Home>Editorial>Opinion>Filipino-Indian community pinuri ni DILG USec. Martin Dino!

Filipino-Indian community pinuri ni DILG USec. Martin Dino!

KAKATUWA ang mensahe ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Dino tungkol sa mga Filipino-Indian Community!

Sinsero ang ginawang pagbati nito sa pagdiriwang ng Diwali Festival ng mga Indian national dito sa ating bansa.

Ang Diwali Festival ay isang dakilang okasyon ng mga Indian nationals bilang pagkilala sa pananaig ng kabutihan kontra kasamaan. Ipinagdiriwang ito sa pagitan ng buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre kada taon.

Partrikular na binati ni Usec. Dino ang Filipino-Indian Commerce & Welfare Society Inc., (FICWSI) sa pamumuno ng pilantropong si James Kumar na kaagapay ng DILG sa paghahatid ng tulong at serbisyo sa iba’t ibang LGU sa bansa.

Ngayon ay ipinagdiriwang ng ating mga kaibigang Indian ang mahalagang okasyon and I want to extend my warm greetings to FICWSI to its very civic-minded President James Kumar. Ang Indian na ‘di nag-iindyan sa panahon ng bayanihan,” ani Usec. Dino sa mensahe nito sa FB account.

Aniya, sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) pa lang kung saan kapwa opisyal sina Usec. Dino at Kumar ay iisa na ang kanilang adhikain – bigyan ng hustisya ang biktima ng karumal-dumal na krimen, tumulong sa kapwa at labanan ang korapsiyon.

Matagal na kitang kasama lalo na sa VACC. Ngayon ay magkasama rin tayo sa isang civic organization na Rotary, at ang ating pagtulong lalong lalo na sa ating kapulisan. Napakaswerte namin at meron tayong kaibigan na James Kumar na namumuno sa FICWSI at sabi ko nga sa panahon ng pandemya, bagyo, pagputok ng bulkan halos lahat ng kalamidad ay naaasahan natin lalong lalo na outreach program to foster stronger Filipino-Indian friendship sa bansang ito,” sabi pa ng opisyal.

Sinabi ni Usec. Dino na kamakailan ay nasa San Simon, Pampanga siya kung saan ay personal ding nasaksihan ang pag-donate ng grupo ni Kumar ng Bacod Center o Barangay COVID-19 Defense Center.

Noong isang araw naman andun ako sa Rektang Connect, kasama si (PNP chief) Gen. Cascolan and again kasama si James dahil 50 biseklata ang pinamigay natin at may kasunod pa yan. Talagang dito makikita at masusubukan natin kung paaano nagsasama ang Filipino at Indian community dito sa ating bansa. Dahil dyan alam ko ang okasyon ay napakahalaga sa inyong lahat,” dagdag pa ni Dino.

Makailang ulit na nating isinusulat ang kabutihang ginagawa ng grupo ni Kumar.

Noong manalanta pa lang ang bagyong Yolanda at yanigin ng lindol ang Bohol province, taong 2013, nasaksihan na natin ang ginawang pagtulong ni Kumar.

Nagtuluy-tuloy ito kahit nang sumabog ang Bulkang Taal nitong nakalipas na Enero hanggang sa sumambulat ang pandemyang likha ng COVID-19 ay walang tigil sa pamamahagi ng tulong ang negosyanteng si Kumar.

Ang FICWSI ay parang Filipino-Chinese Chamber Commerce sa Pilipinas, samantalang sa grupo ni Kumar naman ay mga Indian national na nasa Pilipinas na palagian ding nagpaparating ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ngayong salantain na naman ng malalakas na bagyo ang ‘Pinas na nagpalubog ng maraming bayan sa Northern Luzon at Eastern part ng Metro Manila ay asahan muli na tulad ng ibang grupo, bukas palad sa pagbibigay ng tulong ang FICWSI.

At tulad ni Usec. Martin Dino, nais ko rin iparating ang ating sinserong pagbati sa grupo ni Kumar.

Tinanggal ni Kumar ang klasikong imahe ng Bumbay sa Pilipinas na kilala lamang sa pagpapautang ng ‘5-6’ dahil para na rin silang mga Pinoy ngayon na ramdam ang malasakit sa ating mga kababayan.

Hindi sila kailanman naging madamot sa pagbibigay tulong at lalong hindi naging laman ng masamang balita, kumpara sa ilang pasaway na Chinese.

Happy Diwali sa inyong mga kababayan, Kuya James!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large