Food and Drug Administration ng Estados Unidos tinanggap ang Dengvaxia

November 13, 2018

SA kabila ng mahigpit na panuntunang ipinaiiral ng Estados Unidos, tinanggap ng United States Food and Drug Administration ang biologics license application ng Sanofi Pasteur na supplier ng kaunaunahang bakuna laban sa dengue.

Kung tutuusin, magandang balita ito lalo na sa mga bansang laganap ang sakit na dengue tulad sa Pilipinas na nakapagtala ng 138,444 na kaso mula Enero hanggang Oktubre ng taong 2018 na halos 21 porsiyentong mataas kumpara noong 2017. Nakakabahala rin na napakalaki ng ibinaba ng bilang ng mga nagpapabakuna dahil na rin sa mga mali-maling impormasyon na kumalat ukol dito. Malaking problema ito kapag nawalan ng tiwala sa bakuna ang publiko dahil lalala ang mga sakit at magiging malaking problema ito ng pamahalaan pag nagkataon.

Sa totoo lang, sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang nagkaroon ng kasagutan ang dengue sa ating henerasyon. Ang pagtanggap ng US FDA ay nagpapatunay na kinikilala sa buong mundo ang nasabing bakuna bilang epektibong panlaban sa dengue. Naging matagumpay pa nga ang testing ng Dengvaxia sa maraming lugar at nasubukan din ito sa 40,000 katao sa labinlimang bansa.  Mataas din ang pagpapahalaga ng Amerika sa bakunang ito dahil noong 2010 ay may halos 12,000 kaso ng dengue sa Puerto Rico at US Virgin Islands.

Ang European Health Commission ng European Union ay nakatakda na rin daw magbigay ng market authorization ngayong taon para sa nasabing bakuna habang patuloy itong tinatangkilik sa mga bansang Singapore, Brazil at Mexico. Ang Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) ng World Health Organization ay naglahad din ng ulat ukol sa “public health value” ng Dengvaxia noong mga nakaraang buwan lamang.

Mahalaga sa isang bansang tulad ng Pilipinas na magkaroon ng bakunang makakapigil sa dengue at ito sana ang pagkakataon para mapuksa ang nakamamatay na sakit pero mukha raw napupulitika ito lalo na ngayong malapit na ulit ang halalan.

Sana ay makita rin ang positibong resulta ng kagandahang dulot ng bakuna lalo na’t wala pa namang napapatunayang kaso na direktang nag-uugnay sa Dengvaxia sa mga nabiktima na nagiging dahilan ng pagkalat ng maling impormasyon.

Kung tunay ngang napupulitika ang isyu ng Dengvaxia, sana lang ay hindi maisakripisyo ang buhay ng libu-libo nating mga kababayan at mailabas ang katotohanan na pinatutunayan ng pagrespeto ng iba’t-ibang malalaking bansa ukol sa bakunang ito. Ang sakit na dengue ang tunay na kalaban at ito ang kailangan nating wakasan.

Work Immersion at Scholarship Program

SA Biyernes, magsisimula ng magtrabaho sa Navotas city hall ang 462 Senior High School student ng lungsod para sa Work Immersion Program na isa sa panuntunan ng Department of Education.

Pinayagan ni Mayor John Rey Tiangco na makapag-intern ang mga estudyante sa iba’t-ibang tanggapan ng city hall hanggang Pebrero 2019 bilang paghahanda sa kanilang kinabukasan.

Ayon sa alkalde, magandang oportunidad ito sa mga estudyante ng Navotas para maranasan nila ang serbisyo publiko at maintindihan ang gawain ng pamahalaang lungsod. Dagdag pa ni Mayor Tiangco, hangad niyang maipagkaloob ang lahat ng makabubuti sa mga mag-aaral at bukas ang pamahalaang lungsod para maturuan silang lahat.

Samantala, maaari ng makakuha ng educational assistance sa pamahalaang lungsod ang limang kamag-anak ng mga napiling Top Ten Outstanding Fisherfolk ng 2018 sa ilalim ng Navotas Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship Program.

Kabilang sa mga unang batch ng mga iskolar sa ilalim ng programa ni Mayor John Rey Tiangco ang limang kaanak ng mga top ten fisherfolk mula sa Bgy. Tanza 1, Bgy. Tangos South at Bgy. Sipac Almacen.

Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng alkalde ng mga benepisyaryo ng programa, bibigyan ng Navotas city government ng P16,500 transportation at food allowance ang mga iskolar at karagdagang P1,500 na sahod sa bawat academic year.

Hangad naman ni Mayor Tiangco na mapanatili ng mga iskolar ang mataas nilang marka, wastong asal at malusog na pangangatawan, pati na  ang paglilingkod sa pamahalaan kung kinakailangan.

Simula nang magkaroon ng scholarship program, umabot na sa 291 academic scholars, 293 athletic scholars, at 19 art scholars ang napag-aral ng pamahalaang lungsod.
Ace Security.

Nasa bansa na ang imported na produktong pang-seguridad ng Ace Security Laminates na kanilang ipinagmalaki sa isinagawang demonstrasyon sa Sky Range shooting club sa Solaire Hotel and Casino.

Ipinamalas ng mga kinatawan ng Ace kung paano magiging ligtas ang isang indibiduwal sa posibleng pag-atake ng mga armadong kalaban sa pamamagitan ng paglalagay ng plastic laminates na produkto ng kompanya na hindi tinatablan ng anumang uri ng bala.

Bukod sa salamin ng sasakyan, puwede ring ilagay ang plastic laminates sa mga bintana at pintuang salamin ng bahay o establisimiento na garantisadong hindi tatablan kahit malakas na uri ng pampasabog dahil mababasag lamang ang salamin subalit hindi tatagos ang bala o shrapnel ng anumang uri ng pampasabog.

Dumalo sa naturang demostrasyon ang mga gun enthusiast, aktibo at retiradong opisyal ng pulisya at militar, mga negosyante at pulitiko upang saksihan kung gaano kaligtas ang produkto ng Ace.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.