Farm equipment sa 947 rice producing bayan!

MASAYANG inihayag ni Senador Cynthia Villar na tatanggap ng P5 million halaga ng ‘farm equipment and machinery’  ang  947 rice-producing towns sa  Pilipinas  sa ilalim ng batas sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ani Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food, may P5 billion alokasyon na pambili ng farm equipment sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech). Ito ay hahatiin sa rice-producing municipalities.

Bahagi ang programang ito sa batas na itinatadhana sa Republic Act 11203 na naglalayong pangalagaan ang kapakanan at pangangailangan ng bawat magsasaka.

Palalakasin ang produktibong kompetensiya ng bawat magsasaka dahil sa pamamahagi ng  farm equipment gaya ng tillers, tractors, seeders, threshers, rice planters, harvesters at  irrigation pumps.

Lahat ng tatanggap nito ay sasalain sa pamamagitan ng eligible rice farmer associations at registered rice cooperatives.

Gagamitin ang machinery sa land preparation, crop establishment, harvesting at threshing, drying, at milling. Mapapakinabangan ito ng lahat ng magsasaka sa kanilang lugar na maaaring magsalit-salitan sa paggamit ng makabagong makinarya sa kanilang lugar.

Sagot naman ng local government ang pangangalaga at pagmantini sa mga ibibigay na equipment, lalo na iyong mga walang ‘farmer associations’ sa kanilang lugar.

“Mechanization of farm labor is our solution in reducing the cost of producing palay in the country, which is pegged at P12 per kilo compared to Vietnam, which produces a kilo of palay at P6 only,” dagdag pa ni Villar.

Inihayag din ng senadora na pinag-aralan ng mga eksperto ang ‘cost difference’ sa dalawang bansa at nakita nila ang malaking pagkakaiba ng labor cost na P3.40.

“We hope to bring down labor cost through mechanization. Under RCEF, our rice farmers will receive as grant-in-aid P5 million worth of farm equipment annually for the next six years. And they will be trained how to operate and how to maintain them,” sabi pa ni Villar.

Sinabi rin ng Nacionalista Party senator na naglaan din ang batas ng P100 million sa PhilMech para gamitin sa pagsasanay ng trainors sa farm mechanization at farm machinery servicing at maintenance.

Sa ganang akin, magandang programa ito na tunay na mapapakinabangan ng mga kababayan nating magsasaka.

Alam nating lahat na malaking bagay ang mga makabagong kagamitan sa pagsasaka kumpara sa mga ‘conventional type’ na pag-aararo at pag-aani, lalo’t tumitindi rin ang kompetisyon sa merkado.

Sa tuwing oras ng anihan, palagi na lang lugi ang mga maliliit na magsasaka dahil bukod sa nababarat sila sa presyo ng mga inaaning palay, kulelat din sila pagdating sa dami ng bilang ng produksiyon dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya.

Kung ang 947 bayan at lungsod na pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay, madali na ngayon sa mga pobreng magsasaka na makapag-ani ng palay — kahit na ito ay pagsaluhan pa ng magkakasama, magkakapitbahay at magkakaibigang magsasaka.

Sinasaluduhan natin si Senadora Cynthia sa programa niyang ito.

Ang ganitong uri ng proyekto ang dapat na ‘naisasabatas’ dahil masakit tanggapin ang katotohanang ang mga magsasakang ito na nagpo-produce ng kinakain natin araw-araw ay sila pa ang wala namang pagkain sa sarili nilang hapag kaninan dahil na rin sa matinding problema sa anihan!
Congrats Gen.Eleazar

Binabati natin si NCRPO director Maj. Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar dahil sa panibagong karangalang tinanggap nito.

Si Eleazar ay tumanggap kahapon ng Quezon Medalya ng Karangalan (QMK) award. Isinabay ang pagbibigay ng parangal sa pagdiriwang sa ika-141 taong araw ng kapanganakan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon.

Isang ‘true blooded Quezonian,’ si Eleazar ay ipinanganak at lumaki sa bayan ng Tagkawayan. Kilala at respetado ang pamilya nito sa buong lalawigan.

Sa layo ng narating at dami nang nakamit na tagumpay, itinuturing na dangal ng Quezon province si Gen. Eleazar.