Home>Editorial>Opinion>Extortion ba ang paghingi ng bayad sa kasunduan?

Extortion ba ang paghingi ng bayad sa kasunduan?

President Rodrigo Duterte

PASENSIYA na sa kaibigan nating si Senador Ping kung hindi tayo sang-ayon sa sinasabi niyang magiging “mukhang pera” or extortionist” ang dating ng mga Pilipino kung susuportahan ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magbayad ang Amerika kung gusto nilang ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement o VFA.

Sabi sa Ingles, “there are one hundred one ways to kill a cat.” Ang paghingi ng pabor kapalit ng kasunduan ay may magkakaibang mukha at hugis. Call it by any other name sabi nga, bayad din ang tawag doon.

Sa mahabang panahon, mayroon tayong tinatawag na Mutual Defense Treaty sa Amerika. Ito iyong ibinasura ng Senado kaya napaalis ang US bases sa Subic at sa Clark matapos ang 50 years ng MDT.

Kaya “mutual” ang tawag sa isang kasunduan, ibig sabihin, dalawang panig ang makikinabang. Sa kasunduang Amerika at Pilipinas, papayagan silang magtayo ng militar bases sa bansa pero sa isang kondisyon, magbibigay sila ng armas or mga military hardware, mag-eempleyo ng mga Pilipino sa military bases, magbibigay ng mga milions of dollar grant or aid. May kolatilya pa nga yan na walang restriksiyon dapat sa Philippine government na puwedeng pumasok at mag-inspeksiyon sa mga military facilities kahit anong oras magustuhan. Hindi ito katulad ng UP-DND accord na one way treaty!

May isa pang mabigat na kondisyon ang MDT, kapag binugbog ng foreign forces ang Pilipinas, dapat sasaklolo si Big Brother kahit na may probisyon pa na kailangan pa ng congressional approval ng Amerika bago sila tumulong sa atin.

Ibig sabihin, bugbog-sarado na si Pinas, wala pa ring darating na tulong hangga’t walang green light mula sa US Capitol. Habang wala ito, sila naman ay nakikinabang sa Subic at Clark bilang base militar nila at sa Pilipinas bilang strategic partner nila laban sa buong mundo.

Kahit pa sabihing Amerikan junks ang karamihan sa mga ibinigay na military hardware sa atin na pinaglumaan pa ni General Douglas McArthur at mga napulot lang sa Pearl Harbor attack, kabayaran pa ring matatawag iyon sa isang kasunduan.

Ngayon dito naman tayo sa present time na pinagbabayad ni Presidente Digong ang Amerika kung gusto nilang hindi malusaw ang VFA, tama ba ang sinabi na dapat magbayad si Uncle Sam?

Tanong, libre ba ang VFA kung istriktong kasunduan ang pag-uusapan? Natural hindi dahil nakasaad sa VFA ang exchanges ng military tactics and training sa pamamagitan ng mobile military exercises. Ibig sabihin ng mobile, dapat gumagalaw na pagsasanay kung saang mang katubigan, kalupaan or himpapawid ng Pilipinas. Bawal ang station, bawal ang military base.

Katulad ng MTD, may mga armas din na binibigay ang Amerika sa Pinas bilang bahagi ng VFA. Doon mismo sa training exchanges, ang Philippine soldiers na puwedeng pumunta sa America for military training.

Ang problema, limitado ang numero, halimbawa, dapat hindi tataas sa espesipikong bilang. Kunwari sinabi ni GI Joe na hanggang 10 o 15 lamang ang sundalong Pinoy ang makakapagsanay sa American military camp doon sa land of milk and honey. Walang magagawa ang AFP at DND.

Samantala, si GI Joe naman, sa ilalim ng VFA, kapag gusto niyang makibahagi sa Balikatan exercises sa kabunduan ng Palawan, Sierra Madre o sa karagatan ng Luzon, Visayas at Mindanao, bigla na lang darating ang US Fleet na may sakay na 100 hanggang 300 US soliders. Parehas na parehas hindi po ba?

Katulad ng sinabi natin, hindi libre ang VFA mula’t mula kahit hindi balanse ang pakinabang. Hindi man diyan specified kung magkano in dollars or in peso ang pakinabang, it’s still a dog with the same collars. Bayad pa rin iyon.

Ngayon kung sinabi ni Presidente Rody na kailangan magbayad ang US para mapalawig ang VFA, okey din ito dahil mas magiging malinaw kung magkano at makikita agad kung tayo ay argabyado.

Extortion or pagiging mukhang pera ba ang tawag sa paghingi ng kabayaran ng estado sa alinmang foreign agreement na ang ultimate beneficiaries ay ang taumbayan? Hindi po.

Ang tawag dyan, Senator Ping ay abilidad! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV