Fake news, ipinatupad ng Bambang police detachment

March 25, 2020

MUKHANG kanya-kanya ng diskarte ang mga precinct commander ng mga police stations at sub-stations sa implementtayon ng tamang oras ng paglabas ng kani-kanilang tirahan para magtungo sa palengke o supermarket sa lungsod ng Maynila.

Wala namang problema kung makakatulong talaga ito sa wastong pagpapatupad ng umiiral na enhanced community quarantine basta’t huwag lang nilang lilinlangin ang publiko sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ni Mayor Isko Moreno o ng bagong upong Director ng Manila Police District (MPD) na si Brig. Gen. Rolando Miranda.

Dito lang nga sa Bambang Detachment na sakop ng Police Station 2 ng MPD, nagpatupad na sila ng takdang oras ng paglabas ng bahay ng isa sa miyembro ng pamilya sa bawa’t tahanan na nabigyan ng quarantine pass upang magtungo sa palengke, supermarket o botika.

Mula alas-5 hanggang alas 10 lang ng umaga at alas-3 hanggang alas-8 lang ng gabi pinapahintulutan ang may quarantine pass na lumabas ng kanilang bahay at huhulihin at kakasuhan ang sinumang lalabag sa naturang kautusan.

Kung tutuusin, maganda ang layunin ng naturang kautusan dahil tiyak na malilimitahan talaga ang paglabas ng sinuman na makakatulong naman talaga sa kabutihan ng lahat.

Kaya lang, may nakapuna na ginamit pa raw ng commander ng naturang detachment ng pulisya ang pangalan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Mayor Isko Moreno na sila raw nag-utos ng pagpapatupad ng naturang direktiba.

Nauna na kasing itinanggi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kumalat sa social media hinggil sa itinakdang oras dapat ng paglabas ng mga magtutungo sa palengke, botika at supermarket at pinagdiinan pa na isa itong fake news.

Maging ang tanggapan ni Yorme Isko ay hindi rin naglabas ng ganitong direktiba, habang ang ilang station commander at detachment commander ay nagpahayag din pala na wala silang natatanggap na ganoong uri ng direktiba.

Nangangahulugan pala na discretion o sariling desisyon lang ng commander ang kautusan at hindi galing kay Yorme o kay Gen. Miranda.

Sana, kung maganda naman ang hangarin, huwag ng gumamit ng mataas na opisyal upang hindi makalito sa mamamayan.

Mobile palengke sa Pasig , kapuri-puri  Aminado si Pasig City Mayor Vico Sotto na kapag may magandang programa at proyekto ang isang alkalde na makakabuti at makakatulong sa mamamayan, hindi siya nangingiming gayahin ito at ipatupad sa kanilang lungsod.

Bagito pa lang sa larangan ng pulitika si Mayor Sotto kaya siguro inaalam niya ng husto ang lahat ng mga kinakailangang programa at proyekto na dapat ipatupad para sa kapakakanan ng kanyang mamamayan

Pero ngayon, mukhang ang programa naman ng alkalde na “Mobile Palengke” “Market on Wheels” ang dapat sigurong gayahin ng iba pang lokal na pamahalaan sa panahon ng implementasyon ng enhanced community quarantine.

Sa nature kasing programa, mismong ang mga manininda ang iikot sa bawat barangay sa lungsod ng Pasig upang maglako ng mga paninda na mabibili sa mga palengke na may kahalintulad ding halaga.

Marami kasing mga residente ang nagrereklamo sa layo ng nilalakad nila patungo sa mga palengke lalu na’t wala namang masasakyan at ipinaiiral ang pagbabawal sa magka-angkas sa motorsiklo kaya hindi sila makapamili ng marami para hindi sana araw-araw ang kanilang paglabas.

Ang daming pumuri sa programa ni Mayor Sotto na siguro, dapat ding gayahin ng iba pang lokal na pamahalaan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363