehodang matamaan sila ng COVID-19, ahahay!

Bukod sa malawakang tanggalan sa susunod na buwan, ang isinasama ng loob ng mga miron at mga mabibiktima ng ‘cleanup drive’ ng DoLE laban sa mga JO, ay ang anila’y ‘discrimination’ mismo sa loob ng departamento na ang isa sa mandato ay ang labanan ang ‘discrimination at the work place,’ hehehe, ayy, huhuhu!

Isa umanong halimbawa ay ang isang bagong regular na empleyado na ngayon ay may hawak na posisyon bilang LO3 (labor officer 3).

Marami ang nagtataka dahil anila, hindi naman nakapasa sa posisyon ng LO1 at LO2 pero ngayon, LO3 na!

Aba, “pinagpala” ang tawag d’yan hehehe!

Welcome ang paliwanag mo, Sec. Bebot kaya kasamang Rolly Francia, pasok!

Publication Source :    People's Tonight