Equity of the incumbent!

TUWING magkakaroon ng bagong komposisyon na mga miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan, normal lamang ang agawan sa committee chairmanship.

Minsan nga, kahit agawan sa pagiging Senate President at House Speaker ay napag-uusapan bagaman madalas magkaiba ang sitwasyon sa Upper at Lower Chamber.

Sa Senado ay binasag na ni PDP Laban President, Senador Koko Pimentel ang pangambang maaaring palitan si Senador Tito Sotto bilang Senate President.

Habang sa Kamara naman ay mainit pa rin ang tunggalian nina dating Speaker Panteleon Alvarez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, incoming Cong. Alan Peter Cayetano at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ani Koko, ‘cooperative’ at ‘supportive’ sa Duterte administration si Sotto kaya hindi na dapat yanigin pa ang ‘bangka’ lalo’t mahalaga ang tatlong taong nalalabi sa administrasyon upang isulong ang mga ‘legislative agenda’ ng Malakanyang.

Lima ang miyembro ng PDP-Laban ngayon. Kasama ni Koko sa ruling party sina Senador Manny Pacquiao at mga bagong pasok na senador na sina Francis Tolentino, Bong Go at Bato dela Rosa.

At malaking bagay pa sa kanila ang pakikipag-alyansa sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) na inindorso ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte noong nagdaang halalan. Kasama nila sa HNP sina Sonny Angara (LDP), Bong Revilla (Lakas-NUCD) at Senators Cynthia Villar, Pia Cayetano at Imee Marcos (Nacionalista Party).

At dahil numbers game ang labanan sa ‘Senate Presidency,’ importanteng mapagbigyan sila ni Sotto para naman sa napupusuang committee chairmanship na nais nilang hawakan.

Eto ngayon ang problema. May ilang komite ang gustong kunin ng mga bagong senador.

Diumano, gusto raw ni Tolentino ang Senate Blue Ribbon Committee na hawak ngayon ni Senador Dick Gordon. Nagpasabi na rin si Senadora Grace Poe na handa niyang bitawan ang kasalukuyang hawak niyang Committee on Public Service kung ibibigay sa kanya ang pagiging chair ng Blue Ribbon.

Ang Committee on Public Order ay gusto rin daw ni Tolentino.

Prangka si Gordon sa pagsasabing hindi niya bibitawan ang Blue Ribbon Committee na isa sa pangunahing nag-iimbestiga tungkol sa iba’t ibang anomalya sa pamahalaan.

At dahil ayaw bumitaw ni Dick, natural ay hindi na rin bibitawan ni Poe ang Public Service.

Nakahanda namang ibigay ni Senador Ping Lacson kay Bato ang Committee on Public......

Order and Dangerous Drugs; samantalang gustong hawakan ni Senador Win Gatchalian ang Education Committee na nais din kunin ngnagbabalik na senador na si Cayetano.

Si Go  ay gustong hawakan ang Committee on Health, habang gusto pa ring hawakan ni Tolentino  ang Justice Committee, samantalang si Marcos  ay kuntento nang hawakan ang Ways and Means Committee na bibitawan ni Angara.

Sa mga ‘neophyte senator,’ kapansin-pansin ang pagiging ‘brusko’ ni Tolentino. Siya rin ang nagbanta kamakailan na may sariling bilang at bloke ang HNP para palitan si Sotto bilang SP.

Para kay Sotto, mahalaga pa ring respetuhin ang tinatawag na ‘equity of the incumbent.’ Tradisyon na ito noon pa man sa tuwing nagkakaroon ng pilian sa committee chairmanship.

At kung hindi ito masusunod, hahayaan niyang ang senador na miyembro ng 18th Congress na ang magbobotohan para ibigay ang pamumuno sa isang komite.

“We have to talk to those who would be willing to forego their committees and offer another committee. That’s how it works. It’s not an easy job and it is not left to the discretion of the Senate president, contrary to what others [have] said. It is always the members of the majority that vote for the chairman,” dagdag pa ni Sotto.

At bago tayo magtapos, may kaunting payo tayo sa mga bagong papasok na senador kung kanilang mamarapatin.

Dapat po, huwag munang lumaki ang ulo nila ngayon pa lang dahil kahit saan at kahit kailan, importante pa rin ang pagkilala sa prinsipyo ng ‘seniority.’

Baka kasi bukas o makalawa, mapahiya na lang sila kapag nagkaroon na ng debate sa plenaryo.

Ibang-iba po ang Senado sa Gabinete, Kamara, Sangguniang Panlalawigan, Panglungsod, Barangay at kahit Kabataang Barangay.