First 1,000 Days, Batas Na!

December 10, 2018

ALAM mo ba na 95 na bata na may edad 5 pababa ang namamatay araw-araw dahil sa undernutrition? At madalas sa mga karamdaman na nakakabit dito ay kaya naman sanang lunasan.

Samantala ayon sa ilang pag-aaral, 3.6 na milyong bata ang may mahinang development habang 800,000 naman ang malnourished na bata sa bansa.

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. At tungkulin ng pamahalaan na siguruhing malusog ang pag-asa nating ito. 

Dahil dito, isinulong natin sampu ng ating mga kasamahang mambabatas ang First 1,000 Days Law o ang Republic Act 11148 na pinirmahang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong November 29, 2018.

Halos wala namang nabago ang final version na ito sa inihain nating House Bill 5777 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act.

Gaya ng titulo nito, inuutusan ng batas na ito ang mga sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa kalusugan at nutrisyon na tutukan ang mga nanay at kanilang supling sa unang 1,000 na araw sa kapanganakan.

Sa gagawing strategy dapat ng Department of Health, kailangang masiguro na makukuha ng mga buntis, lactating mothers, mga adolescent na mga babae, at mga sanggol na bagong panganak hanggang dalawang taong gulang ang mga age-appropriate na mga pagkain, bakuna, kasama na rito ang deworming at iba pa.

Kung babasahin mo nga ang RA 11148, para itong step-by-step na manual ng appliances dahil may mga nakatakdang gawain sa mga mahahalagang araw sa pagbubuntis ng mga kababaihan.

Mula sa apat na pre-natal care visits sa First 270 days (Concepcion) at sa First 550 Days, nakalagay sa batas kung anu-ano ang mga serbisyong dapat ibinibigay sa mga buntis.

Adhikain din ng batas na maipasok sa PhilHealth ang mga nanay para hindi na maging problema ang gastusin sa mga serbisyong medical.

Weather-proof nga ang batas na ito kung tutuusin dahil inaatasan nito ang NDRRMC na gawing prayoridad ang mga buntis at kanilang supling sa oras ng sakuna. Sa batas, dapat ay pasok sa disaster plans ng NDRRMC ang kapakanan ng mga kababaihang nasa disaster-prone areas at mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas.

Prevention is better than cure ika nga. Kaya sa pamamagitan ng batas na ito, ipinagbubuntis pa lamang ng mga ina ang kanilang mga anak ay nakaantabay na ang pamahalaan.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)