Expect Sen. Gordon to ferret out the truth— again

August 29, 2019

ANG “tanong” na ito, mga kabayan, ang gustong “masagot” ngayon ng karamihan hinggil sa isyu ng “pagpapalaya” kay dating Calauan, Laguna mayor, Antonio Sanchez.

At ang tinutukoy natin ang “napabalita” na “lalaya” na si Sanchez, batay sa RA 10592 o ang ‘Good Conduct Time Allowance’ (GCTA) at “mayroon” na umano siyang ‘release order’ batay dito;  ayon pa sa kanyang pamilya, dapat ay noon pang Agosto 20 ay “kasama” na nila si Sanchez.

Bagaman higit dalawang dekada na ang ‘henious crime’ na kinasangkutan ni Sanchez (abduction, rape and two counts of murder) na nangyari noong 1993 sa Calauan (nahatulan naman siya noong 1995), napatunayan naman na hindi totoong “mabilis makalimot” ang mga Pilipino dahil na rin sa lakas at lawak ng protesta laban sa kanyang paglaya.

At dahil sa malawakang protesta na ito, “naudlot” ang paglabas nitong “kinatatakutan” na ‘political warlord’ sa lalawigan ng Laguna at kahit ang mga naunang “pumabor” sa kanyang paglaya— Sen. Bato dela Rosa, Bureau of Correction chief, Nicanor Faeldon, presidential spokesman Salvador Panelo at, DoJ secretary, Menardo Guevarra— ay “iba” na ang sinasabi ngayon, hehehe, ayy, huhuhu!

‘Yun nga lang, bagaman nagsalita na rin si Pang. Digong at sinabing “hindi dapat makalaya” ang mga katulad ni Sanchez, hindi na rito natapos ang diskusyon at napunta na ngayon sa tanong na: “may mga korap” kaya sa administrasyong ito na “kumita ng “milyones” sa transaksyon, ehek, sa isyung ito?

Sino ngayon ang nagsasabi ng totoo?

Ito rin ang tanong na gustong masagot ng mga miron dahil nga “ipinipilit” ng pamilya ni Sanchez na, ‘yes Jose, lalaya na si Sanchez dahil may release order na siya.’

Sa tindi at lawak naman ng oposisyon sa posibilidad na ito, “ipinipilit” nitong si ‘4-star general Faeldon’ na “wala” pang release order si Sanchez.

May isang opisyal sa Bucor na puwedeng magpatunay kung sino ba ang “sinungaling?” Si Faeldon ba o ang pamilya ni Sanchez?

At ito ay walang iba kundi si Ruperto Traya Jr., ang ‘administrative chief’ ng NBP/Bucor. Bilang administrative chief at ‘document custodian’ ng NBP, “alam” siyempre ni Traya ang katotohanan.

‘Yun nga lang, sa kasagsagan ng “pagtanggi” ni Faeldon at iba pang opisyal ng Bucor at DoJ hinggil sa sinasabi ng pamilya nitong si Sanchez, binaril-patay itong si Traya noon lang Martes, Agosto 27, sa Muntinlupa City.

Kung ano man ang tunay na motibo, hindi maiiwasan ng taumbayan na “nasusuka” na sa mga “palusot” ng mga korap at sinungaling na opisyales ng gobyerno na ang madugong pagpanaw nitong si Traya ay may “kinalaman” sa kontrobersiya hinggil dito kay Sanchez.

Kayo, dear readers, ano sa palagay ninyo?

Harinawa naman na “tutukan” ng mga pulis ang insidenteng ito. Una, para naman mabigyan ng hustisya ang biktima at ikalawa, para malaman na rin kung may batayan ang “tamang hinala” ng mga miron.

Ngayon namang Lunes, inaasahang bubuksan nitong ating iginagalang na senador, si Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon, ang imbestigasyon sa isyung ito. At dahil sobrang kontrobersiyal, asahang ‘full-packed’ na naman ang plenaryo ng Senado.

Sakaling matuloy, muling “magkakaharap” si Sen. Dick, Faeldon at Sen. Ping Lacson kaya mistulang ‘déjà vu’ ang pagdinig na ito, tama ba, kasamang Lee Ann Ducusin, hehehe!

Kung matandaan pa ninyo mga kabayan, si Sen. Dick, bilang chairman ng ‘Senate Blue Ribbon Committee,’ ang “naghimay” ng mga detalye noong 2017 hinggil sa mga nangyayaring korapsyon sa Aduana na naging dahilan para sa malawakang pagpasok ng iligal na droga sa bansa— at dahilan din kaya sinipa, ehek, inalis, ni Pang. Digong, si Faeldon bilang ‘customs commissioner.’

Aber, natandaan pa natin na kahit itong si Faeldon, hindi nakalusot at ‘na-contempt’ pa nga ni Sen. Dick dahil sa “pambabastos” sa mga mambabatas at sa mga proseso ng Senado.

Sa ganang atin pa, “kung” nagawa ni Sen. Dick na “mahalukay” ang katotohanan hinggil sa smuggling ng mga iligal na droga sa bansa, walang dahilan para hindi rin niya malaman ang mga hindi pa nabubulgar na detalye hinggil sa paglaya nitong si Sanchez— at sa pagkamatay nitong si Traya.

At malay ba natin kung hindi lang itong si Sanchez, sa hanay ng mga “talamak” na kriminal, ang mabibigyan ng kalayaan sa ilalim nitong RA 10592 dahil “binaboy” at “binaluktot” ng ilang mga korap na opisyal ang interpretasyon nito?
May “hinala” kasi na ilan nang mga ‘hardened and hardcore criminals’ (mga rapists at drug lords) ang “nakinabang” na sa batas na ito. Kung totoo nga, aba’y susmariosep!

But with Sen. Dick at the helm of this investigation, expect the truth to come out—again!
Abangan!