Fake news vs Sen. Bong Revilla!

ISANG dating mamamahayag na kaibigan natin ang direktor ngayon sa isang sangay ng pamahalaan.

Sideline niya ang pagtuturo sa isang unibersidad sa Kalakhang Maynila.

Lumapit siya sa atin upang magbigay ng ating pananaw hinggil sa usapin ng fake news. Gagamitin daw niya iyon bilang ‘case study’ sa akademya na bahagi para ‘ma-promote’ siya  bilang part-time professor.

Nagpaunlak ang inyong lingkod, gayundin ang mga veteran reporter na sina Mario Casayuran ng Manila Bulletin at Paolo Romero ng Philippine Star.

Si Ka Mario ay 1966 mamamahayag na, samantalang si Maestro Paolo (dating presidente ng Malacanang Defense Press Corps) ay isa sa respetado at tinitingalang mamamahayag (noon at ngayon) mula sa print media.

Sa husay, galing, talino at lalim ng karanasan, saludo tayo kina Casayuran at Romero.

Sa madaling sabi, naging mabunga ang aming talakayan patungkol sa fake news.

Lahat kami sumasang-ayon na ngayon lamang nauso ang salita at nagkaroon ng malalang fake news.

Marahil noong dekada ’60, ’70, at ’90 ay may fake news na.

Isang klasikong halimbawa rito ang umano’y pekeng ambush kay dating Senate President Juan Ponce Enrile na Defense minister noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ginawa raw ang nasabing ‘pekeng pananambang’ upang ideklara ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972.

Sa mga police reporter noon, maaaring may ‘fake news,’ na rin. Pero ang tawag namin dito ay ‘kuryenteng balita’ na ibig sabihin, mali ang nakukuha nilang detalye at mali ang ipinalalabas na balita sa publiko.

Pareho kaming nagkakasundo nina Ka Mario at Maestro Paolo na may pagkakaiba ang kuryenteng balita sa pekeng balita.

Sa ‘kuryente’ kasi ay resulta ito ng iresponsableng pagkuha ng detalye ng pagbabalita. Karamihan sa fake news naman ay sinadyang gawin upang makasira ng isang personalidad. Ilang naglalabasang fake news ang lumalabas upang lasunin ang isipan ng mamamayan para mapaniwala silang may masamang pagkatao ang tinatarget nilang personalidad o pangyayari.

Bahagi ito ng tinatawag na ‘black propaganda’ para siraan ang kalaban nilang kampo o grupo.

Dahil dito, bigla kong naisip ang maling balita na lumabas kamakailan tungkol kay dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr.

Diumano, binato raw ng bote ng mineral water si Revilla ng mga taong galit sa kanya sa Panagbenga Festival sa Baguio City.

Galit daw ang mga tao sa Panagbenga dahil nangampanya doon si Revilla na tumatakbo ngayon sa pagka-senador. Kasabay nitong nangampanya ang mga kapwa senatorial bets na sina dating Senator Lito Lapid at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Ayaw na ayaw daw ng mga taga-Baguio na mahaluan ng pulitika ang kanilang okasyon na ginagawa taun-taon.